Lunes, Agosto 30, 2021

Pitong tanaga sa Pagkasilang ng Bansa

PITONG TANAGA SA PAGKASILANG NG BANSA

1
sinilang ng Agosto
ang bayang Pilipino
noong Katipunero
ay nag-alsa ng todo
2
pagkasilang ng bansa't
tandaan nating pawa
nang kababayan, madla'y
naghimagsik ngang sadya
3
ang sedula'y pinunit
dayuhang panggigipit
ay tinapos nang pilit
paglaya'y iginiit
4
eighteen ninety six iyon
at Agosto pa noon
nang isilang ang nasyon
Pinoy ay nagkatipon
5
ang buong Katipunan
na nag-alsang tuluyan
ay mula sa samahan
naging pamahalaan
6
mabuhay ang pagsilang
nitong Lupang Hinirang
mananakop na halang
ay ipinagtabuyan
7
ito'y gintong historya
na bansa'y malaya na
ituro sa eskwela
ang tagumpay ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 28

Linggo, Agosto 29, 2021

Sa ika-91 anibersaryo ng Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan


SA IKA-91 ANIBERSARYO NG BANTAYOG NI BONIFACIO SA CALOOCAN

taos-pagpupugay ngayong Buwan ng Kasaysayan
na Bantayog ni Bonifacio'y ipagparangalan
inspirasyon ng pakikibaka't paninindigan
upang mapalaya ang bayan sa mga dayuhan

nagpasa ng batas noon itong Lehislatura
na isang pambansang bantayog ay maitayo na
sa kabayanihan ni Bonifacio'y paalala
hinggil dito'y maitayo ang isang istruktura

isang lupon ang tinayo para sa paligsahan
upang bantayog ni Bonifacio'y mapasimulan
magandang disenyo't simbolo ng kabayanihan
ni Gat Andres na namuno noon sa himagsikan

Mil Nwebe Syentos Trenta, Bente-Nwebe ng Agosto
nang mapili'y disenyo ni Guillermo Tolentino
upang maitayo ang Bantayog ni Bonifacio
sa Caloocan na kilala ngayong Monumento

abot apatnapu't limang talampakan ang pilon
limang parte'y limang aspekto ng K.K.K. noon
ang base'y mga pigura hinggil sa rebolusyon
walong probinsyang bumaka'y simbolo ng oktagon

ngayong Agosto Bente Nwebe'y nagpupugay sadya
kay Guillermo Tolentino sa monumentong likha
inspirasyon at kasaysayan sa madla'y nagawa
bilang paalaala kay Bonifaciong dakila

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Mga Pinaghalawan:
Pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 47
https://www.pressreader.com/philippines/manila-bulletin/20151130/281779923044961
https://web.facebook.com/pinoyhistory/photos/the-bonifacio-monument-or-monumento-is-a-memorial-monument-designed-by-national-/395411887336520/?_rdc=1&_rdr

Martes, Agosto 24, 2021

Kwento - Dapat gawing pista opisyal ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig


DAPAT GAWING PISTA OPISYAL ANG MAKASAYSAYANG NAGSABADO SA PASIG
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

“Kasamang Abner, saan ka nanggaling at mukhang pagod na pagod ka?” Tanong ni Crisanto nang dumating ito sa karinderya ni aling Magda upang mananghalian.

Tumugon si Abner, “Nilinis namin ang Plaza Bonifacio, pati paligid ng rebulto ni Hen. Valentin Cruz. Alam n’yo, malapit na ang pagdiriwang ng Nagsabado sa Pasig kaya ang aming grupong Kamalaysayan kasama ang ibang history group ay magsasagawa ng pag-alala sa nasabing makasaysayang pangyayari sa ating bayan sa Agosto 29.”

“Anong uulamin mo, Abner?” Tanong ni aling Magda.

“Ito pong adobo, Manang Magda.” Tugon ni Abner.

“Mabuti’t nilinis n’yo uli iyan. Dapat nga’y pista opisyal na sa ating bansa iyang Nagsabado, kundi man kahit dito man lang sa Pasig.” Ani aling Magda habang iniaabot kay Abner ang order nitong ulam.

Sumabat si Crisanto na tinolang manok ang pananghalian. “Batid ko rin ang pangyayaring iyan. Sa kasaysayan ay iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero laban sa mga Kastila, hindi ba?”

“Aba’y oo. Sa katunayan, noong Mayo 1896, ay diyan sa bahay ni Heneral Valentin Cruz inilunsad ang pulong nina Gat Andres Bonifacio at iba pang Katipunero na tinawag nilang Asamblea Magna kung saan kasama rin sa pulong si Heneral Emilio Aguinaldo. Sa ilog na Bitukang Manok naman nagpulong sakay ng 17 bangka ang mga rebolusyonaryo sa pamumuno ni Bonifacio upang pag-usapan ang mga balak nilang pagsalakay sa mga kwartel ng Kastila.” Ani Abner.

Nagtanong si Lena, anak ni aling Magda, “Narinig ko na rin po iyan, na kinwento ng tito ko. Sino nga po pala ‘yung nag-interbyu kay Valentin Cruz? Nakalimutan ko na po?”

“Si Ginoong Carlos Tech ang tinutukoy mo, Ineng,” ani Abner. “historyador siya ng Pasig. Isinulat ni Ginoong Tech sa salaysay niyang may petsang Oktubre 8, 1956, na kanyang nakapanayam si Heneral Valentin Cruz, isa sa mga heneral ng Katipunan na kasama ni Bonifacio. Nakatala roong noong Agosto 29, 1896, araw ng Sabado, pinangunahan ni Heneral Cruz ang kanyang mga tauhan, humigit-kumulang dalawang libong Pasigueño, sa pag-atake sa punong himpilan ng mga guwardiya sibil. Iyon ang unang makasaysayang tagumpay ng Katipunan.”

Idinagdag pa ni Abner, “Nakakumpiska ang mga Katipunero ng tatlong Remington at labimpitong ripleng "de piston". Ayon sa ulat, ang mga Pasigueño ay nagmula sa mga baryo ng Kapasigan, Palatiw, Maybunga, Rosario, Caniogan, Bagong Ilog, Pineda, at Ugong. Sumama rin sila kay Bonifacio sa San Juan sa labanang tinaguriang Pinaglabanan. May iba pang pangkat ng Pasigueñong naiulat pang nakasama sa mga pag-atake ng iba pang mga yunit ng Katipunan sa labas ng Maynila.”

“Salamat po, Kuya Abner, sa paliwanag.” Ani Lena.

Nagsalita uli si Aling Magda. “Maganda ang iyong paliwanag. Subalit ang nais ko’y maisabatas iyan at maging pista opisyal dahil nga iyan ang unang tagumpay ng mga Katipunero. Ano kaya ang magandang gawin natin? Maganda sana’y makausap natin sina Kongresman.”

Napaisip si Abner, “Sige po, kakausapin ko ang mga kasama ko kung anong magandang gawin. Salamat po sa mungkahi.”

Sumabat muli si Crisanto na tapos nang kumain at umiinom na ng palamig, “Sana, bago kayo magdiwang sa Nagsabadong iyan ay gumawa na kayo ng signature campaign upang ideklara ng pamahalaan na maging pista opisyal na ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig.”

Si Lena, “Papadaluhin ko rin po ang aking mga kaibigan at kaklase upang masaksihan ang pagdiriwang at makapakinig kaming mabuti.”

“Maraming salamat,” ani Abner. “Han’yo’t iimbitahan ko kayo pag naisaayos na namin ang programa. At magsusulat na rin kami ng petisyon upang lagdaan ng mga dadalo at makapagdala rin sila ng kopya ng petisyon upang makapagpapirma kahit sa hindi taga-Pasig.”

Dumating ang ika-29 ng Agosto. Nagkaroon ng maikling programa sa Plaza Bonifacio kung saan ipinaliwanag ng mga tagapagsalita ang makasaysayang Nagsabado sa Pasig. May mga lamesa rin doon kung saan lalagdaan ang petisyon nilang maging pista opisyal ang Nagsabado. Umaasa silang dumami ang mga lagdang makakalap upang maibigay sa mayor nila, sa kongresista at sa pangulo upang maging ganap na batas.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Agosto 16-31, 2021, pahina 16-17.

Biyernes, Hunyo 4, 2021

Sino si Florentino Collantes?

SINO SI FLORENTINO COLLANTES?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan lang, habang naglalakad galing sa U.P. Diliman papuntang Katipunan ay napadaan ako sa F. Collantes St. na nasa Barangay Loyola Heights sa Lungsod Quezon kaya agad akong nag-selfie sa karatula ng lansangang ito. Ipinangalan ang kalsadang iyon sa makatang Florentino Collantes na naging Hari ng Balagtasan nang talunin niya noon ang idolo ko ring makatang Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus.

Tulad ko, mahilig din sa tula at pagtula si Florentino Collantes. Isa siyang dakilang makata. Nakilala ko ang makatang Florentino Collantes dahil sa kanyang anak na si Mam Loreto Collantes Cotongco na isa sa tatlong adviser namin sa aming campus paper sa kolehiyo. Ang dalawa pa'y sina Mam Romana Tuazon at Mam Cecilia Angeles.

Kaya nang makita ko sa National Book store ang pangalang Florentino T. Collantes ay agad kong binili ang aklat niya ng mga tula na pinamagatang Ang Tulisan at iba pang Talinghaga.

Bukod sa siya'y ama ng aming adviser sa diyaryong pangkampus, si Florentino Collantes ay kinilala ring duplero noong kanyang panahon. Kinilala rin siya bilang Ikalawang Hari ng Balagtasan. Ayon sa pananaliksik, gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat na Buhay Lansangan.

Katulad ko rin siyang ang horoscope ay Libra. Isinilang si Collantes noong Oktubre 16, 1896.

Sinasabi ng ibang sa pagbigkas ng tula ay may sarili siyang paraan na sinasabing tatak Collantes. Sinipi ko ang sinasabi sa Wikipedia hinggil sa kanya: "Ang kanyang mga tulang nasulat ay inuri sa tatlo - tulang liriko, tulang pasalaysay at tulang pambalagtasan. Higit na kinilala ang kanyang kahusayan sa pagsulat ng mga tulang pasalaysay. Halimbawa ng kanyang mga tulang liriko ay Ang Magsasaka, Pangaral sa Bagong Kasal, Patumpik-tumpik; sa tulang pasalaysay naman ay Lumang Simbahan at Ang Tulisan; sa pambalagtasan naman ay ang Balugbugan, Aguinaldo vs. Quezon, isang tulang pantuligsa sa larangan ng politika. Ang mga tula ni Collantes ay halos tungkol sa tao kaya karaniwan at madaling unawain."

"Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbasa ng awit at korido at naisaulo niya ang buong pasyon. Sa gulang na 15 taon ay nagsimula na siyang tumula at sumulat sa mga pahayagang Buntot Pagi, Pagkakaisa, Watawat, Pakakak at iba mga babasahin. Siya ay kapanahon ni Jose Corazon de Jesus at mahigpit niyang kaagaw sa pagiging Hari ng Balagtasan. Binawian siya ng buhay noong 1951 sa gulang na 55."

Ayon naman sa The Kahimyang Project:

Today in Philippine History, October 16, 1896, Florentino Collantes was born in Pulilan, Bulacan (Posted under October Historical Events)

On October 16, 1896, Florentino Collantes, one of the Filipino poets who spearheaded the revival of the Tagalog Literature, was born in Pulilan, Bulacan to Toribio Collantes of Baliwag, Bulacan and Manuela Tancioco of Pulilan.

Collantes was among the group who organized the first Balagtasan in 1925 in commemoration of the birth anniversary of Tagalog poet Francisco Balagtas Baltazar on April 2, 1925. Held in Tayuman, Manila, four days of Balagtas' birth anniversary, the first ever Balagtasan included writers Rosa Sevilla and Jose Corazon de Jesus.

Florentino Collantes and Corazon de Jesus emerged as the most popular among several pairs of poets who joined the literary joust debating the subject "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" (Flower of the Pure Race). Although Collantes was not acclaimed as “Hari ng Balagtasan” (King of the Balagtasan) which De Jesus bagged, he gained national fame as a poet.

Collantes' most memorable work, “Ang Lumang Simbahan”, became so popular that he expanded it into a novel which was later turned into a movie starring actress Mary Walter. The movie has been acclaimed as a classic in the Philippine Cinema.

His interest in poetry led him to write for the defunct Tagalog publications Buntot Pagi, Pagkakaisa at Watawat.

His other works that are now taught in schools all over the country are “Ang Magsasaka” (The Farmer), "Pangarap sa Bagong Kasal" (Dream for the Newly-Weds), “Mahalin ang Atin” (Love Our Own), “Ang Tulisan” (The Bandit), and “Ang Labing Dalawang Kuba” (The Twelve Hunchbacks).

Collantes died on July 15, 1951 at the age of 55, leaving behind his wife Sixta Tancioco and eight children. The year before his death, Collantes was conferred the title “Makata ng Bayan” (Poet of the People) by President Elpidio Quirino on July 4, 1950. References: Philippines News Agency

Mapalad akong nakadaupang palad ang kanyang anak na si Mam Loreto C. Cotongco na isa sa aming adviser sa pahayagang pangkampus, bagamat hindi ang mismong makatang Collantes. Si F. Collantes nga'y sadyang magaling na makatang habang binabasa ko ang ilan niyang tula ay tila baga siya'y gabay na liwanag sa bawat tula kong kinakatha.

Ang natatangi niyang aklat na Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ay talaga kong pinakaiingatan. Dahil bukod sa ito'y collector's item ay bihira na itong makita sa mga book store, o marahil ay ubos na. At kayamanan nang maituturing ang aklat na iyon, na mabuti't nagpasiya akong bilhin iyon kahit na may kamahalan iyon noon.

Mabuhay ka, makatang Florentino T. Collantes, ikalawang Hari ng Balagtasan!

Pinaghalawan:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Florentino_Collantes
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1312/today-in-philippine-history-october-16-1896-florentino-collantes-was-born-in-pulilan-bulacan

Lunes, Mayo 10, 2021

Sa ika-124 na anibersaryo ng pagpaslang sa Supremo

SA IKA-124 NA ANIBERSARYO NG PAGPASLANG SA SUPREMO

sa kasaysayan ay kilala ang Diyes de Mayo
na araw ng pagpaslang kay Gat Andres Bonifacio
siya'y kilala bilang bayaning Katipunero
ngunit di mananakop ang pumaslang sa Supremo

siya'y pinaslang ng may nasa rin ng kalayaan
pinaslang ng kapwa rin niya mga kababayan
siya'y pinaslang ng kapanalig sa Katipunan
ang pumaslang ay mga karibal sa himagsikan

nakatala sa kasaysayan kung paano nalugmok
ang Supremo't ang kanyang kapatid sa isang bundok
may nagsabing siya'y binaril, tinaga ng gulok
dahil daw kinalaban ang naghahangad sa tuktok

ngunit sa bayan, kayraming ambag ni Bonifacio
na pinamunuan ang laban ng Katipunero 
upang lumaya ang bayan, nakibakang totoo
ngunit siya nga'y pinaslang, kasama si Procopio

naiwang sulatin ng Supremo'y pinag-aralan
kanyang mga tula't sanaysay ay makasaysayan
sinalin niyang tula ni Rizal ay kainaman
patunay ng talino niya't mga kaalaman

Diyes de Mayo, sa anibersaryo ng pagpaslang 
kay Maypagasa o kay Agapito Bagumbayan
siya'y inspirasyon sa may nais ng kalayaan
taos na pagpupugay sa kanyang kadakilaan

- gregoriovbituinjr.
05.10.2021

Sa kaarawan ni Sir Ding

SA KAARAWAN NI SIR DING

maligayang kaarawan sa yumaong Ding Reyes
araw din ng pagpaslang sa bayaning si Gat Andres
dalawang Katipunerong talagang magkaparis
na pananakop sa bayan ay di nila matiis

si sir Ding ay historyador, kaibigang matalik
sa kasaysayan ay gabay ko sa pananaliksik
isa ring guro't manunulat na sinasatinig
ang kultura, at anumang ang masa'y hinihibik

magkasama sa grupong Kamalaysayan na hangad
Karilya'y isapuso, sa kasaysayan mamulat
sa tulong niya ay nakagawa ako ng aklat
libro kong Macario Sakay sa U.P. inilunsad

kayrami niyang pinamunuang organisasyon
at tagapagtaguyod din ng makataong layon
tulad ng Kamayan para sa Kalikasan Forum
na higit tatlong dekada na'y patuloy pa ngayon

kayrami niyang librong sinulat at nalathala
may tungkol sa kalikasan, may tungkol sa adhika
may kooperatiba, may kasaysayan ng bansa
may libro siya ng sariling tula't ibang paksa

marami pong salamat, maligayang kaarawan
mabuhay ka, Sir Ding Reyes, na aming kaibigan
mananatili kang patnubay ng Kamalaysayan
at di ka mawawala sa aming puso't isipan

- gregoriovbituinjr.05.10.2021

* kuha ang litrato sa paglulunsad ng aklat na "Macario Sakay: Bayani" ni Gregorio V. Bituin Jr. sa UP Manila noong sentenaryo ng pagbitay kay Macario Sakay, Setyembre 13, 2007; ang nasabing aklat ay inilathala ng Kamalaysayan

Martes, Abril 27, 2021

Pahayag ng Kamalaysayan sa ika-500 Taon ng Tagumpay sa Mactan

PAHAYAG NG KAMALAYSAYAN
(KAISAHAN SA KAMALAYAN SA KASAYSAYAN)
Abril 27, 2021

MABUHAY ANG IKA-500 TAON NG TAGUMPAY SA MACTAN
INURONG NI LAPULAPU NG 44 TAON PA ANG PANANAKOP NG MGA KASTILA
Ang Tagumpay Laban sa Mananakop, at ang bantang pananakop sa West Philippine Sea sa kasalukuyan

Mahigpit na nakikiisa ang grupong Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan) sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng tagumpay ng Labanan sa Mactan na naganap noong ika-27 ng Abril 1521. Natalo ng hukbo ni Lapulapu, ang datu ng Mactan, ang mga kawal na Kastila sa pamumuno ng Portuges na kapitan at eksplorador na si Ferdinand Magellan, na napatay naman sa labanang iyon.

Sa labanan ng mactan, ginuhitan ni Lapulapu ang pananakup ng mga dayuhang kolonisador. Pinasimulan na noon, hanggang 500 taon na ngayon, ang di pa tapos na laban para tunay na  kasarinlan at kalayaan ng ating bayan.

Ayon sa kasaysayan, dumating sa ating kapuluan sina Ferdinand Magellan sakay ng kanilang mga barko noong Marso 16, 1521. Nakipagkaibigan siya sa maraming pinuno sa Cebu, pangunahin na si Raha Humabon, at sa isla ng Mactan, kay Datu Zula. Bininyagan bilang Kristyano si Raha Humabon at kanyang mga tauhan. Gayunpaman, tumanggi si Datu Lapulapu na makipag-ugnayan kina Magellan. Dahil dito'y nais ni Magellan na ipakita ang kanilang superyor na armas at hukbo laban sa hukbo ni Lapulapu.

At noong Abril 27, 1521, naging madugo ang labanan sa Mactan nang sumugod doon sina Magellan. Nanaig naman ang mga mandirigma ni Lapulapu sa hukbo ni Magellan, na ayon sa mananalaysay na si Pigafetta, si Magellan ay napatay. Nakatakas naman sina Pigafetta at iba pa nilang kasama. Ayon pa kay Pigafetta, ilan sa mga tauhan ni Magellan ay napatay sa labanan at ang ilang katutubong naging Kristiyano na tumulong sa kanila ay napatay din ng mga mandirigma ni Lapulapu.

Si Lapulapu ay bayani ng ating lahi at sumisimbolo ng kalayaan sa buong Asya. Hindi siya gawa-gawa lang kundi tunay na taong nakibaka para sa kalayaan ng kanyang mga kababayan laban sa mga mananakop na dayuhan.

Sa ngayon ay may panibagong banta sa bansa, ang nagbabantang pananakop ng mga Tsino sa ating bansa. Kung nagawa noon nina Lapulapu na patalsikin ang dayuhan at iurong pa ng apatnapu't apat na taon ang pananakop ng mga Kastila, magagawa rin nating itaboy ang mga Intsik na nais manakop ng ating bayan. Subalit...

Sa takot sa giyera laban sa Tsina, nagmumukhang halos pinamimigay na ni Duterte ang ating bansa sa mga Tsino dahil kaibigan siyang matalik ni Pangulong Xi ng Tsina. Mag-alburuto man tayo sa pang-aagaw ng teritoryo ng Tsina sa ating bansa ay tila wala tayong magawa dahil sa kainutilan ni Duterte na ipagtanggol ang ating bansa laban sa bagong mananakop. Mabuti na lang ay hindi niya napigilan ang mga alipores niya, tulad ng DFA, na manindigan laban sa Tsina. Labas at higit na ng usapin sa pakikipagkaibigan sa sinumang bansa, lalo na yaon mga umabuso nito, at sumasagasa sa malayang katayuan at soberanya ng ating Inang bayan.

Tayo ay lahi ng mga bayani. Kung may panibagong banta sa ating kalayaan, tulad ng nangyayari ngayon sa West Philippine Sea, ang ginawa nina Lapulapu noon ay inspirasyon upang gawin din natin ang nararapat upang mapalayas ang mga dayuhang nais yumurak sa ating kalayaan at karapatan bilang tao.

Mabuhay ang ika-500 taon ng tagumpay nina Lapulapu! Paalisin ang mga mananakop na dayuhang Tsino sa West Philippine Sea! Mabuhay ang kalayaan!

Gunitâ

GUNITA Gaano man kasamâ ang diktadurang maton, pag nagalit ang madlâ, tiyak babagsak iyon! Isang aral sa atin laban sa paniniil. Sa kasaysay...