PAHAYAG NG KAMALAYSAYAN
(KAISAHAN SA KAMALAYAN SA KASAYSAYAN)
Abril 27, 2021
MABUHAY ANG IKA-500 TAON NG TAGUMPAY SA MACTAN
INURONG NI LAPULAPU NG 44 TAON PA ANG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Ang Tagumpay Laban sa Mananakop, at ang bantang pananakop sa West Philippine Sea sa kasalukuyan
Mahigpit na nakikiisa ang grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng tagumpay ng Labanan sa Mactan na naganap noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ng hukbo ni Lapulapu, ang datu ng Mactan, ang mga kawal na Kastila sa pamumuno ng Portuges na kapitan at eksplorador na si Ferdinand Magellan, na napatay naman sa labanang iyon.
Sa labanan ng mactan, ginuhitan ni Lapulapu ang pananakup ng mga dayuhang kolonisador. Pinasimulan na noon, hanggang 500 taon na ngayon, ang di pa tapos na laban para tunay na kasarinlan at kalayaan ng ating bayan.
Ayon sa kasaysayan, dumating sa ating kapuluan sina Ferdinand Magellan sakay ng kanilang mga barko noong Marso 16, 1521. Nakipagkaibigan siya sa maraming pinuno sa Cebu, pangunahin na si Raha Humabon, at sa isla ng Mactan, kay Datu Zula. Bininyagan bilang Kristyano si Raha Humabon at kanyang mga tauhan. Gayunpaman, tumanggi si Datu Lapulapu na makipag-ugnayan kina Magellan. Dahil dito'y nais ni Magellan na ipakita ang kanilang superyor na armas at hukbo laban sa hukbo ni Lapulapu.
At noong Abril 27, 1521, naging madugo ang labanan sa Mactan nang sumugod doon sina Magellan. Nanaig naman ang mga mandirigma ni Lapulapu sa hukbo ni Magellan, na ayon sa mananalaysay na si Pigafetta, si Magellan ay napatay. Nakatakas naman sina Pigafetta at iba pa nilang kasama. Ayon pa kay Pigafetta, ilan sa mga tauhan ni Magellan ay napatay sa labanan at ang ilang katutubong naging Kristiyano na tumulong sa kanila ay napatay din ng mga mandirigma ni Lapulapu.
Si Lapulapu ay bayani ng ating lahi at sumisimbolo ng kalayaan sa buong Asya. Hindi siya gawa-gawa lang kundi tunay na taong nakibaka para sa kalayaan ng kanyang mga kababayan laban sa mga mananakop na dayuhan.
Sa ngayon ay may panibagong banta sa bansa, ang nagbabantang pananakop ng mga Tsino sa ating bansa. Kung nagawa noon nina Lapulapu na patalsikin ang dayuhan at iurong pa ng apatnapu't apat na taon ang pananakop ng mga Kastila, magagawa rin nating itaboy ang mga Intsik na nais manakop ng ating bayan. Subalit...
Sa takot sa giyera laban sa Tsina, nagmumukhang halos pinamimigay na ni Duterte ang ating bansa sa mga Tsino dahil kaibigan siyang matalik ni Pangulong Xi ng Tsina. Mag-alburuto man tayo sa pang-aagaw ng teritoryo ng Tsina sa ating bansa ay tila wala tayong magawa dahil sa kainutilan ni Duterte na ipagtanggol ang ating bansa laban sa bagong mananakop. Mabuti na lang ay hindi niya napigilan ang mga alipores niya, tulad ng DFA, na manindigan laban sa Tsina. Labas at higit na ng usapin sa pakikipagkaibigan sa sinumang bansa, lalo na yaon mga umabuso nito, at sumasagasa sa malayang katayuan at soberanya ng ating Inang bayan.
Tayo ay lahi ng mga bayani. Kung may panibagong banta sa ating kalayaan, tulad ng nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, ang ginawa nina Lapulapu noon ay inspirasyon upang gawin din natin ang nararapat upang mapalayas ang mga dayuhang nais yumurak sa ating kalayaan at karapatan bilang tao.
Mabuhay ang ika-500 taon ng tagumpay nina Lapulapu! Paalisin ang mga mananakop na dayuhang Tsino sa West Philippine Sea! Mabuhay ang kalayaan!