Saturday, November 17, 2012

Pingkian - alay na tula kay Gat Emilio Jacinto

PINGKIAN

Sagisag: Consumatum Est...

Sala ng may sala!... Sadyang ang Mahina
ay talo ng lakas sa balat ng Lupa.
Ang Lakas ng Matwid ay bihibihirang
makitang sa kanyang tahana'y malaya;
ang Matwid ng Lakas ang magpapasasa't
kailan ma'y siyang palaging Dakila.

Ito ang nangyari sa palad ng Bayang
kaya nakidigma'y upang patunayan,
na dito sa isang dulo ng Silangan
ay hindi ang bawat diwang tagaakay
sa dakilang landas ng Katutuhanan
ay supil nang lahat ng Lakas ng Yaman.

Hinding-hindi pa nga; dito ay may bisig
na hindi maalam magdamdam ng sakit,
dito ay may utak at may pag-iisip,
may puso at diwang walang iniibig
kundi ang makitang ang baya'y malinis
sa yagit na padpad ng alon sa Pasig.

At nipot sa gitna ng katahimikan
ang dakilang mithi ng "Anak ng Bayan"
wari'y Bagong Kristong nagkalat ng aral
sa pikit na mata ng Katagalugan
parang bagong sinag na nagbagong buhay
sa lamlam ng sikat ng "Malayang Araw".

At doon sa umpok ng mga Zamora,
mga Bonifacio, Rizal, Burgos, Luna,
ng mga Del Pilar, Gomez at Jaena,
may isang kung di man natin nakilala,
subali't sa dahon ng ating "istorya'y"
may titik na gintong nagpapakilala.

Iyan ang Jacinto... ang Anak ng Bayang
nakilala natin sa ngalang "Pingkian",
utak, pag-iisip, sigla, dunong, buhay
ng di malilimot nating "Katipunan"...
patnubay sa landas ng naglikong daan
diwang tagaturo sa diwang panglaban.

Sa kapayapaa'y budhing matahimik
ligaligin mo ma'y di mangliligalig,
datapwa't talagang ang lamig ng tubig
ay daig ang apoy pag siyang nag-init,
ang datihang tiklop na tuhod at bisig
ay talagang sukdol pag siyang nagalit.

Na kung siya'y sino? - Basal na binata,
sumupling sa tangkay ng Lahing kawawa,
sahol sa ginhawa, kaya't nagtiyagang
tumuklas ng dunong at pagkadakila,
datapwa't sa tawag ng Inang may luha
ngiti ng ligaya'y niwalang bahala.

Ang dahon ng aklat at ng karunungan
iniwang sandali sa kinalalagyan, 
At sa ganang kanya; - Anhin ang yumaman
sa lupa kung laging alipin din lamang,
mahanga'y ang dukhang mayrong Kalayaan
kay sa masagana sa tahanang hiram.

Iniwan ang lahat: ang kaway ng puso,
anyaya ng diwa't ngiti ng pagsuyo,
nilisan ang bayang batbat ng balaho,
tiniklop ang aklat na mana sa nuno,
nilingon ang tawag sa bayang siphayo
upang isagawa ang sumpang pangako.

Siya ang nanguna upang ibalita
kailanga'y aliw ng Bayang kawawa't
hingin sa may lakas ang habag sa kapwa,
upang ang liwanag na sa ibang lupa
ay nananagano't nagbibigay diwa
sumikat din ito nang boong paglaya.

Humuwad sa isang intsik na mahirap
upang sa lihiman ay maipahayag
kay Gat Jose Rizal ang guhit ng palad
nitong bayang ibig kumita ng lunas,
na kung mangyayari'y sadyang mailadlad
ang nakita niyang pangangailangan...

Iyan ang bayani: di ng bisig lamang,
ang isang Dakila't Malayang Watawat
di lamang ng puso, di lamang ng yaman,
iyan ang bayaning palibhasa'y bayan
nilisan ang lahat, ang aklat, ang layaw,
upang maitayo ang Sariling Bahay.

Nita ka ng lalong batibot na utak,
mita ka ng lalong matayog na malak
na animo'y sadyang kaban ng pangarap...
siya'y dili iba... ang sa unang malas
ay makikita mong ngala'y nasusulat
ng titik na ginto sa dahon ng palad.

Utak na umisip ng Aklat ng Lahi
na pinagsaligan sa pananakali,
utak na lumubid ng mabisang tali
ng pagkakaisa, utak na yumari't
naghand ang lupa sa sariling ari
upang katayuan ng Bagong Gusali.

Kung si Bonifacio ang pagsasabihin
kung sino ang taong dapat dakilain,
sa pinagdaanan nitong bayan natin...
marahil tutugong: "Ang dapat ituring
ay kung sino yaong nagkusang gumising
sa himbing ng bayan sa pagkaalipin."

Iya'y si "Pingkian": ang tanging bayaning
kung di man nabantog noon sa marami'y
datapwa't naglagak naman ng haliging
magiging saligan sa pagsasarili,
mga kasulatang sakdal ng bubuti't 
mga binhing ngayo'y ating inaani.

Dakilang dakila ang kanyang pangalang
sinagisagisag ng pakikilaban
upang makayari ng Sariling Bayan;
sapagka't ang kanyang pinananaligan:
"sa pagkakapingki ng kapwa katwiran
kaya sumisikat ang katutuhanan."

Datapwat talagang ang banal na diwang
bukalan ng buti'y mahirap lumaya;
ang sama ay sadyang mapagpanganyaya't
mapagwaging lagi sa balat ng lupa;
ang gawang magaling kahit manariwa'y
nilalanta't sukat ng kanyang tadhana.

Ang araw ng api'y talagang mahirap
makapanalaya sa kanyang pagsikat;
yumao si Rizal ng hindi pa oras
at si Bonifacio'y pinaram din agad,
si Jacinto nama'y sa banig ng hirap
binigyang tadhana ang buhay na hawak.

At siya'y namatay: gaya ng marami;
ang lupang katawa'y nabalik sa dati;
nguni't kailan man ang mga Bayani'y
hindi namamatay, ni di napuputi
sa tangkay ng Lahi; sa madaling sabi;
kahi't putihin ma'y hindi mangyayari.

Naryan ang kaunting halaw ng isipan,
sa aking kudyaping puspus kapanglawan,
naryan ang kalaw ko sa "Aklat ng Buhay"
na makasasaksi sa "Luha ng Bayan,"
Maging kurus nawa sa kanyang libingan
nang tayo'y mayroong mapaghahanapan.

No comments:

Post a Comment

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING tulad ni  Caloy Yulo , nakadalawang ginto rin si  Lovely Inan  sa sinalihan niyang weightli...