Thursday, April 9, 2026

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN
‎ang mga bayani ng bayan
‎ay atin pong alalahanin
‎ngayong Araw ng Kagitingan
‎upang kalayaan ay kamtin
‎sa mga bayaning Pilipino 
‎kami'y taospusong nagpupugay
‎pagkat bansa'y pinalaya ninyo
‎mula sa mga imbi't kaaway
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Monday, March 30, 2026

Panonood ng 'Kababaihan ng Malolos' at 'History of the Underground'

PANONOOD NG 'KABABAIHAN NG MALOLOS' AT 'HISTORY OF THE UNDERGROUND'
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa ang plano ko ng buong araw. Dumalo sa aktibidad na Kalbaryo ng Maralita ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Ikalawa, manood ng mahahalagang dokumentaryong pangkasaysayan, ang 'Kababaihan ng Malolos' sa UP Film Center ng ika-11 ng umaga.

Ikawalo pa lang ng umaga uy umalis na ako ng Bahay upang daluhan ang unang aktibidad ng PLM sa tapat ng PCUP. Ma-trapik at nakarating ako sa PCUP bandang mag-iika-9 ng umaga. Wala sila. Baka nakaalis na. Sakay agad ako ng dyip puntang Quezon City Hall. Dumating ako ng Kalayaan ng ika-9:30. Nag-abang doon, wala pa sila sa tapat ng DHSUD, nag-almusal ng kanin at sitaw sa gilid na karinderya. Bumalik. Dinaanan ang DHSUD at NHA. Wala pa rin. Bandang ika-10:30 ay umalis na ako at naglakad patungong sakayan ng UP. Nakarating sa UP Film Center Videotheque ng 10:45. Tamang-tama.

Pinanood ko ang 'Kababaihan sa Malolos' na siyang alam kong nag-iisang palabas doon. Pinanood ko dahil nais kong mabatid pa ang hinggil sa kanila, bukod sa nilalaman ng liham ni Dr. Jose Rizal na pinamagatang "Sa Mga Kababaihan ng Malolos". Nasa isa't kalahating oras din ito.

Inisip kong abangan sa CHED ang Kalbaryo, subalit nakita kong may isa pang interesting na palabas ng alas-dos. Ang pamagat ay 'History of the Underground' ng ikalawa ng hapon. Kaya nagpasya akong panoorin iyon kaysa abangan ang Kalbaryo sa pagdaan nito sa CHED na di ko batid kung anong oras. Nag-aalangan akong pumunta. Dahil nga yaong naunang nakaiskedyul ay walang dumating.

Ikalawa kong pinanood ang "History of the Underground" kung saan ilan sa mga nakapanayam ay sina Joma Sison, Dodong Nemenzo, Princess Nemenzo, Ed Dela Torre, at marami pang iba, hinggil sa pagkakatayo ng isang rebolusyonaryong partido noong 1968. Dalawa't kalahating oras din ito. Pumasok ako ng alas-dos at nanood, at lumabas ng alas-singko, dahil matapos ang palabas ay nakipagtalakayan pa sa audience ang direktor na si Sari Dalena.

Napanood ko ang pagsisimula ng Sari Dalena Retrospective sa buong Marso, ang "Memoirs of a Forgotten War" at ang "Cinemartyrs". At itong huli kong dalawang napanood ay ito ngang "Kababaihan sa Malolos" at ang "History of the Underground".

kaysarap manood ng paksang kasaysayan
na marami'y di mo nabasa sa aklatan
o kung nabasa man, detalye'y kaliitan
kaya di mo manamnam at di nasarapan

ngunit sa dalawang nasabing pelikula
ay magkakainteres ka pagkat maganda
kaya mga ito'y sinadya ko talaga
upang masaksihan at ako'y matuto pa

03.30.2026

Thursday, March 19, 2026

Si Bulakna

‎SI BULAKNA

‎black belter umano sa arnis si Bulakna,
‎isang babaylan, mandirigmâ, makatâ pa,
‎at kay Lapulapu ay butihing asawa,
babae, pinunô, ating bigyang halaga

‎nakita sa eksibit ni Kidlat Tahimik
‎nang mata ko'y imulat, di na maipikit
‎si Bulakna pala sa arnis ay kaylupit
‎pangalan niya sa kasaysayan igiit

‎dapat pa tayong magsaliksik ng ganito
‎dapat pa nating saliksikin ang ganito
‎tagong kasaysaya'y halungkating totoo
‎ngala'y idagdag sa bayaning Pilipino

‎O, Bulakna, pangalan mo'y isinadiwà
‎sa Mactan ay isa kang bayaning dakilà
‎kaylaki ng papel ng babae sa bansâ
‎"Bayani ng Arnis", itatawag kong sadyâ

‎- gregoriovbituinjr.
‎03.19.2026

‎* mga litrato kuha ng makatâ noong Marso 15, 2026 sa MET

Saturday, March 7, 2026

Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War

DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa Digmaang Pilipino-Amerikano, lalo na ang Bud Dajo massacre. Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang Memoirs of a Forgotten War, at ang Cinemartyrs. Ang direktor ay si Sari Dalena. Nabanggit na ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre ng araw na iyon.

Mula sa isang presscon na pinamagatang "Defending the Defenders" na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik.

Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghanap na ng mauupuan sa madilim na sinehan. Nagsimula ang Memoirs of a Forgotten War sa pagtalakay ng isang banyagang ang tinig ay babae. Sinalaysay ang ilang pangyayaring naganap noong Philippine-American War sa Ilocos at sa Patikul.

Naging matingkad sa akin ang paglusob ng pulutong ng kababaihan sa mga sundalong Amerikano sa isang labanan. Patay silang lahat, pati ang lider nilang animo'y Kristo ang kaanyuan.

Libre o Free Admission ang Memoirs of a Forgotten War, na isang oras din, habang may bayad naman ang Cinemartyrs, na higit dalawang oras naman. P200 ang regular habang P150 ang senior / PWD / student. Naglabas ako ng P150 at ibinayad na sabi ko, hindi regular, kundi pultaym na aktibista. Itatanong daw muna, subalit pumayag na rin at binigyan ako ng tiket.

Bihira akong makapanood ng sine o dokumentaryo hinggil sa Philippine-American War, habang kayrami ng pelikula hinggil kina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, at iba pang nakibaka laban sa mananakop sa Luzon. Kaya ang panonood ng dalawang pelikulang ito ay di ko na pinakawalan.

6:30 pm, pinapasok na kami para sa Cinemartyrs. Tahimik akong umupo at nanood. Binuksan iyon sa eksena sa isang lugar marahil ay sa Intramuros na kapis pa ang mga bintana. Pinakita ang pagkuha sa isang eksenang pinalabas na sa Memoirs of a Forgotten War na una kong napanood ng hapong iyon. Si Angel Aquino na ang gumanap sa babaeng may hawak na sanggol habang sumugod muna ang maraming kababaihan sa pulutong ng mga sundalong Amerikano, pinagbabaril, hanggang sila'y nangaubos. Lumaban noon ang mga kababaihan para sa dignidad at kalayaan ng bayan laban sa mga mapaniil na mananakop. Napanood habang dalawang araw na lang ay Araw na ng mga Kababaihan.

Pinakita rin ang sitwasyong kausap ng direktor na babae ang tatlong tagasuri para sa NCCA grant. Dapat daw hindi Luzon-centric ang kanyang pelikula kundi pinapunta siya roon sa Mindanao. Kaya nagpasiya siyang pumunta, kasama ang kanyang pangkat, sa Mindanao, partikular sa Patikul, Sulu, kung saan naroon ang Bud Dajo, isang matarik na kabundukan.

Nakausap pa niya ang lider ng mga sundalo, na pinakiusapan niyang sumama na rin sa pelikula. Nakarating ang pangkat sa Bud Dajo at nakausap ang mga elder at residente roon. Sa isang eksena, sinabihan silang bawal daw mag-utos ang babae sa lalaki. Kaya ang ginawa ng direktor ay kinausap ang panganay na anak ng isang elder upang siyang mag-utos sa mga gaganap.

Ayon kay Direk, pag tinapik niya sa balikat ang lalaki, ibig sabihin, magpatuloy na sa pag-arte, o kaya'y tapos na, "cut".

Araw pala ng kasalan ng dalawang Tausug nang maganap ang paglusob at pambobomba ng mga Amerikano sa Bud Dajo. Marami ang namatay sa kanila. Subalit sa pagsasaliksik ko, walang binanggit ang mga reporter na Kano sa nasabing kasalan, at binabanggit lang ay maraming moro ang kanilang kalaban. Buti't ipinakita iyon sa nasabing pelikula, kung ano talaga ang naganap.

Matapos ang eksena, ang babaeng umaktong ikakasal sana ay tila nasapian, at marami ang tumulong sa kanya, pati mga elder. Tatlo pang lalaki ang gayon din ang dinanas, pati na si direk. Hanggang makabalik na ang babae sa kanyang sarili. Sabi niya, "hindi n'yo ba nakikita, nariyan sila."

Nagpapasalamat ang mga katutubomg Tausug dahil naranasan umano nila ang dinanas ng kanilang mga ninuno, bagamat sa pelikula lamang. Matapos ang palabas ay nagkaroon ng panayam sa mga nagsiganap, pati kay Direk. Pagpupugay sa lahat ng gumawa ng mga dokumentaryo at pelikulang iyon!

Pumasok ako ng 4pm, lumabas bandang alas-nuwebe pasado na. Higit limang oras man, nagutom man, subalit talagang sulit pagkat napanood ko ang dalawang makasaysayang palabas na ito. Sadya akong nappapasalamat at nagpupugay.

DALAWANG SINE HINGGIL SA FIL-AM WAR

dalawang makasaysayang sine
ang aking pinanood kagabi
sadyang yumanig sa aking diwà
ang anibersaryo ng gunitâ

nang nanood sa U.P. Film Center
patungkol sa Bud Dajo massacre
kasabay ng petsang Marso Anim
ang isang kabanatang malagim

sineng Memoirs of a Forgotten War
pati ang Cinemartyrs, nilahad
sa dalawang pelikulang iyon
gunita't historya ng kahapon

kayraming babae ang namatay
Katipunerang lumabang tunay
sa mga sumakop at sumiil
sa bayang nais nilang makitil

dalawang sineng sadyang kaiba
na Fil-Am War ang tinalakay na
pagpupugay sa kanilang lahat
sa sine't temang sadyang kaybigat

03.07.2026

Wednesday, February 25, 2026

World No. 31 na si Alex Eala sa WTA rankings

WORLD NO. 31 NA SI ALEX EALA SA WTA RANKINGS

pagpupugay sa iyo, O, Alex Eala!
sa buong mundo, pangtatlumpu't isa ka na
at pinakamataas na ranggong nakuha
ng isang Pinay, ng atletang Pilipina

umangat ka na ng labing-anim na baytang
doon sa inilabas na bagong listahan
ng Women's Tennis Asscociation, mabuhay!
mga kababayan mo'y sadyang nagpupugay!

agad ka mang napatalsik sa Qatar Open
bumawi sa quarterfinals ng Dubai Open
tinalo ang matataas na ranking player
nakaabot sa Final 8 ang ating player

mabuhay ka, O, Alex, sa iyong nakamit
sa larangan ng tennis, panalong kaytamis
saan mang panig ng daigdig ka maglarô
tuloy ang suporta namin, huwag susukò

- gregoriovbituinjr.
02.25.2026

* ulat mula sa pahayagang Bulgar at Pang-Masa, Pebrero 24, 2026

Saturday, February 21, 2026

Xavier X, Voltes V, at Mazinger Z

XAVIER X, VOLTES V, AT MAZINGER Z
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Matapos ang matagumpay na Lunsad-Aklat ng aking librong "Tula't Panawagan para sa Hustisyang Panlipunan" nitong Pebrero 20, 2026, bilang handog sa World Day of Social Justice, nagtungo na ako sa Sine Pop sa Cubao upang manood ng screening na Atin ang People Power. Free Admission ito. Dahil wala pang gagawin sa gabi ay doon na ako tumuloy. Ayokong sayangin  ang pagkakataon upang panoorin ang limang maiikling pelikula roon.

Ang limang pelikula ay pinamagatang 1. Silent Spaces (tungkol sa kwento ng isang dating bilanggong pulitikal na tinortur at lumaya matapos ang Pag-aalsang Edsa); 2. Ang Sandata ni Mama (tungkol sa Voltes V, este Xavier X pala); 3. Recipe for Change (tungkol sa isang dating political prisoner na cook sa kulungan); 4. Alingawngaw (tungkol sa salaysay ng mga kabataan sa rali); at 5. Sa Pwesto ni Pistong (tungkol sa amang barbero at anak na aktibista).

Matapos ang mga palabas ay may open forum kung saan isa ako sa nagtaas ng kamay. Tinawag ako at nagsalitâ. Di gumagana ang microphone na ibinigay sa akin. Sabi ng nakaupo sa harap, malakas naman daw ang boses ko, parang nasa rali.

Sabi naman ng moderator, kilala ko iyan si Greg, raliyista iyan at sanay sumigaw sa rali. Ang pwesto ko ay nasa itaas, nasa dulong hanay ng mga upuan. Gayunpaman, kahit walang mike, nagkwento ako nang di sumisigaw. Sabi ko, nagustuhan ko ang pelikulang tungkol kay Xavier X dahil naalala ko ang Voltes V at Mazinger Z, na tinanggal noong panahon ng martial law, bandang 1978 iyon. At noong 1986, nakasama ako ng mga kaibigan ni ama sa simbahan sa pamimigay ng pandesal sa pagtitipon ng mga tao sa Edsa.

Nakatutuwa ang eksena ng batang iniidolo si Xavier X na bayani ng Pilipino, at tumalo sa kapangyarihan ni Drogo sa pamamagitan ng Xavier Sword. Hanggang isang araw, pagkagaling sa paaralan at nakasuot ang bata ng pam-Boy Scout, nagpalit na siya ng pambahay at binuksan ang telebisyon. Wala ang palabas na Xavier X. Nabatid din ng batang wala na ang kanyang mga laruan at t-shirt na Xavier X. Ayon sa kanyang ina, na isang manunulat, lilinisin lang daw niya ang kwarto ng anak at lalabhan ang mga damit.

Sa labas ng bahay, nakita ang bata kasama ang kalarong batang babae, nang dumating na umiiyak ang isa pang kalarong batang lalaki. Umiiyak ito dahil itinapon ng kanyang ina sa basurahan ang kanyang mga laruang Xavier X. Kinuha ng batang bida ang isang laruang Xavier X sa basurahan.

Hanggang mapansin nilang may nasusunog. Pinuntahan nila at nakita nilang sinusunog ng mga sundalo ang mga laruang Xavier X. Itinago ng bata ang napulot niyang Xavier X at baka makita ng mga sundalo at sunugin.

Nasabi ng pangunahing bidang bata sa kanyang sarili, "Ipagtatanggol ko si Xavier X." Umuwi siya ng bahay, hinanap ang kanyang mga laruang Xavier X, hanggang makita niya ang iba't ibang pahayagang Libertas katabi ng makinilya ng kanyang ina. Nabasa ng bata ang isang pahayagan na nagsasabing inatas ni PDado, ang pangulo, na wasakin ang lahat ng mga Xavier X, palabas, laruan, o kasuotan man. Bayolente raw kasi at delikado sa kaisipan ng mga kabataan.

Dumating ang ina, nakita niyang may hawak na Xavier X ang anak at pilit niyang kinukuha. Subalit hindi ibinigay ng bata. Hanggang umiiyak na sinabi ng bata, tatalunin niya ang masasama sa pamamagitan ng Xavier Sword. At ginaya niya si Xavier X. Ikinros ang dalawang kamay at sabay na ibinaba. Natawa na lang ang kanyang ina.

Binasa rin ng kanyang ina sa bata ang isang liham mula sa nakakulong na ama dahil sa martial law. Nang umalis na ang diktador sa Malakanyang, ibinigay ng ina sa bata ang itinago nitong laruang Xavier X, kaya may dalawa nang laruang Xavier X ang bata. Habang may pinarinig pang awiting Xavier X na tumalo sa imperyo ni Drogo.

Ang pamagat ng maikling pelikulang iyon ay "Ang Sandata ni Mama", na dalawa ang ibig sabihin. Ang isa'y ang sinabi sa unang bahagi ng pelikula, na kung may Xavier Sword, ang dalawang hintuturo naman ng ina ang kanyang sandata, na pangiliti sa bata. Ang isa pa'y ang pluma o panulat, o ang makinilyang gamit ng ina sa pagsusulat sa pahayagan, na isa sa mga mosquito press noong panahon ng martial law.

Para sa akin, isa ito sa mga klasikong pelikulang nagpapaalala ng aking kabataan. At sinabi ko rin sa forum na hindi namin tinatawag ang sarili sa popular na katawagang martial law babies bagamat ipinanganak ako noong panahon ni Macoy, kundi tinatawag namin ang sarili na Voltes V Generation.

Bagamat naalala kong magkasabay na linggo nang tinanggal ang Mazinger Z (na pinalalabas tuwing Miyerkules ng ikaanim ng gabi) at ang Voltes V (tuwing Biyernes ng alas-sais ng gabi), mas popular sa kabataan ang Voltes V. Kayâ maraming kabataan tulad ko ang bata pa lang ay namulat na sa panahon ng martial law. Kayâ di kataka-takang marami sa amin ang nasa Edsa noong Unang Pag-aalsang Edsa. Ako naman ay napasama lang noon sa mga kaibigan ni ama sa Holy Name Society kung saan kabilang ako sa Catholic Youth Movement mula 1984. Namigay kami ng pandesal sa Edsa sa pagtitipon ng maraming tao noong Pebrero 1986.

Pag hindi mo batid ang nangyari sa Voltes V noong 1978, baka hindi mo pansinin ang pelikula. Tanda ko pa, nang maganap ang Edsa 1986, agad ipinalabas ang Voltes V noong 1986 din. At noong Pebrero 1987, bumalik ako sa Edsa at nakita kong nakahambalang doon ang maraming tangke de giyera, maraming nagtitinda ng mga parapernalyang nagpapaalala ng Edsa 1986, at marami pang iba, na akala mo'y isang museo ng Pag-aalsang Edsa ang kahabaan ng Edsa.

XAVIER X

isang pelikula / hinggil sa martial law
pag-alalang tunay / ng kabataan ko
pagkat si Xavier X / ang iniidolo
ng bata, bayaning / tumalo kay Drogo

si Xavier X, parang / si Voltes V noon
may Voltes Bazooka, / may Laser Sword iyon
mundo'y ipagtanggol / ang dakilang misyon
subalit tinanggal / ng diktador noon

sa murang isipan / ay isang bayani
at tagapagtanggol / ng mga naapi
iyan si Voltes V / at si Masinger Z
ngayon ay Xavier X / sa bata'y kakampi

nagpupugay ako / sa mga kumathâ
tayo'y pinaglakbay / sa panahong sigwâ
ang kabataan ko'y / naalalang sadyâ
lalo na ang Edsa't / ang Bayang Dakilà

02.21.2026

Saturday, February 7, 2026

Paglahok sa 2nd tour of historic Pasig

PAGLAHOK SA 2ND TOUR OF HISTORIC PASIG
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa ako sa nagkainteres na lumahok nang makita ko ang anunsyo ng Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) sa pesbuk hinggil sa 2nd tour of historic Pasig. Agad akong kumontak at sinabing nais kong sumama. Agad naman silang tumugon.

Pebrero 7, 2026, madaling araw pa lang ay gising na ako. Hindi ako dapat mahuli sa usapan. Maaga ako sa kitaan sa Plaza Rizal, at dumating ako roon bago mag-ikawalo ng umaga at umupo sa naroong mahabang bangko at naghintay. Ilang sandali  pa'y dumating na sila at agad akong nagpakilala.

Naghintayan pa ng mga dadalo. At nang kumpleto na ay lumakad na kami. Una naming pinuntahan ang Guanio Ancestral House na malapit lang sa Plaza Rizal. Nag-usap muna kami sa bungad ng tahanan hinggil sa kasaysayan ng nasabing lugar, na umano'y dating Cuartel ng mga Guardia Sibil sa Pasig noong panahon nina Gat Andres Bonifacio. Mahalaga ang kasaysayang ito dahil dito nakuha ng mga Katipunero, sa pangunguna ni Heneral Valentin Cruz, ang labimpitong armas mula sa mga Kastila noong magsimula ang Rebolusyong 1896. Kilala ang pangyayaring iyon bilang Nagsabado sa Pasig.

Inanyayahan kaming umakyat sa ikalawang palapag. Nakasabit sa dingding doon ang isang painting ni Felix Resurrection Hidalgo na kasabayan ni Juan Luna.

Sumunod ay nagtungo kami sa eskwelahang Colegio Del Buen Consejo at nagtungo sa museo nito.

Sumunod ay nagtungo kami sa Plaza Bonifacio, na ang estatwa ni Bonifacio ay nakasakay sa kabayo, kung saan may nakasulat na CENOTAPH, na ibig sabihin daw ay bantayog ng mga bayaning nagbuwis ng buhay para sa bayan subalit di ang katawan ay di na natagpuan. Isa lang daw ito sa dalawang estatwang nakasakay si Bonifacio, na ang isa'y nasa Uptown Bonifacio sa Taguig.

Sunod ay pinuntahan ang simbahan ng Pasig at nakita ang mga naka-displey na limang kampana nito. Naroon din ang estatwa ni Padre Fray Manuel Blanco, na dating kura paroko ng Pasig, at may-akda ng saliksik at pag-aaral sa higit 1,200 na katutubong tanim o ispesye sa bansa o Flora de Filipinas.

Umakyat sa museo ng simbahan, at nakita ang naka-displey na lumang mekanikal na orasan na gamit para sa oras ng pagkalembang ng kampana. Subalit di na kami nakaakyat pa sa kampanaryo.

Umuulan noon, kaya nagtungo muna kami sa Museo ng Pasig at doon nagpatila ng ulan. Subalit umakyat na rin kami sa museo kung saan naroon ang estatwa ng Mutya ng Pasig. Naka-display din doon ang mga kilalang tao mula sa Pasig, tulad nina Lope K. Santos, mag-asawang National Artists na sina Lamberto at Daisy Abellana, national artist for music Ramon Santos, Senate President Jovito Salonga, Senador Rene Saguisag, at iba pa. Mahaba-haba rin ang talakayan doon.

Natalakay din na ang Pasig dati ay bahagi ng probinsya ng Tondo, Maynila, noong panahon ng mga Kastila. At nang maisyu ang Philippine Commission Act 137 ay nalikha ang lalawigan ng Rizal na ang kapitolyo ay Pasig. Sa Rotonda raw umiikot pabalik ang sasakyang Tranvia. At ang Santa Rosa sa Pasig ay dating isla. Naging bahagi na ng Metro Manila ang Pasig noong 1975. Ang Pasig ay naging lungsod noong Enero 21, 1995, nang maisabatas ang Republic Act No. 7829

Sunod ay pinuntahan namin ang tahanan ni Heneral Valentin Cruz, kung saan idinaos doon ang pulong ng mga Katipunero, isang pangyayaring tinawag na Asamblea Magna, kung saan dumalo roon sina Gat Andres Bonifacio, Gat Emilio Jacinto, Heneral Emilio Aguinaldo, Heneral Valentin Cruz, at iba pang mga pinunong Katipunero.

Ayon sa kasaysayan, noong Mayo 3, 1896, isang pangkalahatang pagpupulong ng mga pinuno ng Katipunan ang ipinatawag ni Supremo Andres Bonifacio. Ito'y idinaos sa Pasig sa tahanan ng lokal na pinuno ng Katipunan na si Valentin Cruz. Tinawag ang papupulong na iyon na Asamblea Magna na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan ng Katipunan. Ito na rin yata ang huling pag-uusap nina Gat Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo bago magsimula ang himagsikan, at bago mapatay si Bonifacio. (Wala sa Tejeros Convention si Aguinaldo).

Nakapanayam pa ni Dean Carlos Tech si Heneral Valentin Cruz hinggil sa naganap na Nagsabado sa Pasig, at ang labimpitong armas na nakuha sa mga Kastila ay dinala ng mga Pasigenyo kinabukasan sa Labanan sa San Juan, na kilala ngayon sa kasaysayan na Pinaglabanan.

Pagkagaling sa tapat ng bahay ni Heneral Vakentin Cruz ay nagtungo na kami sa Bahay na Tisa, kung saan ito ang bahay ng bagong henerasyon ng pamilya Tech. Isa ito sa pinakamatandang bahay sa Pasig na nakatayo pa rin hanggang ngayon. Panahon pa ng pananakop ng mga Kastila nang ito'y maitayo. Ang itsura ng tahanan ay para bang ang pinagsyutingan ng huling bahagi ng pelikulang Oriang, na ginampanan nina Lovi Poe at Gina Pareno.

Mahaba pa ang talakayan sa nasabing tahanan, at doon na rin kami nananghalian. Natapos kami roon bandang ala-una y medya ng hapon.

Sa aking pag-iisa ay napag-isip kong marami pang kasaysayan ang dapat halungkatin at isulat hinggil sa Pasig. Hindi lamang noong panahon ng Kastila, kundi sa iba pang panahon, tulad ng anong naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Amerikano? May mga martir ba sa Philippine-American War? Anong mga naganap sa Pasig sa panahon ng pananakop ng mga Hapon? Noong pamahalaan ng Commonwealth? Noong panahon ng martial law? Ah, marami pang dapat saliksikin sa kasaysayan. At kung may pagkakataon, ako'y tutulong sa pananaliksik at mag-aambag ng anumang makakaya.

Taospuso akong nagpapasalamat sa Samahang Pangkasaysayan ng Pasig (SPP) at naging kalahok ako sa ganitong pagtitipon - ang 2nd Tour of Historic Pasig. Kung mayroon pang mga ganitong walking tour at kakayanin lang ng oras ko ay tiyak na dadalo ako. Mahalaga ang mga natututunan sa kasaysayan, na maaari ring maibahagi sa iba.

Nais ko ring imungkahi na magkaroon ng aktibidad sa Mayo 3, 2026, sa ikasandaan tatlumpung (ika-130) anibersaryo ng Asamblea Magna, bukod pa sa pagdiriwang ng ika-130 anibersaryo ng matagumpay na Nag-Sabado sa Pasig sa Agosto 29, 2026. Maraming salamat po!

ANG IKALAWANG LAKBAY-ARAL HINGGIL SA MAKASAYSAYANG PASIG

isa lamang ako sa mga tumugon
hinggil sa kasaysayan ng Pasig noon
salamat, nakadalo sa pagtitipon
maraming natuto sa kaygandang layon

pinuntahan ang bahay na dating Cuartel
na kinampuhan ng mga Guardia Civil
na mga tao ng mga mapaniil
buti't Katipunero sila'y nasupil

nakinig sa kanilang mga historya
habang aking tangan ang kwaderno't pluma
nakipagtalakayan, napuntahan pa
ang ginanapan ng Asamblea Magna

sa Bahay na Tisa pa nananghalian
isa sa pinakamatandang tahanan
sa Pasig, pesante'y ito ang puntahan
sa nakikibaka'y ito ang kanlungan

ang ganitong lakbay-aral ay mabuti
pagkat Pasig ay maipagmamalaki
dama ang tinahak ng mga bayani
sa pagsama rito'y di ka magsisisi

02.07.2026

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN ‎ ‎ang mga bayani ng bayan ‎ay atin pong alalahanin ‎ngayong Araw ng Kagitingan ‎upang kalayaan ay kamtin ‎ ‎s...