Sunday, November 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Wika ng bayani

WIKA NG BAYANI

ang hindi magmahal / sa sariling wikà
ay higit sa hayop / at malansang isdâ
wika ng bayaning / tanyag at dakilà
pamana sa bayan, / sa puso tumudlâ

ang magsamantala / sa obrero't dukhâ
ay kapara na rin / ng kuhila't lintâ
ang sistemang bulok / na kasumpa-sumpâ
ay dapat baguhin / at palitang sadyâ

taludtod at saknong / ng abang makatâ
ay mula sa danas / bilang maglulupâ
na pag sinaliksik / ang mga salitâ
mauunawaan / ang kanyang tinulâ

hinggil sa obrero't / mga maralitâ
yaong karaniwan / niyang mga paksâ
pinag-uukulan / ng panahong sadyâ
upang nasa loob / ay kanyang makathâ

payo ng bayaning / tayo'y maging handâ
sa anumang oras / dumaan ang sigwâ
upang mailigtas / ang mga binahâ
at upang masagip / ang mga nabasâ

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

litrato mula sa google

Saturday, November 6, 2021

Bayani

BAYANI

patay na ang samahan ngunit walang kamatayan
nariyang sinasambit ang samahang Katipunan
at mga nagawa sa kapwa't buong kapuluan
upang lumaya ang bayan sa pangil ng dayuhan

sa mga aping kababayan ay nagmalasakit
sa pagkilos tungo sa paglaya'y nagpakasakit
dangal ng mga ninuno sa balikat ay bitbit
diwa ng Kartilya sa buhay nila'y nakakabit

sila'y totoong bayani nitong Lupang Hinirang
na dapat dakilain dahil tayo'y nakinabang
kaya mga aral nila'y inaral kong matimbang
sinasabuhay ang Kartilyang kanilang nilinang

gagawin ko ang marapat, di man maging bayani
upang sa kapwa'y makatulong, wala mang sinabi
madama ng loob na may naibahaging buti
sa kapwa, sa bayan, sa uri, sa mundo'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Wednesday, October 27, 2021

Engels at Rizal sa London

ENGELS AT RIZAL SA LONDON

may tula si Rio Alma tungkol sa pagkikita
nina Friedrich Engels at Jose Rizal, sa London pa
na pag iyong nabasa'y tila ka mapapanganga
na sa pag-uusap nila'y parang naroroon ka

anong tindi ng dayalogo ng dalawang iyon
kay Rizal, dapat unahin muna ang edukasyon
kay Engels, nirespeto si Rizal sa pasyang iyon
subalit binanggit bakit dapat magrebolusyon

at sa huli, nagkamayan ang dalawang dakila
ngunit nang maghiwalay, may binulong silang sadya
na di na nadinig ng isa't isa ang salita
bagamat batid natin bilang nagbabasang madla

at ngayon, sa webinar ni Dr. Ambeth Ocampo
ay sinabing baka nagkita ang dalawang ito
nagkasabay sa London silang sikat na totoo
kung aaralin natin ang kasaysayan ng mundo

wala pang patunay na nag-usap nga ang dalawa
bagamat magkalapit ang tinutuluyan nila
nasa Primrose Hill si Rizal,  sa inupahan niya
kay Engels ang layo'y sandaan limampung metro pa

kaya iniskrin shot ko ang isang slide ni Ambeth
upang magsaliksik baka may ibang kumalabit
sabihing may katibayang nag-usap silang higit
at nang sa aking balikat, ito'y di ipagkibit

- gregoriovbituinjr.
10.27.2021

* litrato ay screenshot sa nadaluhan kong webinar na isa sa tagapagsalita ay si Dr. Ambeth Ocampo, Session 2 ng Ilustrado Historiography ng Philippine International Quincentennial Conference, October 26, 2021
* datos mula sa isang aklat ng tula ni Rio Alma (na di ko na matandaan ang pamagat)
* https://www.pna.gov.ph/articles/1072710

Monday, August 30, 2021

Pitong tanaga sa Pagkasilang ng Bansa

PITONG TANAGA SA PAGKASILANG NG BANSA

1
sinilang ng Agosto
ang bayang Pilipino
noong Katipunero
ay nag-alsa ng todo
2
pagkasilang ng bansa't
tandaan nating pawa
nang kababayan, madla'y
naghimagsik ngang sadya
3
ang sedula'y pinunit
dayuhang panggigipit
ay tinapos nang pilit
paglaya'y iginiit
4
eighteen ninety six iyon
at Agosto pa noon
nang isilang ang nasyon
Pinoy ay nagkatipon
5
ang buong Katipunan
na nag-alsang tuluyan
ay mula sa samahan
naging pamahalaan
6
mabuhay ang pagsilang
nitong Lupang Hinirang
mananakop na halang
ay ipinagtabuyan
7
ito'y gintong historya
na bansa'y malaya na
ituro sa eskwela
ang tagumpay ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.30.2021

* litrato mula sa pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 28

Sunday, August 29, 2021

Sa ika-91 anibersaryo ng Bantayog ni Bonifacio sa Caloocan


SA IKA-91 ANIBERSARYO NG BANTAYOG NI BONIFACIO SA CALOOCAN

taos-pagpupugay ngayong Buwan ng Kasaysayan
na Bantayog ni Bonifacio'y ipagparangalan
inspirasyon ng pakikibaka't paninindigan
upang mapalaya ang bayan sa mga dayuhan

nagpasa ng batas noon itong Lehislatura
na isang pambansang bantayog ay maitayo na
sa kabayanihan ni Bonifacio'y paalala
hinggil dito'y maitayo ang isang istruktura

isang lupon ang tinayo para sa paligsahan
upang bantayog ni Bonifacio'y mapasimulan
magandang disenyo't simbolo ng kabayanihan
ni Gat Andres na namuno noon sa himagsikan

Mil Nwebe Syentos Trenta, Bente-Nwebe ng Agosto
nang mapili'y disenyo ni Guillermo Tolentino
upang maitayo ang Bantayog ni Bonifacio
sa Caloocan na kilala ngayong Monumento

abot apatnapu't limang talampakan ang pilon
limang parte'y limang aspekto ng K.K.K. noon
ang base'y mga pigura hinggil sa rebolusyon
walong probinsyang bumaka'y simbolo ng oktagon

ngayong Agosto Bente Nwebe'y nagpupugay sadya
kay Guillermo Tolentino sa monumentong likha
inspirasyon at kasaysayan sa madla'y nagawa
bilang paalaala kay Bonifaciong dakila

- gregoriovbituinjr.
08.29.2021

Mga Pinaghalawan:
Pampletong "Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka" na inilathala ng LKP, PAIS at EILER, pahina 47
https://www.pressreader.com/philippines/manila-bulletin/20151130/281779923044961
https://web.facebook.com/pinoyhistory/photos/the-bonifacio-monument-or-monumento-is-a-memorial-monument-designed-by-national-/395411887336520/?_rdc=1&_rdr

Friday, June 4, 2021

Sino si Florentino Collantes?

SINO SI FLORENTINO COLLANTES?
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nitong nakaraan lang, habang naglalakad galing sa U.P. Diliman papuntang Katipunan ay napadaan ako sa F. Collantes St. na nasa Barangay Loyola Heights sa Lungsod Quezon kaya agad akong nag-selfie sa karatula ng lansangang ito. Ipinangalan ang kalsadang iyon sa makatang Florentino Collantes na naging Hari ng Balagtasan nang talunin niya noon ang idolo ko ring makatang Huseng Batute o Jose Corazon de Jesus.

Tulad ko, mahilig din sa tula at pagtula si Florentino Collantes. Isa siyang dakilang makata. Nakilala ko ang makatang Florentino Collantes dahil sa kanyang anak na si Mam Loreto Collantes Cotongco na isa sa tatlong adviser namin sa aming campus paper sa kolehiyo. Ang dalawa pa'y sina Mam Romana Tuazon at Mam Cecilia Angeles.

Kaya nang makita ko sa National Book store ang pangalang Florentino T. Collantes ay agad kong binili ang aklat niya ng mga tula na pinamagatang Ang Tulisan at iba pang Talinghaga.

Bukod sa siya'y ama ng aming adviser sa diyaryong pangkampus, si Florentino Collantes ay kinilala ring duplero noong kanyang panahon. Kinilala rin siya bilang Ikalawang Hari ng Balagtasan. Ayon sa pananaliksik, gumamit siya ng sagisag na Kuntil Butil sa kanyang pagsusulat ng mga mapanudyong tula na may pamagat na Buhay Lansangan.

Katulad ko rin siyang ang horoscope ay Libra. Isinilang si Collantes noong Oktubre 16, 1896.

Sinasabi ng ibang sa pagbigkas ng tula ay may sarili siyang paraan na sinasabing tatak Collantes. Sinipi ko ang sinasabi sa Wikipedia hinggil sa kanya: "Ang kanyang mga tulang nasulat ay inuri sa tatlo - tulang liriko, tulang pasalaysay at tulang pambalagtasan. Higit na kinilala ang kanyang kahusayan sa pagsulat ng mga tulang pasalaysay. Halimbawa ng kanyang mga tulang liriko ay Ang Magsasaka, Pangaral sa Bagong Kasal, Patumpik-tumpik; sa tulang pasalaysay naman ay Lumang Simbahan at Ang Tulisan; sa pambalagtasan naman ay ang Balugbugan, Aguinaldo vs. Quezon, isang tulang pantuligsa sa larangan ng politika. Ang mga tula ni Collantes ay halos tungkol sa tao kaya karaniwan at madaling unawain."

"Bata pa lamang siya ay mahilig na siyang magbasa ng awit at korido at naisaulo niya ang buong pasyon. Sa gulang na 15 taon ay nagsimula na siyang tumula at sumulat sa mga pahayagang Buntot Pagi, Pagkakaisa, Watawat, Pakakak at iba mga babasahin. Siya ay kapanahon ni Jose Corazon de Jesus at mahigpit niyang kaagaw sa pagiging Hari ng Balagtasan. Binawian siya ng buhay noong 1951 sa gulang na 55."

Ayon naman sa The Kahimyang Project:

Today in Philippine History, October 16, 1896, Florentino Collantes was born in Pulilan, Bulacan (Posted under October Historical Events)

On October 16, 1896, Florentino Collantes, one of the Filipino poets who spearheaded the revival of the Tagalog Literature, was born in Pulilan, Bulacan to Toribio Collantes of Baliwag, Bulacan and Manuela Tancioco of Pulilan.

Collantes was among the group who organized the first Balagtasan in 1925 in commemoration of the birth anniversary of Tagalog poet Francisco Balagtas Baltazar on April 2, 1925. Held in Tayuman, Manila, four days of Balagtas' birth anniversary, the first ever Balagtasan included writers Rosa Sevilla and Jose Corazon de Jesus.

Florentino Collantes and Corazon de Jesus emerged as the most popular among several pairs of poets who joined the literary joust debating the subject "Bulalak ng Lahing Kalinis-linisan" (Flower of the Pure Race). Although Collantes was not acclaimed as “Hari ng Balagtasan” (King of the Balagtasan) which De Jesus bagged, he gained national fame as a poet.

Collantes' most memorable work, “Ang Lumang Simbahan”, became so popular that he expanded it into a novel which was later turned into a movie starring actress Mary Walter. The movie has been acclaimed as a classic in the Philippine Cinema.

His interest in poetry led him to write for the defunct Tagalog publications Buntot Pagi, Pagkakaisa at Watawat.

His other works that are now taught in schools all over the country are “Ang Magsasaka” (The Farmer), "Pangarap sa Bagong Kasal" (Dream for the Newly-Weds), “Mahalin ang Atin” (Love Our Own), “Ang Tulisan” (The Bandit), and “Ang Labing Dalawang Kuba” (The Twelve Hunchbacks).

Collantes died on July 15, 1951 at the age of 55, leaving behind his wife Sixta Tancioco and eight children. The year before his death, Collantes was conferred the title “Makata ng Bayan” (Poet of the People) by President Elpidio Quirino on July 4, 1950. References: Philippines News Agency

Mapalad akong nakadaupang palad ang kanyang anak na si Mam Loreto C. Cotongco na isa sa aming adviser sa pahayagang pangkampus, bagamat hindi ang mismong makatang Collantes. Si F. Collantes nga'y sadyang magaling na makatang habang binabasa ko ang ilan niyang tula ay tila baga siya'y gabay na liwanag sa bawat tula kong kinakatha.

Ang natatangi niyang aklat na Ang Tulisan at iba pang Talinghaga ay talaga kong pinakaiingatan. Dahil bukod sa ito'y collector's item ay bihira na itong makita sa mga book store, o marahil ay ubos na. At kayamanan nang maituturing ang aklat na iyon, na mabuti't nagpasiya akong bilhin iyon kahit na may kamahalan iyon noon.

Mabuhay ka, makatang Florentino T. Collantes, ikalawang Hari ng Balagtasan!

Pinaghalawan:
https://tl.wikipedia.org/wiki/Florentino_Collantes
https://kahimyang.com/kauswagan/articles/1312/today-in-philippine-history-october-16-1896-florentino-collantes-was-born-in-pulilan-bulacan

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN ‎ ‎ang mga bayani ng bayan ‎ay atin pong alalahanin ‎ngayong Araw ng Kagitingan ‎upang kalayaan ay kamtin ‎ ‎s...