SALAMAT SA AKDANG “LIWANAG AT DILIM” NI EMILIO JACINTO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
Maraming salamat, Emilio Jacinto
Sa maraming aral na binahagi mo
Ito’y tunay naming ikapapanuto
Sa lipunang itong dapat na mabago.
Ang ibinilin mong pagpapakatao
Ay dapat umiral ngayon sa’ting mundo
Tigilan ang away at mga perwisyo
Kundi magkaisa, maglingkod sa tao.
Liwanag at Dilim, malikot ang diwa
Sadyang nanggigising ang maraming paksa
Matalim, malalim ang iyong adhika
Na s’yang kailangan nitong ating bansa.
Maganda ang aral sa nakakabasa
Na nanaisin ngang maglingkod sa masa
Mga akda itong sa ami’y pamana
Isang pasalubong sa bagong umaga.
Mga sulatin mo ay napakahusay
Sa balat at diwa nami’y lumalatay
Mga aral itong dapat isabuhay
Tungo sa sistemang may pagkakapantay.
Maraming salamat sa iyong pamana
May liwanag ngayon kaming nakikita
Upang ating bayan ay mapagkaisa
At mabago itong bulok na sistema.
Salamat, salamat sa iyo, Jacinto
Pawang karangalan itong pamana mo
Pag-ibig, paglaya, pagpapakatao
Paggawa, katwiran, lahing Pilipino.
Nobyembre 7, 2007, Sampaloc, Maynila