Miyerkules, Abril 21, 2021

Ipagdiwang ang tagumpay nina Lapulapu

IPAGDIWANG ANG TAGUMPAY NINA LAPULAPU

Ilang araw na lang ay atin nang ipagdiriwang
Ang ikalimandaang taong tagumpay sa Mactan
Halina't pagpugayan ang kanilang katapangan
Naitaboy agad ang mananakop na dayuhan
Sa pangunguna ng Portuges, ngalan ay Magellan

Mabuhay ka, Lapulapu, sa kabayanihan mo
At ng mga kasama mong mandirigmang tumalo
Sa mga dayuhan sa labanan sa Mactan dito!
Taospusong pagpupugay sa alaala ninyo!

Limangdaang taong singkad nang nakaraan iyon
Pinigilan n'yo ng apatnapu't apat na taon
Ang pagsakop ng dayo sa di pa ganap na nasyon

Iyan ang esensya bakit kayo dinadakila
Iyan ang mahalaga sa pagbubuo ng bansa

Mabuhay kayo, Lapulapu! Mabuhay! Mabuhay!

- gregoriovbituinjr.
04.21.2021

* Ayon sa kasaysayan, naganap ang Labanan sa Mactan noong Abril 27, 1521, mahigit isang buwan nang lumapag ang grupo ni Magellan sa Mactan

Martes, Abril 14, 2020

Kwento: Bakit ba sa wikang Kastila nasulat ang Unang Sigaw sa Yungib ng Pamitinan?


BAKIT BA SA WIKANG KASTILA NASULAT ANG UNANG SIGAW SA YUNGIB NG PAMITINAN?
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mahilig din pala ang mga maralita sa usaping kasaysayan. Iyon ang naging pag-uusap ng ilang nasa pamunuan ng Samahang Kapitbahayan ng Sitio Santol dahil sa asignatura ng anak ng isang kagawad.

“Alam n’yo bang ang Unang Sigaw sa kasaysayan noong panahon ng Katipunan ay di naganap sa Balintawak o sa Pugad Lawin?” Ani Igme.

“Saan naman?” Agad na tanong ni Ingrid habang nagsasandok ng lugaw sa kanyang munting karinderya.

“Sa Yungib ng Pamitinan, doon sa Montalban, Rizal.” Sagot ni Igme. “Pinangunahan iyon ni Supremo Andres Bonifacio, kung saan naroon din si Emilio Jacinto at iba pang Katipunero. At isinulat nila sa dingding ng nasabing yungib ang mga katagang ‘Viva La Independencia Filipinas!”

Napakunot noo si Igor na mahilig din sa kasaysayan. “Aba’y bakit kaya sa wikang Espanyol nila isinulat ang kanilang sigaw, imbes na sa wikang Filipino? Dapat ang isinulat nila ay ‘Mabuhay ang Haring Bayang Katagalugan!’ at hindi sa wikang banyaga. Hindi ba? Nagtatanong lang naman ako at nagtataka.”

“Sabagay, may punto ka, Igor. At kahit ako’y napaisip na rin sa iyong katanungang iyan.” Ani Igme. “Lalo na at ang namamayagpag sa ating kasaysayan ay kung saan ba talaga ang unang sigaw ng himagsikan, sa Pugad Lawin ba o sa Balintawak? Tapos ay mayroon pa palang Unang sigaw sa Pamitinan.”

Sumabat si Isay na kanina pa pala nakikinig habang naggagayat ng sibuyas, bawang at kamatis para sa lulutuin niya mamaya. “Buti naman at nagsasaliksik din ang anak ni Kagawad Ines kaya nababatid din natin ang ganyan. Aba’y palabasa talaga ang anak niyang iyon, at matalino. Biruin n’yong nasaliksik pa niya ang isang nakatago, o pilit na itinatagong yugto sa kasaysayan ng ating bayan.”

“Iyan daw kasi ang iuulat ng anak ni Kagawad na high school na, at nabasa niya iyon sa nakita niyang libro sa National Library.” Ani Igme.

“Sandali. Nais ko ring mabasa ang aklat na iyon, dahil nga kung bakit sa wikang Kastila nila isinulat ang panawagan nilang kalayaan laban sa mga mananakop, gayong bagamat nakakaunawa sila ng wikang Kastila ay dapat sa sarili nating wika nila iyon isinulat. Hindi ba?” Ang sabi ng nakakunot noong si Igor.

Sumabat si Inggo, na kanina pa rin nakikinig habang kumakain ng lugaw. “Baka po, dapat kayong humingi ng payo sa mga kilalang historyador sa pamantasan, at baka may makatugon sa inyong tanong.” 

Napadaan naman sa karinderyang iyon si Ime na anak ni Kagawad Ines, at pauwi na ng bahay. Tinanong siya kung kailan siya mag-uulat sa kanilang paaralan dahil nais nilang makinig at manood, at nang sila’y makapagtanong na rin sa kanyang guro.

“Bukas po ng umaga.” Ani Ime. “Subalit baka hindi kayo papasukin ng gwardya. Ang mabuti po yata, pagkatapos kong mag-ulat sa klase ay ipakausap ko kayo sa aking gurong si Ginoong Isagani Madlangbayan. Ayos po ba iyon sa inyo.”

“Oo, Ime, pupunta kami.” Ani nina Ingrid, Isay, Igme, Inggo, at Igor.

Kinabukasan, bandang ikawalo ng umaga ay sabay nang nagtungo sa eskwelahan ang mga magkakapitbahay sa layuning marinig ang tugon ng guro sa kanilang katanungan. Habang pumasok na si Ime sa klasrum. Matapos mag-ulat ay kinausap niya ang kanyang guro sa Kasaysayan.

Pinuntahan sila ng guro, kasama si Ime. Nasa labas sila ng paaralan at pinapasok na ng gwardya.  Nagtanong sila at sinagot naman sila.

“Tunay po ang sinabi ninyo.” Ani Guro Madlangbayan. “Subalit hindi ko alam ang mga kasagutan na wala rin sa saliksik ni Ime. Kaya ang masasabi ko lang ay marahil. Dahil wala pa akong nabasang paliwanag sa katanungan po ninyo. Marahil, kaya isinulat ng mga Katipunero ang “Viva la Independencia Filipinas!” sa mga dingding ng Yungib Pamitinan noong Biyernes Santo, Abril 12, 1895, sa wikang Kastila sapagkat iyon ang opisyal na wika ng pamahalaan at edukasyon noon. Marahil, dahil iyon ang pangunahing midyum na nauunawaan ng mga nasyonalista upang direktang hamunin ang imperyong Espanyol. Sana po’y nasagot ko po ng mahusay ang inyong katanungan.”

“Maraming salamat po sa inyong paliwanag, Guro Madlangbayan. Sir, tutuloy na po kami. Ime, mag-aral kang mabuti, ha?” Sabi ni Igor.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Abril 1-15, 2020, pahina 18-19.

Martes, Abril 7, 2020

Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang mahihirap at kapuspalad. ~ Gat Andres Bonifacio

"BAHAGINAN MO ANG MAHIHIRAP AT KAPUSPALAD" ~ Gat Andres Bonifacio

"Bahaginan mo ng iyong makakayanan ang sino mang mahirap at kapuspalad." ~ bilang Ikawalo (VIII) ng Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan (Dekalogong sinulat ni Gat Andres Bonifacio

prinsipyo palang taglay ng dakilang Katipunan
na yaong nagdaralita'y atin ding bahaginan
ng anupamang mayroon tayo't makakayanan
ito nga'y tunay na pakikipagkapwa sa bayan

lalo na ngayong lockdown pa't nasa bahay lang tayo
dahil nananalasa pa ang COVID-19 dito
namnamin natin ang Dekalogo ni Bonifacio
tiyak may kapupulutang aral dito ang tao

luma man ang mensahe, bago sa ating panahon
habang naka-kwarantina't kayraming nagugutom
maralita'y panay ang paghihigpit ng sinturon
kahit panggitnang uri'y nauubusan din ngayon

gawin nang minimum wage ang sahod ng konggresista,
senador, ehekutibo, sundalo't huwes, sana
ay mangyari't makaahon ang ating ekonomya
tigilan na nilang negosyohin ang pulitika

pagpupugay sa Sanlakas at Bulig Pilipinas
nangalap ng pondo, nagluto ng ulam at bigas
at namigay ng pagkain sa dukhang nasa labas
sa iba't ibang lungsod na gutom ang dinaranas

halimbawa nila'y tunay na magandang hangarin
sa ganyan nakikita ang tapat na adhikain
bilin ni Gat Andres na magbahaginan ay gawin
upang kapwa natin, pati dukha'y makaraos din

04.07.2020

Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Kwento - Halos pitong buwan ding naging pangulo ng bansa ang Supremo


HALOS PITONG BUWAN DING NAGING PANGULO NG BANSA ANG SUPREMO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tila tambayan na pag patay na oras ang karinderya ni Aling Tess kaya nag-uumpukan doon ang mga tulad nina Tino, Tano, at Trining, na pawang lider ng samahang magkakapitbahay sa kanilang lugar.

“Napanood ko sa sinehan noon ang pelikulang Bonifacio, Unang Pangulo. Totoo kaya iyon?” Bungad ni Trining.

Tumugon si Tino, “Ayon sa nabasa ko sa kasaysayan, naging Unang Pangulo ng bansa si Gat Andres Bonifacio noong matransporma na ang samahang Katipunan na rebolusyonaryong pamahalaan nang punitin ng mga Katipunero ang kanilang sedula hudyat ng himagsikan at paglaya ng bayan mula sa mga mananakop na Kastila. Naging pangulo siya mula Agosto 24, 1896, hanggang sa mapatalsik siya sa pwesto noong Kumbensyon sa Tejeros noong Marso 22, 1897.  Kaya bale pitong buwan ding naging pangulo ng bansa si Bonifacio.”

“Sino naman ang nagsabi niyan? May batas na ba ng pagkilala sa kanya bilang unang pangulo?” Tanong ni Trining. “Baka lumalabas ay propaganda lang iyan sa pelikula.”

“Sige, Tino, nais ka naming pakinggan. Baka may mapulot kami sa sasabihin mo.” Ani Tano.

“Ayon sa natatandaan ko, sa dinaluhan kong pulong noon nang magsalita ang historyador na si Dr. Milagros Guerrero, sinabi niyang mula sa pagiging lihim na samahan, ang Katipunan ay naging pambansang pamahalaan noong sumiklab ang Himagsikang 1896. Si Bonifacio ang epektibong kumilos bilang pinuno ng hukbo, naglabas ng mga atas, namamahala sa mga estratehiyang militar, at nag-oorganisa ng rebolusyonaryong istruktura. At kinilala rin siya ng ibang bansa bilang Presidente, tulad sa nalathala sa peryodikong Espanyol na La Ilustración Española y Américana, kung saan tinawag si Bonifacio bilang "Titulado (Presidente) de la República Tagala". Kaya ang pelikulang pinanood ni Trining na Bonifacio: Unang Pangulo, kung tutuusin ay batay sa mga saliksik ng mga historyador. Kaya parang isang kampanya talaga iyon upang kilalanin talaga si Bonifacio bilang unang pangulo.” Ang mahaba-habang pagtalakay ni Tino.

Patango-tango naman si Tano. Nakakunot noo naman si Trining habang natanaw niya ang anak na kabababa lang sa sinakyang traysikel.

“Teka, Trining. Kailan mo nga pala napanood ang Bonifacio: Unang Pangulo? Kailan ba iyan ipinalabas? Anong taon?” Tanong ni Tino.

Tinawag ni Trining ang kanyang anak na kadaraan lamang upang umuwi ng bahay. “Sandali, Tinay, kailan nga ba natin napanood ang Bonifacio: Unang Pangulo?”

Agad namang sumagot si Tinay, “Ang tanda ko, ‘Nay, pinalabas iyon sa Metro Manila Film Festival noong 2014. Pasko pa natin iyon napanood. Tanda ko pa dahil ga-gradweyt na ako niyan sa high school.”

“Salamat, anak. Limang taon na pala ang nakararaan.” Ani Trining.

Sumagot si Tino. “Naitanong ko lang dahil di ko pa iyon napanood. Nais kong malaman kung anu-anong eksena ang naroon. Dineklara ba siyang pangulo sa palabas?”

Si Trining, “Ang mas mabuti yata’y panoorin mo rin iyon upang masagot ang iba mong katanungan. Hindi ko na tanda ang mga detalye.”

“Sige, maraming salamat.”  Ani Tino.

Sumabat si Tano, “Ang mabuti pa yata’y mag-arkila tayo ng VHS o Betamax niyan upang sabay-sabay nating mapanood.”

“Hindi na uso ang VHS at Betamax ngayon, Tano.” Sabi ni Tino. “Baka sa Youtube, meron. Sige, panoorin natin, subalit sa ngayon, mas interesado akong malaman kung ano nang nangyari sa mga kampanya upang kilalaning unang pangulo ng bansa si Gat Andres Bonifacio. May panukalang batas na kaya sa Kongreso at Senado? Alamin pa natin.”

Sa gayon nagtapos ang kanilang huntahan.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 16-30, 2019, pahina 18-19.

Linggo, Oktubre 27, 2019

Ang awiting ANAK NG MAHIRAP ni Ka Freddie Aguilar

Ang awiting ANAK NG MAHIRAP ni Ka Freddie Aguilar
Sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maganda ang mensahe ng awiting Anak ng Mahirap ni Ka Freddie Aguilar. 

Masarap pakinggan at pagnilayan ang mensaheng nakapaloob dito. Halina't tunghayan natin ang liriko nito:

Ako'y anak ng mahirap
Lumaking salat sa yaman
Maagang nawala si ama
Ang ina ko nama'y mahina na

Kami'y hinamak ng lubusan
Inaapi't tinatawanan
Kami'y itinuring na basahan
Sila ba'y makatwiran

Ako'y naglakbay na mag-isa
Upang aking malimutan
Mga kaapihang dinanas
Ihahanap ng kalunasan

Kami'y hinamak ng lubusan
Inaapi't tinatawanan
Kami'y itinuring na basahan
Sila ba'y makatwiran

Ako'y anak ng mahirap
Ngunit hindi ako nahihiya
Pagka't ako'y mayroon pang dangal
Di katulad mong mang-aapi

Inilarawan ni Ka Freddie ang buhay ng isang anak ng mahirap na naramdaman ang pang-aapi at pagmamaliit sa kanya, o marahil pa'y sa buong pamilya. 

Itinuring silang basahan ng mga trapo't mayayaman. Siya'y tinatawanan, nilalait, at animo'y pinandidirihan na tulad ng mga maysakit na ketong. Isang gulpe de gulat ang binanggit niya sa huling saknong. Bagamat siya'y anak mahirap, hindi siya nahihiya. Bakit? Dahil mayroon pa siyang dangal, na di tulad ng mga mang-aapi, na masahol pa sa hayop ang pag-uugali.

Kaya mahalaga ang isinulat noon ni Gat Emilio Jacinto sa Kartilya ng Katipunan at sa kanyang Liwanag at Dilim. Mahalaga ang pagpapakatao at pakikipagkapwa. Lalo na sa pakikibaka para sa pabahay, makatarungan at makataong lipunan. Mahalaga ang pakikitungo natin sa ating kapwa, sila man ay pulubi, dukha, basahan o trapo. 

Ating basahin ang sinabi ni Gat Emilio Jacinto sa kanyang Liwanag at Dilim:

Ang ningning ay maraya.

Ating hanapin ang liwanag, tayo’y huwag mabighani sa ningning. Sa katunayan ng masamang naugalian: Nagdaraan ang isang karwaheng maningning na hinihila ng kabayong matulin. Tayo’y magpupugay at ang isasaloob ay mahal na tao ang nakalulan. Datapwa't marahil naman ay isang magnanakaw; marahil sa ilalim ng kanyang ipinatatanghal na kamahalan at mga hiyas na tinataglay ay natatago ang isang pusong sukaban.

Nagdaraan ang isang maralita na nagkakanghihirap sa pinapasan? Tayo’y mapapangiti at isasaloob: Saan kaya ninakaw? Datapwa’t maliwanag nating nakikita sa pawis ng kanyang noo at sa hapo ng kanyang katawan na siya’y nabubuhay sa sipag at kapagalang tunay.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Oktubre 16-31, 2019, p.16.

Miyerkules, Agosto 14, 2019

Kwento - Isabatas ang "Birth of the Nation Week" bilang pag-alala sa ating kasaysayan


ISABATAS ANG “BIRTH OF THE NATION WEEK” BILANG PAG-ALALA SA ATING KASAYSAYAN
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nag-uusap ang magkapitbahay na sina Inggo at Indoy hinggil sa gaganaping pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto.

“Alam mo, Pareng Indoy, may mga isasagawang pagdiriwang ang pamahalaan hinggil sa Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika. Subalit sa kasaysayan, may mga pagtatalo ang mga historyador hinggil sa kung kailan eksaktong nagsimula ang himagsikan nina Bonifacio.” Ani Inggo.

“Bakit? Ano bang pinagtatalunan nila?” Tanong ni Indoy.

“Ganito kasi, Pareng Indoy,” pagpapatuloy ni Inggo, “Sa aklat natin sa kasaysayan na sinulat ni Gregorio F. Zaide, nagsimula ang himagsikan sa Sigaw sa Balintawak noong Agosto 26, 1896. Kinwestiyon ito ng iba pang historyador natin, tulad ni Gregorio Agoncillo, na unang naganap ang Sigaw sa Pugadlawin noong Agosto 23, 1896. Mahalaga kasing matuldukan na ang ganito sanang pagtatalo dahil napakahalaga nito sa ating kasaysayan. Nang pinunit kasi ng mga Katipunero ang kanilang sedula, tanda iyon na ang Katipunan ay naging isang rebolusyonaryong pamahalaan. At si Gat Andres Bonifacio ang unang pangulo.”

“Ah, kaya pala, may pelikulang Bonifacio: Unang Pangulo,” sabi ni Indoy. “Ngayon ko lang nauunawaan. Subalit ano ba ang programa o plano ng pamahalaan diyan?”

“Ang punto ko,” ani Inggo, “Dapat tapusin na ang debate kung kailan at saan ba talaga nagsimula ang Himagsikang 1896. Ibig sabihin, magdeklara na ang pamahalaan ng isang linggong pagdiriwang hinggil sa Pagsilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week. Maaaring magsimula ito sa Agosto 23 hanggang Agosto 29 na tatamaan ang Sigaw sa Pugadlawin at Sigaw sa Balintawak, hanggang sa Tagumpay ng Nagsabado sa Pasig ng Agosto 29. Pitong araw, kaya isang linggong pagdiriwang.”

Napanganga si Indoy, “Ha? May tagumpay ba ang mga Katipunero? Ano iyang Nagsabado sa Pasig?”

Tugon ni Inggo, “Ayon sa historyador ng Pasig na si Carlos Tech sa kanyang panayam kay  Heneral Valentin A. Cruz, ang Nagsabado sa Pasig ay hinggil sa pag-aalsang naganap noong Agosto 29, 1896. Pinamunuan ito ni Cruz, at nilahukan ng halos 2,000 Katipunerong armado ng itak, sibat, karit at ilang riple. Matagumpay nilang nilusob ang Tribunal sa Pasig at ang himpilan ng mga Guardia Civil, at nakasamsam ng 17 pistola at tatlong ripleng Remington. Kaya umatras sina Tenyente Manuel Sityar, ang pinuno ng Guardia Civil, kasama ang kanyang mga tauhan at nagtago sa kampanaryo ng simbahan. Iyan ang Battle of Nagsabado na dapat ding taunang ipagdiwang, di lang sa Pasig, kundi sa buong bansa.”

“Naunawaan ko na,” ani Indoy, “Kaya anong dapat nating gawin?”

Tumugon si Inggo, “Dapat maikampanya natin ang pagsasabatas ng Birth of the Nation Week. Magsulat tayo ng petisyon, magpaliwanag sa mga tao upang lagdaan ang petisyon, kumausap ng mga senador at kongresista, mga guro sa kasaysayan, upang maging ganap na batas ang pagdiriwang ng Pagkasilang ng Bansa, o Birth of the Nation Week.”

Napakinggan pala sila ni Ingrid na nakaupo lang sa tabi habang kumakain ng pansit kanton. Sumabat ito. “Tanong ko lang, kung maisasabatas ba iyang Birth of the Nation Week, maaapektuhan ba ang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan tuwing Hunyo 12?”

“Aba’y hindi,” mabilis na tugon ni Inggo. “Magkaiba kasi sila ng panahon sa kasaysayan.”

“Salamat. Alam n’yo, ituloy n’yo lang iyan, lalo ang gagawin n’yong petisyon,” ani Ingrid, “Kung sakali, tutulong ako sa pagpapapirma. Aba’y mahalaga iyang sinasabi mong Birth of the Nation upang mabatid talaga ng mga Pilipino ano ang naganap noong isinilang ang ating bansa. Basta malinaw maipaliwanag sa mamamayan, tiyak na maraming lalagda.”

Buong galak na sinabi ni Indoy, “Aba’y sulatin mo na ang petisyon. At magpatawag ka na rin ng pulong ng magkakapitbahay upang mapag-usapan ang iyong mungkahi at baka makatulong rin sila sa pagtalakay at pagpapalaganap niyan. Sagot ko na ang pagpaparami ng petisyon.”

“Salamat. Sige, susulatin ko ang petisyon at magpulong na rin tayo sa Sabado, alauna ng hapon. Sa harap na ng bahay namin.” Sabi ni Inggo.

“Sige, at iimbitahan ko na rin ang ilan kong kaibigan.” Ani Indoy.

“Ako rin.” Ani Ingrid. “KIta-kits sa Sabado.”

Isang araw iyon na punong-puno ng pag-asa para sa kanila.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 1-15, 2019, pahina 18-19.

Martes, Nobyembre 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.

Gunitâ

GUNITA Gaano man kasamâ ang diktadurang maton, pag nagalit ang madlâ, tiyak babagsak iyon! Isang aral sa atin laban sa paniniil. Sa kasaysay...