Tuesday, August 20, 2024

Maligayang ika-85 kaarawan, FPJ

MALIGAYANG IKA-85 KAARAWAN, FPJ

bata pa lang ako'y pinanood na kita
sa sinehan, lalo ang pelikulang Panday
na sadyang kinagiliwan naming talaga
O, mabuhay ka, Flavio, bayani kang tunay 

aba'y nakasama mo pa si Julie Vega
doon sa pelikulang Isang Bala Ka Lang
pati Batang QuiapoEseng ng Tondo pa
Pepeng Kaliwete, at Batas ng Lansangan

kasama sa Pakner si Efren Bata Reyes
pinanood ang kayrami mong pelikula
sa sine'y pinakitang sa baril kaybilis
Ang Probinsyano, Ang Dalubhasa, Aguila

ikaw ay binabating tunay ni GBJ
dahil artista kang sadyang kahanga-hanga
maligayang kaarawan sa'yo, FPJ
tunay kang national artist ng ating bansa

- gregoriovbituinjr.
08.20.2024

* litrato mula sa isang fb page

Friday, August 9, 2024

Boxer Nesthy Petecio, Bronze Medalist sa Paris Olympics

BOXER NESTHY PETECIO, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

naging silver medalist siya sa Tokyo Olympics
ngayon, nag-bronze medalist siya sa Paris Olympics
sadyang makasaysayan, siya'y talagang matinik
sa larangan ng isport, ngalan na niya'y natitik

si Nesthy ang ikalawang babaeng boksingero
na nagkatansong medalya sa Olympics na ito
ang una'y si Aira Villegas, palabang totoo
silang dalawa'y sadyang mabilis at matalino

subalit pawang natalo sa pagkamit ng pilak
puntirya't misyon nilang ginto'y talagang pinisak
ngunit nakamit nila'y dapat nating ikagalak
sa kaylupit na galawang buti't di napahamak

O, Nesthy Petecio, ikaw pa rin ay nagtagumpay
sa daming boxer na kalahok, nagka-bronze kang tunay
marapat sa iyo ang mataas na pagpupugay
sa mga dakilang atletang Pinoy mahahanay

- gregoriovbituinjr.
08.09.2024

* ulat mula sa pahayagang Remate, Bulgar, at Pilipino Star Ngayon, Agosto 9, 2024, pahina 12

Thursday, August 8, 2024

Boxer Aira Villegas, Bronze medalist sa Paris Olympics

BOXER AIRA VILLEGAS, BRONZE MEDALIST SA PARIS OLYMPICS

sa unang Olympics mo, nagkatansong medalya ka
boxer Aira Villegas, pambihira ka talaga
ginawa mo ang lahat sa abot ng makakaya
subalit sa huling laban mo'y tinalo ka niya

ayos lang iyon, ngalan mo'y nakaukit na roon
sa pantyon ng mga kilalang boksingero doon
magaling ka, pagbutihin mo pa ang iyong misyon
pagkat marami ka pang laban at pagkakataon

di kami mauubusan ng pamuring salita
sa kagaya mong atletang buo ang puso't diwa
pasasalamat ngayong Buwan ng Wikang Pambansa
ang aming masasabi, inspirasyon ka't dakila

laban lang, ang pagkatalo mo'y huwag ikalumbay
ipagpatuloy mo lamang ang iyong paglalakbay
may gintong medalya pa ring sa iyo'y naghihintay
O, Aira Villegas, kami'y taos na nagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
08.08.2024

* ulat mula sa pahayagang Bulgar, Abante at Pilipino Star Ngayon, Agosto 8, 2024

Monday, August 5, 2024

Pangalawang ginto ni Yulo sa Paris Olympics

PANGALAWANG GINTO NI YULO SA PARIS OLYMPICS

mabuhay ka, Carlos Yulo, sa iyong bangis
nang kamtin mo'y pangalawang ginto sa Paris
Olympics, pinakita'y husay na kaykinis
habang iba pang atleta'y nakipagtagis

sa boksing, namaalam si Carlo Paalam
sa bansa'y dating nag-uwi ng karangalan
si Nesthy Petecio't Aira Villegas naman
sa women's boxing, may medalyang makakamtan

sa gymnastics, Caloy, ibinigay mong buo
ang galing mo sa ipinamalas na laro
mula sa floor exercise ang una mong ginto
mula sa vault finals ang ikalawang ginto

laging una ang Pilipino Star Ngayon
sa balita ng tagumpay ng iyong misyon
sa ibang dyaryo, unang ginto pa lang doon
habang kaybilis mag-ulat ng Star Ngayon

sa iyo, Carlos Yulo, kami'y nagpupugay
di magkamaliw ang bayang saludong tunay
sa dalawang gintong medalyang iyong taglay
ang sigaw ng bayan, mabuhay ka! mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
08.05.2024

* litrato ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Agosto 4 at 5, 2024

Sunday, August 4, 2024

Hidilyn Diaz at Carlos Yulo

HIDILYN DIAZ AT CARLOS YULO

dalawang larawan ng nagkamit ng ginto
sa Olympics, nangarap sila't di nabigo
si Yulo sa Paris, si Hidilyn sa Tokyo
pinagsikapan nila'y nakamtan ng buo

ginto'y nakamit ni Hidilyn sa weightlifting
animo'y ginising niya ang bayang himbing
sa gymnastics, pinakita ni Yulo'y galing
mula sa bansa ng bayaning magigiting

ako'y nag-selfie sa larawan nilang iyon
na na-headline sa Pilipino Star Ngayon
dahil naging tagumpay ang kanilang misyon
sa gintong medalyang mithi mula pa noon

dalawang atletang pinakita ang husay
sa Olympics hanggang makamit ang tagumpay
sa atletang Pinoy, bayan ay nagpupugay
salamat sa kanila, mabuhay! MABUHAY!

- gregoriovbituinjr.
08.04.2024

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Hulyo 27, 2021, at Agosto 4, 2024

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING tulad ni  Caloy Yulo , nakadalawang ginto rin si  Lovely Inan  sa sinalihan niyang weightli...