Monday, May 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Wednesday, May 10, 2023

Mayo 10, 1897

 

MAYO 10, 1897

isang araw matapos ang kaarawan ni Oriang
ang kanyang mister naman ay walang awang pinaslang
ng alagad ng diktador, tila bituka'y halang
ang posisyon ng Supremo'y di man lang iginalang

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

marahil nasa isip niyang baka napahamak
na kung mababatid niya'y sadyang nakasisindak
ang Supremo, ayon sa ulat, ay pinagsasaksak
at marahil si Oriang ay walang tigil sa iyak

kaya wala ang asawa sa kaarawan niya

anong lungkot na salaysay para sa Lakambini
kasama sa kilusan ang sa Supremo'y humuli
kapwa Katipunero pa ang pumaslang, ang sabi
at kasangga pa sa paglaya ng bayan ang imbi

- gregoriovbituinjr.
05.10.2023

* litrato mula sa google

Si Datu Amai Pakpak, Bayani ng Mindanao

SI DATU AMAI PAKPAK, BAYANI NG MINDANAO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Noong Disyembre 30, 2022, araw ng kamatayan ng bayaning si Gat Jose Rizal, ay mag-isa akong nagtungo sa Luneta upang masaksihan kung anuman ang pagdiriwang na ginagawa roon. Maraming tao sa monumento ni Rizal noong panahon iyon, at nanood ako ng isinagawang programa roon.

Matapos iyon ay nilibot ko ang Luneta hanggang mapatapat ako sa Open Air Auditorium katapat ng malaking tubigan na may fountain na nag-iilaw sa gabi. Sa palibot niyon ay may dalawampung busto, o eskultura ng ulo, balikat at dibdib, ng mga kinikilalang bayani ng Pilipinas. Sa unang hilera ay sampung busto, ganoon din sa ikalawa na nasa kabila, kung saan nasa gitna ng dalawang hilera ng nasabing tubigan at fountain. Lahat ng naroong busto ay inikot ko at nilitratuhan. At inilagay sa facebook page na Brown History na nasa link o kawing na https://www.facebook.com/brownhistoryph at sa blog na Mga Bayani ng Lahi na nasa kawing na https://mgabayaninglahi.blogspot.com/.

Naroon ang busto ng mga bayaning sina Lapu-lapu, Graciano Lopez-Jaena, Marcelo H. Del Pilar, Jose Ma. Panganiban, Apolinario Mabini, Apolinario Dela Cruz o Hermano Pule, Francisco Maniago ng Pampanga, Juan Sumuroy ng Samar, Aman Dangat ng Batanes, Diego Silang ng Ilocos, Mateo Cariño ng Cordillera, Gregorio Aglipay, Francisco Dagohoy ng Bohol, Vicente Alvarez ng Zamboanga, Pantaleon Villegas o Leon Kilat ng Cebu, Sultan Dipatuan Kudarat ng Cotabato, Datu Taupan ng Balanguigui, Datu Ache ng Sulu, at Datu Amai Pakpak ng Lanao. Labinsiyam sapagkat ang isang rebulto ay natanggal ang nakasulat na marker.

Doon ko unang nakita ang rebulto ni Datu Amai Pakpak, isa sa mga martir at bayani sa kasaysayan ng ating bansa. Sino ba siya at ano ang inambag niya sa himagsikan? Bakit libo-libong Kastila ang ipinadala sa Mindanao upang durugin siya, at ang pinamumunuan niyang Kuta ng Marawi?

Basahin natin ang nakasulat sa kanyang marker:

DATU AMAI PAKPAK
(Lanao, d. 1895)

The Chief of Marahui (Marawi), Datu Amai Pakpak was also known as Datu Akadir who bravely resisted the Spanish campaigns to subjugate Lanao. He was killed while defending his cotta during the Blanco campaign in 1895.

Naka-upload ang litratong ito sa blog na Mga Bayani ng Lahi sa kawing na: https://mgabayaninglahi.blogspot.com/2023/01/datu-amai-pakpak.html, at sa fb page ng Brown History na nasa https://www.facebook.com/photo.php?fbid=129110663357375&set=pb.100087753241695.-2207520000.&type=3

Kamakailan ay nahalungkat ko sa aking munting aklatan ang aklat na "Kabayanihan ng Moro at Katutubo" ni Roland G. Simbulan. Nabili ko ang aklat sa Popular Bookstore noong Disyembre 29, 2021. Binabasa-basa ko ito nang mapadako ako sa pahina 32 kung saan naroon ang pagtalakay na pinamagatang "Datu Amai Pakpak ng Marahui, Lanao". Ang talakay hinggil sa kanya ay umaabot ng apat na pahina, mula pahina 32 hanggang 35.

Sipiin natin ang ilang bahagi:

"Nang pumanaw si Sultan Desarip, iniwan niya sa kanyang bayaw na si Datu Akadir Akobar, na mas kilala sa pangalang Amai Pakpak, ang pamumuno ng mga mandirigma ng Rapitan sa mga makasaysayan ngunit pinakamadugong labanan ng Moro-Kastila sa Mindanao. Tampok dito ang pagdepensa ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui. Ang nasabing cotta ay armado ng 19 na mga kanyon na nakapaligid sa mga makakapal na batong pader nito. Ang apat na pinakamalaking kanyon ay binigyan pa ng mga Moro ng pangalang Marawi, Balo, Diatris, at Barakat. (Saber, 1986)"

"Noong Agosto 1891, tinangka ni Valeriano Weyler, ang Gobernador-Heneral ng Pilipinas, nagplano ng mga kampanya sa Mindanao sa pamamagitan ng pagtatayo ng kawing sa mga kutang militar sa mga dalampasigan. Ang kanyang estratehiya ay hawig sa mga "Fortress" ng mga Krusada sa Mediterranean at Gitnang Silangan laban sa Moors."

"Nagmobilisa si Weyler ng 1,242 tropa na dinala sa apat na barkong may pangalang S.S. Manila, S.S. Cebu, S.S. San Quintin at S.S. Marquez de Duero upang kubkubin ang Cotta Marahui ni Amai Pakpak. Kahit may panimulanhg tagumpay ang mga Kastila, di nagtagal ay napaatras ng mga Moro ang malaking operasyong ito at giniba ang mga itinayong kuta-militar ng Espanya."

"Pagsapit ng 1904, ang bagong upong Gobernador Heneral Ramon Blanco naman ang personal na namuno ng kampanya militar sa Lanao. Gumamit siya ng mga bakal na bapor pandigma na inorder pa sa mga British sa Hong Kong. Ang mga barkong pandigma sa mga operasyong ito ay ang S.S. Heneral Blanco, S.S. Corcuera, S.S. Heneral Almonte at S.S. Lanao na may dalang mga awtomatik na masinggan na gawa rin sa Inglatera."

"Sa operasyong militar ni Gobernador Heneral Blanco noong Marso 10, 1895, lumusob ang malaking pwersa ng Kastila na 5,000 sundalo laban kay Amai Pakpak at sa kanyang mga mandirigma sa Cotta Marahui. Dalawang beses ginawa ang paglusob. Ayon sa historyador na si Mamitua Saber, ang 5,000 nasa Sandatahang Dibisyon ng Kastila ay nanggaling sa 68th, 69th, 70th, 71st, 72nd, 73rd at 74th Infantry Units ng Espanya sa Maynila. Dagdag pa rito ang 2 kumpanya ng Disciplinary Batallion, 3 unit galing sa Peninsular Artillery Regiments, 2 Mountain Batteries (artillery), 1 mortar battery, isang kumpanya mula Cristina yunit, 2 unit mula sa Veterans Civil Guards, mga sundalo galing sa Halberdiers, at mga boluntaryong "indio" galing Zamboanga (Saber, 1986). Armado pa ang Spanish Infantry ng mga ripleng Mauser na may mga bayoneta."

"Samantala, ang mga panlabang sandata ng mga Moro ay kris, kampilan, sibat at ilang mga nasamsam na riple. Ayon pa rin kay Saber, makikita sa mga kanyon, lantaka at iba pang armas sa loob ng Cotta Marahui ang talino ng Moro sa paglikha."

"Sa buong araw ng Marso 10, 1895, kinubkob ng mga barkong pandigma at Sandatahang Dibisyon ni Blanco ang mga mandirigma ni Amai Pakpak sa Cotta Marahui sa Lanao. Naging martir sa makasaysayang labanang ito si Amai Pakpak (Datu Akadir) at ilang mga kasama niya, katulad nina Bai Ataok Inai Pakpak, Pakpak Akadir, Palang Amai Mering, Ali Amai Admain, Amai Porna, Diamla sa Wato, Amai Domrang, Amai Dimaren, Amai Pangompig, atbp. Bagamat marami sa kanyang mga natirang Datu at mandirigma ang umatras ng cotta, patuloy silang lumaban sa mga dayuhang mananakop sa iba't ibang bahagi ng Mindanao. (Saber, 1979)"

"Ito na marahil ang pinakamalaking armadong operasyong militar ng Espanya sa buong Pilipinas. Mula 1891-1895, napako sa Mindanao ang malaking porsyento ng puwersang militar ng Espanya at nagbigay ng puwang sa mga Katipunero na mag-organisa at magpalawak ng organisasyon sa Luzon at Bisayas."

May maikling pagtalakay naman sa WikiFilipino hinggil sa talambuhay ni Datu Amai Pakpak, na matatagpuan sa kawing na: https://fil.wikipilipinas.org/view/Datu_Amai_Pakpak

Datu Amai Pakpak

Si Datu Akadir Akobar, o mas kilala bilang Amai Pakpak, ay isang pinunong Maranao na kilala sa pamumuno sa pagtutol ng mga Maranao sa pagsakop ng mga Espanyol sa rehiyon ng Lanao noong 1890.

Tubong Marawi, ipinagtanggol ni Amai Pakpak ang rehiyon sa pamamagitan ng Fort Marawi, isang kuta na kaniyang itinatag sa lugar.

Bagama't maraming iba pang mga naging labanan sa pagitan ng mga Maranao at ng mga Espanyol, tanging ang mga labanang pinamunuan ni Amai Pakpak ang naitala, kabilang na ang labanan noong 1891 sa pagitan ng mga Espanyol na ipinadala ni Gobernador-Heneral Valeriano Weyler at noong 1895 laban sa hukbong ipinadala ni Gobernador-Heneral Ramon Blanco.

Sa labanan noong 1891, nagtagumpay si Amai Pakpak at ang kaniyang hukbo na pigilan ang pag-atake ng mga Espanyol sa Lanao. Umatras ang mga Espanyol patungong Iligan matapos dumating ang karagdagang hukbo mula sa mga lugar sa paligid ng Lake Lanao.

Noong 1895, napatay si Amai Pakpak kasama ang kaniyang pamilya at iba pang hukbo nang dumating ang isang eskuwadron ng mga barkong ipinadala ni Gobernador-Heneral Blanco sa Lake Lanao para tapusin ang pagsakop sa rehiyon ng Lanao.

Umatras din kinalaunan ang mga Espanyol mula sa lugar nang magsimula ang Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898.

Kilala bilang isang bayaning Maranao si Amai Pakpak. Noong 1970, ipinangalan kay Amai Pakpak ang dating Lanao General Hospital bilang pagkilala sa kaniyang kagitingan sa pakikipaglaban sa mga Espanyol sa Labanan sa Marawi noong 1895.

Tuesday, May 9, 2023

Sa ika-148 kaarawan ni Gat Oriang

SA IKA-148 KAARAWAN NI GAT ORIANG
(Mayo 9, 1875 - Marso 15, 1943)

maligayang kaarawan sa Lakambini
ng Katipunan at magiting na bayani
asawa ng Supremong tunay ding bagani
inspirasyon ka na sa kapwa mo babae

pagpupugay sa iyo, O, Dakilang Oriang!
na kasama noon sa buong himagsikan
laban sa mga mananakop na dayuhan
laban din sa mga taksil na kababayan

kay Andres ay namatayan kayo ng anak
si Gat Andres pa'y pinaslang at napahamak
subalit babae kang di nagpapasindak
ang kapara mo'y gintong uhay sa pinitak

sa kababaiha'y inspirasyong totoo
kilusang Oriang nga'y itinatag na rito
samahan itong ipinangalan sa iyo
at si Tita Flor Santos ang unang pangulo

maligayang kaarawan ang aming bati
bayani ka ng kababaihan at lahi
pagkat kalaban ka ng mapang-aping uri
sa aming puso'y mananatili kang lagi

- gregoriovbituinjr.
05.09.2023

Larawan ng magigiting

LARAWAN NG MAGIGITING nakita kong nakapaskil ang isang ulat sa burol ni Ka RC nang magpunta ako makasaysayang tagpo yaong nadalumat kaya sa ...