Tuesday, February 25, 2025

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986

kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa
pati na mga tagasimbahang kagrupo niya
dinala'y laksang pandesal na pinamigay nila
sa makitang tao sa Edsa na nakikiisa

iyon nga'y malaking kaganapan sa kasaysayan
na kung ating aaralin ay sadyang katunayan
na kung magkakaisa talaga ang mamamayan
kayang magpatalsik ng diktador sa ating bayan

sa panahong iyon, talagang masaya ang madla
subalit nang lumayas na ang diktador sa bansa
ang sabi'y pangako ng Edsa'y tuluyang nawala
sa gobyerno'y di nakapwesto ang obrero't dukha

pag-aalsa iyong buong mundo na ang pumuri
ngunit pumalit, mula rin sa naghaharing uri
kaya di pa rin natupad ang pangarap na mithi
palitan ang bulok na sistemang kamuhi-muhi

isa iyong malaking aral na dapat manilay
sa sama-samang pagkilos ay kakayaning tunay
na baguhin ang sistema't makamit ang tagumpay
huwag lang sa di kauri ang panalo'y ibigay

- gregoriovbituinjr.
02.25.2025

* litrato mula sa google

Wednesday, February 5, 2025

Ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista

ANG SINUMANG BAYANI'Y NAGSIMULANG AKTIBISTA

ang sinumang bayani'y nagsimulang aktibista
ipinaglaban ang kagalingan ng mamamayan
laban sa naghaharing burgesya't oligarkiya
ipinaglaban ang hustisya't paglaya ng bayan

di sila oo lang ng oo't tanggap ang tiwali
nais nilang maitama ang kalagayang mali
bawat pagpapasya nila'y pagbabakasakali
upang mabago lang ang sistemang nakamumuhi

kaapihan ng bayan ay nilarawan sa Noli
at Fili kaya namulat ni Rizal ang marami
dahil doon inakusahan siyang nagrebelde
sa Espanya, binaril sa Bagumbayan, bayani

pinangunahan ni Bonifacio ang Katipunan
at naitatag ang bansa nang sedula'y pinunit
na simula ng himagsikan tungong kalayaan
subalit siya'y pinaslang pati kanyang kapatid

ang misyon niya'y itinuloy ni Macario Sakay
kapanalig ng Katipunan, talagang mahusay
sumuko sa Kano para sa Asembliyang pakay
kasama si Lucio De Vega, sila ay binitay

si Jose Abad Santos, ayon sa kwento ng anak
ay naging tapat sa bayan, pinugutan ng Hapon
kayrami pang lumaban, gamit ma'y pluma o itak
aktibista silang paglaya ng bayan ang misyon

taospusong pagpupugay sa bawat aktibista
na lumaban sa pang-aapi't pagsasamantala
kumikilos upang itayo'y pantay na sistema
isang lipunang manggagawa, gobyerno ng masa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2025

Saturday, January 11, 2025

Kasaysayan

KASAYSAYAN

bilin ni Oriang sa kabataan:
matakot kayo sa kasaysayan
walang lihim na di nabubunyag

isang patnubay ang kanyang bilin
tungkulin sa bayan ay ayusin
at gawain nati'y paghusayin

sa kasaysayan tayo'y matuto
para sa kapakanan ng tao
huwag ulitin ang mali nito

si Gat Andres na ating bayani
tulad nina Rizal at Mabini
nagawa sa bayan ay kayrami

O, kasaysayan, isinulat ka
para sa bayan, para sa masa
di para sa mapagsamantala

- gregoriovbituinjr.
01.11.2025

Friday, December 20, 2024

Ang rebulto ni Galicano C. Apacible sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Galicano C. Apacible, manggagamot, at propagandista mula Balayan, Batangas. Kasama ni Rizal nang itatag ang El Compañerismo, lihim na samahang pulitikal na itinatag sa Maynila noong 1890s.

Halina't basahin ang nakasulat sa marker:

GALICANO C. APACIBLE
(1864-1949)

Manggagamot, propagandista, diplomatiko, mambabatas at makabayan. Ipinanganak sa Balayan, Batangas 26 Hunyo 1864. Kasama si Dr. Jose Rizal at iba pang mga mag-aaral na Filipino, itinatag sa Maynila ang El Compañerismo, isang lihim na samahang pulitikal noong 1890s. Isa sa mga nagtatag ng pahayagang propagandistang La Solidaridad noong 1889. Pangulo ng Asociacion Solidaridad Filipina sa Barcelona noong 1888 at ng Komite Sentral ng mga Filipino sa Hongkong noong 1898. Tagapayo ng Mataas na Konseho ng mga Rebolusyonaryong Filipino at kinatawan ng Republika ng Pilipinas sa Tsina, 1989-1899. Natatanging sugo sa Amerika at Europa, 1900-1901. Isa sa mga tagapagtatag ng Lapiang Nacionalista, 1906. Gobernador ng Batangas, 1908-1909; Kinatawan ng Batangas sa Asamblea ng Pilipinas, 1910-1916; Kalihim ng Pagsasaka at Likas na Yaman, 1917-1921. Yumao 22 Marso 1949.

Ang mga litrato ay kuha ng makatang gala sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024. Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

GALICANO C. APACIBLE

kasama ni Rizal at isa ring bayani
ngalan niya'y Galicano C. Apacible
isinilang parehong taon ni Mabini
parehong Batangenyo ang dalawang are

si Apacible ay isang diplomatiko
manggagamot at propagandistang totoo
kasama ni Rizal at iba pang Filipino
ay tinatag nila ang El Compañerismo

na lihim na samahang pulitikal noon
siya'y naging pangulo ng Asociacion
sa Barcelona't Komite Sentral sa Hongkong
sa Mataas na Konseho ng Rebolusyong

Filipino at kinatawan din sa Tsina
tanging sugo rin sa Amerika't Europa
nagtatag din ng Lapiang Nacionalista
kinatawan ng Batangas sa Asamblea

ng bansa, Gobernador din ng lalawigan
Kalihim ng Pagsasaka't Likas na Yaman
tulad ni tatay, isinilang sa Balayan
si Apacible ay bayani rin ng bayan

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Ang rebulto ni Mabini sa Balayan, Batangas

Rebulto ni Gat Apolinario Mabini sa Balayan, Batangas. Ang nakasulat sa marker: 

APOLINARIO MABINI y MARANAN
23 July 1864 - 13 May 1903

Isa sa mga bayani ng Pilipinas, abogado, tagapayo ng pangulo, at punong katiwala (o punong ministro) ng pamahalaan na kumatha sa mga alituntunin ng Konstitusyon ng Unang Republika ng Pilipinas. Siya ay kilala bilang "Dakilang Lumpo" o "Dakilang Paralitiko" at "Utak ng Rebolusyon."

Kuha sa Balayan, Batangas, Disyembre 19, 2024.

Sumaglit muna sa Balayan upang kausapin ang aking ina. Lumuwas din ng Maynila kinagabihan.

APOLINARIO MABINI

isa sa ating mga bayani
si Gat Apolinario Mabini
mula sa lalawigang Batangas
bayaning tanyag sa Pilipinas
siya'y tagapayo ng pangulo,
at gumampan ding punong ministro
kinatha'y mga alituntunin
ng unang Saligang Batas natin
siya'y "Dakilang Paralitiko"
tinatawag ding "Dakilang Lumpo"
kilalang "Utak ng Rebolusyon"
sa kasaysayan ng ating nasyon
kay Mabini, Mabuhay! Mabuhay!
taospuso kaming nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
12.20.2024

Monday, September 23, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING

tulad ni Caloy Yulo, nakadalawang ginto rin
si Lovely Inan sa sinalihan niyang weightlifting
ayon sa ulat, nauna si Angeline Colonia
na makakuha rin ng dalawang gintong medalya

animo'y sinusundan nila ang nagawang bakas
ng Olympic gold medalist na si Hidylin Diaz
aba'y nahaharap sa magandang kinabukasan
ang ating mga Olympian sa nasabing larangan

Lovely Inan at Angeline Colonia, pagpupugay
sa napili ninyong larangan ay magpakahusay
sa mga bagong dugo'y tunay kayong inspirasyon
kapuri-puring binuhat ninyo ang ating nasyon

maraming salamat sa inyong inambag sa bansa
kayo'y magagaling at tunay na kahanga-hanga

- gregoriovbituinjr.
09.23.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Setyembre 23, 2024, pahina 12

Monday, September 16, 2024

Daniel Quizon, bagong Chess Grandmaster ng Pilipinas

DANIEL QUIZON, BAGONG CHESS GRANDMASTER NG PILIPINAS

si Chess International Master (I.M.) Daniel Quizon
ang panglabingwalong Chess Grandmaster ng ating bansa
nang two-thousand five hundred ELO rating ay maabot
at nakuha ang kailangang tatlong grandmaster norm

dalawampung anyos pa lamang nang maging grandmaster
nang si G.M. Efimov ay pinisak ng woodpusher
na Pinoy, doon sa FIDE Chess Olympiad sa Budapest
sa bansang Hungary, pinakitang Pinoy ang Da Best

sa AQ Prime ASEAN Chess Championship ang unang norm
sa Eastern Asia Chess Championship ang ikalawang norm
sa Hanoi Grandmasters Chess Tournament ang ikatlong norm
nakamit niya ang pinapangarap niya't misyon

sa bagong Pinoy Chess Grandmaster, kami'y nagpupugay
karangalan ka ng bansa sa kahusayang taglay
magpatuloy ka't kamtin ang marami pang tagumpay
sa iyo, Grandmaster Quizon, mabuhay ka! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
09.16.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at pahayagang Abante, Setyembre 16, 2024
.
.
.
TALAAN NG MGA FILIPINO CHESS GRANDMASTERS:

1st Grandmaster - Eugene Torre
2nd Grandmaster - Rosendo Carreon Balinas Jr.
3rd Grandmaster - Rogelio "Joey" Antonio Jr.
4th Grandmaster - Buenaventura "Bong" M. Villamayor
5th Grandmaster - Nelson I. Mariano III
6th Grandmaster - Mark C. Paragua
7th Grandmaster - Darwin Laylo
8th Grandmaster - Jayson Gonzales
9th Grandmaster - Wesley Barbasa So
10th Grandmaster - John Paul Gomez
11th Grandmaster - Joseph Sanchez
12th Grandmaster - Rogelio Barcenilla
13th Grandmaster - Roland Salvador
14th Grandmaster - Julio Catalino Sadorra
15th Grandmaster - Oliver Barbosa
16th Grandmaster - Richard Bitoon
17th Grandmaster - Enrico Sevillano
18th Grandmaster - Daniel Quizon

Janelle Mae Frayna - Unang Woman Grandmaster ng bansa

Positibo't negatibong aral ng EDSA 1986

POSITIBO'T NEGATIBONG ARAL NG EDSA 1986 kasama ko si Dad sa unang pag-aalsang Edsa pati na mga tagasimbahang kagrupo niya dinala'y l...