Monday, July 29, 2024

Hagkis at Kilatis: Isang Pagpupugay

HAGKIS AT KILATIS: ISANG PAGPUPUGAY

taospusong pagpupugay sa dalawang makata
kina Lamberto E. Antonio at Marne Kilates
akda nila sa panitikan ay kahanga-hanga
tulad ng kay Antonio na pinamagatang Hagkis
ng Talahib, na koleksyon ng kanyang mga tula
habang kay Kilates, pananaludtod ay kaykinis

nitong buwan ng Hulyo nang sila'y kapwa namatay
habang kapwa rin sila isinilang ng Nobyembre
magandang ipagdiwang paano sila nabuhay
lalo't mga tula nila'y may magandang mensahe
silang sa karaniwang tao'y laging nakaugnay
tulad ng tula ni Antonio sa mga pesante

habang si Marne ay tagasalin ng mga akda
tulad ng salin ng mga tula ni Rio Alma
muli, pagpupugay sa mahuhusay na makata
ang kanilang katha'y nspirasyon sa bansa't masa

- gregoriovbituinjr.
07.29.2024

* Lamberto E. Antonio (Nobyembre 9, 1946 – Hulyo 6, 2024)
* Mariano "Marne" Losantas Kilates (Nobyembre 5, 1952 - Hulyo 20, 2024)
* litrato mula sa LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) fb page

Wednesday, June 5, 2024

Hunyo 5, 2024

HUNYO 5, 2024

ikasandaan dalawampu't limang anibersaryo
ng pagkakapaslang kay Heneral Antonio Luna
at ikasampung anibersaryo ng kamatayan
ng magiting na kasamang si Ka Romy Castillo

ginugunita'y pang-apatnapung anibersaryo
ng World Environment Day, ito'y isang paalala
kaarawan din ng katotong Danilo C. Diaz
makatang kilala sa kanyang mga tula't bugtong

pagpupugay sa lahat ng mga may kaarawan
ngayong ikalima ng Hunyo, mabuhay po kayo!
di ko man mabanggit sa tula ang inyong pangalan
ang mahalaga'y personal ang pagbati sa inyo

ngayong World Environment Day, isipin ang daigdig
pakiramdaman mo't puso ng mundo'y pumipintig
sa pagprotekta nito, tayo na'y magkapitbisig
at huwag hayaang sistemang bulok ang manaig

- gregoriovbituinjr.
06.05.2024

Heneral Antonio Luna (Oktubre 29, 1866 - Hunyo 5, 1899)
Ka Romy Castillo (Marso 8, 1952 - Hunyo 5, 2014), dating bilanggong pulitikal noong panahon ng batas militar at unang pangulo ng Bukluran ng Manggagawa para sa Pagbabago (BMP) (circa 1993)
World Environment Day - first held in 1974
* mga litrato mula sa google

Wednesday, April 10, 2024

Larawan ng magigiting

LARAWAN NG MAGIGITING

nakita kong nakapaskil ang isang ulat
sa burol ni Ka RC nang magpunta ako
makasaysayang tagpo yaong nadalumat
kaya sa selpon ay kinunan ng litrato

aba'y magkasama sa Kill VAT Coalition
na tatlong dekada na ang nakararaan
ang nagisnan kong lider ng kilusan noon
sina RC Constantino at Popoy Lagman

mga dagdag sa dokumentasyon at sa blog
upang mabatid ng sunod na salinlahi
kung sino ang mga lider nating matatag
na nilabanan ang burgesyang naghahari

isang pagkakataong di ko pinalampas
nang pinitikan agad sa selpon kamera
ang kinunang litrato'y mahalagang bakas
na sa aklat ng historya'y dapat isama

- gregoriovbituinjr.
04.10.2024

* nakasulat sa caption ng litrato: "Leaders of the Kill VAT Coalition raise their hands to show unity in their struggle against the tax measure. Fourth from right is former guerilla leader Filemon Lagman who announced his plan to join the movement."

* litratong kuha ng makatang gala sa burol ni RC, dating pangulo ng Sanlakas, 04.08,2024

Tuesday, December 26, 2023

Ang nasa kaliwa at kanan sa litrato ni Ambeth Ocampo

ANG NASA KALIWA AT KANAN SA LITRATO NI AMBETH OCAMPO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kaninong punto de bista ang susundin upang mabatid ang kung sino ang nasa kaliwa at nasa kanan ng litrato? Ang sa mambabasa ba, o ang nasa kaliwa at kanan ng awtor na nasa gitna ng litrato?

Nabili ko nitong Disyembre 24, 2023 ang aklat na Two Lunas, Two Mabinis, Looking Back 10 ng historian na si Ambeth Ocampo, sa halagang may 10% discount sa National Book Store, kaya mula P150 ay P135 na lang, may 100 pahina.

Sa pahina 11 ay naintriga ako sa litrato kung sino si Teodoro Agoncillo sa dalawa, ang nakatayo sa kanyang kaliwa, o ang nakaupo sa kanyang kanan. Nakasulat kasi sa ibaba nito ay: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (left) and Teodoro A. Agoncillo (right)."

Hindi ba't dapat ay sa punto de bista ng mambabasa, at hindi batay sa litrato kung sino ang nasa kanan o kaliwa ni Ocampo?

Hindi ko kilala si Cruz habang kilalang historian si Agoncillo. Nakilala ko lang si Cruz dahil nakita ko sa librong iyon sa listahan ng mga nalathalang libro ni Ocampo ang pamagat na "The Paintings of E. Aguilar Cruz (1986); E. Aguilar Cruz, The Writer as Painter (2018), na marahil ay bibilhin ko rin at babasahin pag nakita ko. Si Cruz pala ay pintor at manunulat. Gayunman, mas hinanap ko sa litrato kung alin sa dalawa si Agoncillo.

Kung hindi mo kilala ang mukha ng dalawang ito, at hindi mo titingnan sa google ang mukha nina Cruz at Agoncillo, paano mo ito malalaman bilang mambabasa kung sino ang sino sa pamamagitan lang ng pagbasa sa nakasulat sa ibaba ng litrato?

Nasa gitna ng litrato si Ambeth Ocampo. Nasa kanan niya ba ay si Agoncillo, o batay sa punto de bista ng mambabasa, nasa kaliwa si Agoncillo. Sino ang sino? Alin ang alin?

Upang matapos na ang usapan, hinanap ko sa google ang litrato ni Agoncillo, upang mabatid kung siya ba ang nasa kanan o nasa kaliwa ni Ocampo. Paano kung walang google? Hindi mo agad mahahanap.

Sa google, agad kong nakita na si Teodoro Agoncillo ang nakatayo. Sa litrato, nasa left siya ni Ocampo kahit sinulat nitong si Agoncillo ang nasa right. Nasa right ni Ocampo si Cruz kahit sinulat nitong si Cruz ang nasa left. Sa madaling salita, isinaalang-alang ni Ambeth ang kanan at kaliwa ng mambabasa, at hindi kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng litrato na pinagigitnaan niya ang dalawa.

Kung gayon, as a rule, punto de bista ng mambabasa ang dapat masunod, kung sino ang nasa kanan at kaliwa ng mambabasa.

O kaya, isinulat niya iyon ng ganito: "After school, I continued to learn Philippine history from two eminent mentors: E. Aguilar Cruz (in my right) and Teodoro A. Agoncillo (in my left)."

Maraming salamat, Ginoong historian Ambeth Ocampo. Nais kong kompletuhin ang Looking Back series mo. Bukod sa Looking Back 10, meron na akong Looking Back 8, Virgins of Balintawak; Looking Back 9, Demonyo Tables; at Looking Back 11, Independence X6.

Sunday, December 17, 2023

Sinong dakila o bayani?

SINONG DAKILA O BAYANI?

sino nga ba ang tinuturing na bayani?
yaong dakilang taong sa bayan nagsilbi?
lagay ng bayan ba'y kanilang napabuti?
tulad nina Rizal, Bonifacio't Mabini?

O.F.W. ay bayaning di kilala
na nagsasakripisyo para sa pamilya
sa ibang bansa sa kakarampot na kita
mapakain, mapag-aral ang anak nila

bayaning manggagawa, bayani ng bayan
buhay nila'y inspirasyon sa mamamayan
na ipaglaban ang hustisyang panlipunan
nang lumaya ang bayan sa tuso't gahaman

di lang dayuhan ang kalaban nitong bansa
kundi mismong kababayan ngunit kuhila
tulad ng pulitikong nagsisilbi kunwa
ngunit sa kabang bayan ay nananagasa

mahirap man ang magpakabayani ngayon
tinuring raw na bayani'y patay na noon
gayunpaman, kunin ang aral ng kahapon
mabuting gawa nila'y gawing inspirasyon

- gregoriovbituinjr.
12.17.2023

Monday, November 27, 2023

Pagpupugay kay Gat Andres Bonifacio

PAGPUPUGAY KAY GAT ANDRES BONIFACIO

Gat Andres Bonifacio, Supremo ng Katipunan
mahusay na organisador, marunong, matapang
sa kanyang pamumuno'y dumami ang kasapian
mga Katipon, Kawal, Bayani'y nakipaglaban

dineklara ng Supremo ang paglaya ng bansa
"Punitin ang mga sedula!" ang kanyang winika
ang sigaw niya'y inspirasyong pumukaw sa madla
simula ng himagsikan ng armas, dugo't diwa

O, Gat Andres, salamat sa iyong ambag sa bayan
ngunit pinaslang ka ng 'kapanalig' sa kilusan
taun-taon, ikaw ay aming pinararangalan
tula't sanaysay mo'y pamanang sa amin iniwan

salin ng Huling Paalam ni Rizal, ang Tapunan 
ng Lingap, Ang mga Cazadores, ang Katapusang
Hibik ng Pilipinas sa Inang Espanya, at ang
Mi Abanico sa Espanyol, nariyan din naman

ang obra niyang Pag-ibig sa Tinubuang Lupa 
ating nauunawa bagamat matalinghaga,
bayani, makata, mananalaysay, manggagawa
pinaglaban ang kalayaan, tunay na dakila

basahi't namnamin ang dalawa niyang sanaysay:
Mararahas na Mga Anak ng Bayan, Mabuhay!
Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog, magnilay
mga gintong aral niya'y makahulugang tunay!

- gregoriovbituinjr.
11.27.2023

* Inihanda para sa "Konsiyerto ng Tula at Awit: Parangal sa Ika-160 Kaarawan ni Gat Andres Bonifacio", University Hotel, UP-Diliman, Nobyembre 27, 2023, 2-6pm 

Monday, May 15, 2023

Paghahanap sa libro ni Pilosopo Tasyo, si VS Almario, at ang nobelang Tasyo ni EA Reyes

PAGHAHANAP SA LIBRO NI PILOSOPO TASYO, SI VIRGILIO ALMARIO, AT ANG NOBELANG TASYO NI ED AURELIO C. REYES
Maikling saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang panibagong dakilang layon na naman ang nadagdag sa aking balikat: ang ipalaganap ang nobelang Tasyo ng namayapang awtor Ed Aurelio "Sir Ding" C. Reyes.

Bunsod ito ng sinulat ni national artist for literature Virgilio S. Almario sa kanyang kolum na Sarì-Sámot sa Filipino Ngayon sa pesbuk, na pinamagatang Ang Libro ni Pilosopo Tasyo. Ito'y nasa kawing na: https://www.facebook.com/photo/?fbid=698097328988568&set=a.503294381802198

Ayon sa kanya, "Mabuti pa ang mga hiyas ni Simoun at pinakinabangan ng panitikan. Noong 1941, sumulat si Iñigo Ed. Regalado ng isang mahabàng tulang pasalaysay, ang Ibong Walang Pugad, at dinugtungan niya ang mga nobela ni Rizal. Pinalitaw niyang may anak si Elias, at sinisid nitó ang kayamanan ni Simoun, at ginámit sa kawanggawa para tulungan ang mga dukha. Nitong 1969 inilathala naman ni NA Amado V. Hernandez ang nobelang Mga Ibong Mandaragit, at isang gerilya ang sumisid sa kayamanan ni Simoun para gamítin sa kampanya laban sa mga gahaman ng lipunan. Ngunit walâng nagkainspirasyong kupkupin ang mga libro ni Pilosopo Tasio."

Mayroon. May nobelang Tasyo si Sir Ed Aurelio C. Reyes na nalathala pa noong 2009. Mababasa ninyo ang buong nobela, na may labimpitong kabanata sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htm

Hindi sapat ang karampot kong salapi dahil pultaym na tibak upang matustusan ang pagpapalathala ng aklat na Tasyo. Subalit bakit ko tutustusan?

Matagal ko nang kakilala si Sir Ding Reyes, mula pa noong 1995 sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA, at sa paglulunsad ng Seremonya ng Kartilya ng Katipunan na sinamahan ko sa Titus Brandsma sa QC. Nakasama ko siya bilang associate editor ng pitong isyu ng magasing Tambuli ng Dakilang Lahi noong 2006. Magkasama rin kami sa Kamalaysayan (Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan). Namayapa siya noong 2015

Kaya nang mabatid ko ang sinabing iyon ni Sir Virgilio S. Almario, na guro ko sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (LIRA) mula Setyembre 2001 hanggang Marso 2002, hinggil sa walang nagpatuloy o nag-usisa man lang hinggil sa librong naiwan ni Pilosopo Tasyo, agad akong dapat magsalita. Dahil ang pananahimik ay pagiging walang pakialam sa kabila ng may alam.

Kung may mga awtor na nagdugtong sa nobela ni Rizal, may awtor ding gumawa ng nobela hinggil sa naiwang sulatin ni Pilosopo Tasyo - si Sir Ed Aurelio C. Reyes, kung saan ang kanyang nobela ay pinamagatang TASYO: Ngayon na ba ang Bukas sa Habilin ng Pantas?

Marahil, dahil ang kanyang nobelang Tasyo na nakalathala bilang aklat ay kumalat o naibenta lamang sa loob ng kanyang sirkulo, o sa mga kaibigan, o sa kanyang mga estudyante, hindi iyon talaga lumaganap. Hindi iyon talaga nailagay sa mga kilalang tindahan ng aklat. Nakita ko rin ang kopyang ito noong nabubuhay pa siya subalit hindi ako nakabili. Makikita pa sa pabalat ng aklat ang nakasulat sa baybayin. Kilala ko rin si Sir Ding kung saan sa kanya rin ako natuto ng pagbu-bookbinding ng kanyang mga aklat.

Marahil, kung nailathala ito ng mga kilalang publishing house sa bansa, baka nagkaroon ito ng mga book review, dinaluhan ng mahilig sa panitikan at kasaysayan ang paglulunsad nito, at nabatid ito ni Sir Almario.

Ngayong patay na ang may-akda ng Tasyo, marapat naman nating itaguyod ang kanyang nobela sa mga hindi pa nakakaalam, upang maisama rin ito sa mga book review at sa kasaysayan ng mga nobela sa Pilipinas. Sa ngayon, iyan ang aking magagawa sa nobela ng isang mabuting kaibigan - ang itaguyod ang kanyang nobelang Tasyo sa mas nakararaming tao. Hindi man natin ito nailathala bilang aklat ay nakapag-iwan naman siya ng kopya ng buong nobela sa internet. 

Tara, basahin natin ang online version ng labimpitong kabanatang nobelang Tasyo sa kawing na: http://bookmakers-phils.8m.net/tasyo-opening.htmMaraming salamat.

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN ‎ ‎ang mga bayani ng bayan ‎ay atin pong alalahanin ‎ngayong Araw ng Kagitingan ‎upang kalayaan ay kamtin ‎ ‎s...