Tuesday, November 27, 2018

Kwento - Huseng Batute, Asedillo at ang wikang Filipino


HUSENG BATUTE, ASEDILLO AT ANG WIKANG FILIPINO
Maikling kwento ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa paglalathala nating muli ng pahayagang Taliba ng Maralita bilang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), nais nating kilalanin ang isa sa mga magigiting na makata ng bayan - si Jose Corazon de Jesus o Huseng Batute. Nasa wikang Filipino ang ating pahayagan. Nasa wikang madaling maunawaan ng ating mga kapwa maralita. Kaya yaong mga Pinoy na Ingleserong nangungutya sa wikang Filipino na wikang bakya ay dapat nating tuligsain. Kaya mahalaga ang muling pagkilala, bukod sa makatang si Gat Francisco Balagtas, kay Huseng Batute, na siyang unang Hari ng Balagtasan noong 1925.

Napagkwentuhan nga namin iyan ng lider-maralitang si Mang Isko, na tumutula rin naman. Sabi niya sa akin, “Alam mo, Igor, dapat namang kilalanin din ng pamahalaan ang kahalagahan ni Jose Corazon de Jesus bilang tagapagtanggol ng wikang Filipino. Nabasa mo ba ang tula niya laban sa isang gurong Amerikana? Tinuligsa niya iyon ng patula dahil kinagagalitan nito ang mga estudyanteng nagta-Tagalog.”

“Anong magandang mungkahi mo?” Tanong ko.

“Aba’y sa Nobyembre 22 ay kaarawan niya, maanong magdeklara naman ang pangulo na kilalanin si Huseng Batute sa kanyang kaarawan. O kaya ay kilalanin ang kanyang kaarawan bilang Pambansang Araw ng Pagtula, Tulad ng pag Abril ay sinisimulan ng bayan ang Buwan ng Panitikan sa mismong kaarawan ni Balagtas, Abril 2. Bagamat dapat Abril 1 hanggang Abril 30 ang Buwan ng Panitikan. Ang Abril 1 kasi ay April Fool’s Day. Kaya ang pagsalubong lagi sa Buwan ng Panitikan ay sa kaarawan ng ating dakilang makatang si Balagtas.” Ani Mang Isko.

“Maganda po ang inyong mungkahi. Tulad rin pala iyan ng naging karanasan ni Teodoro Asedillo, na isang guro sa Laguna, bago nakilalang rebelde. Tinuruan niyang maging makabayan ang mga estudyante niya, at pinagalitan siya ng punong gurong Amerikano dahil sa pagtuturo ng wikang Filipino, kaya siya tinanggal.” Sabi ko sa kanya.

“Maalam ka pala sa kasaysayan,” tugon ni Mang Isko. “Baka mas magandang buksan natin sa isang talakayan ang usaping ito. Pagkilala kina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo bilang mga bayani ng wika. Mungkahi kong magpalaganap tayo ng kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Batute, kasabay ng kampanyang pagkilala kina de Jesus at Asedillo bilang mga bayani ng wikang Filipino, na nauna pa kay Manuel L. Quezon, na siyang Ama ng Wikang Pambansa.”

“Sige po.” Tugon ko. “Napanood ko kasi ang pelikulang Asedillo ni Fernando Poe Jr., at nabasa ko ang talambuhay niya sa mga aklatan kaya po alam kong ipinaglaban niya ang ating wikang pambansa. Isusulat ko muna ang borador ng kampanyang lagda para sa dalawa. Tapos po ay magpatawag tayo ng pulong ng samahan. Yayain din natin ang iba pang samahan upang sumama sa kampanyang ito. Magpatawag na po tayo ng pulong sa Sabado.”

“Ayos iyan. Ipatawag mo na.” Sabi ni Mang Isko sa akin, kaya masigla kong ginampanan ang para sa akin ay makasaysayang usapin.

Pagdating ng araw ng Sabado, ikalawa ng hapon, nagsidatingan na ang mga lider at kasapian ng samahan. Sinimulan ko ang usapin.

“Nag-usap kami ni Pangulong Isko upang maglunsad tayo ng isang malawakan at makasaysayang kampanya. Lalo’t marami rin sa inyo ay paminsan-minsang gumagawa ng tula. Una, kampanyang lagda upang ideklarang Pambansang Araw ng Pagtula ang kaarawan ni Huseng Batute at gawing bayani ng wikang Filipino sina Jose Corazon de Jesus at Teodoro Asedillo sa pagtatanggol ng ating wika laban sa mga dayo.”

Tumugon si Mang Igme, “Okay iyan. Subalit dapat dalhin natin sa Malakanyang ang panawagang iyan bukod pa sa paggawa ng panukalang batas ng ating mga kongresista at senador. Magandang layunin iyan.”

Si Aling Isay, “Nasaan na ang mga papel para sa kampanyang lagda upang masimulan na natin. Ang galing ng inyong naisip. Kahit matanda na ako’y naaakit muling tumula, at ipagtanggol ang wikang Filipino, lalo na sa nagtanggalng kursong ito sa kolehiyo.

Natapos ang pulong na masigla ang bawat isa, dahil alam nilang para sa bayan at sa kultura at kabayanihan ang kanilang bagong layunin.

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), Nobyembre 2018, pahina 16-17.

Friday, July 7, 2017

Katitikan ng Seremonya ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan

KATITIKAN NG SEREMONYA:

Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan

NAMUMUNONG KAWAL NG KARTILYA (NKK): Mga kababayan, ating gunitain ang naunang mga dakilang kaganapan sa kasaysayan ng ating bayan, ang pagkakatatag ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan, ikapitong araw ng ikapitong buwan, 1892, at pagkatapos ng apat na taong matagumpay na pagsisikap ng Katipunan, na pagkaisahin ang magkakaiba at magkakalayong mga pamayanan ng tagailog sa Sangkapuluang ito ay nahinog ang batayan sa pagsisilang ng bansa. Kaya't noong Agosto 24, 1896, ang Katipunan na dati'y isang mapanghimagsik na samahan lamang ay muling itinatag bilang kaunaunahang pambansang pamahalaan na nakilala bilang "Haring Bayang Katagalugan." Sa pamumuno ng Pangulong Andres Bonifacio Maypagasa, ang mga aral ng Katipunan, laluna ang Kartilya na isinulat ni Emilio Jacinto Pingkian, ay itinaguyod na maipagpatuloy sa bagong ugnayan sa ating panahon.

PANGALAWANG NAMUMUNO (PN): Mahalaga pa rin ang mga aral na ito hanggang sa ngayon, kaya't nagtitipon tayo sa pararamihin pang mga "Pamilya sa Kartilya" upang pag-aralan, isabuhay at lalo pang ipalaganap ang mga aral na ito. Bahagi man o hindi ng alinmang pormal na samahan, itinataguyod natin ngayon ang "Kilusang Kartilya" na itinatag ng Katipunang DakiLahi para sa Pambansang Pagsasaniblakas batay sa seremonyang Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, na nilikha ng Kampanya para sa sentenaryong Katipunan, Sandaan! noong Hulyo 7, 1992. Nagsimula tayo noon ng limang-taong buwanang pagdaraos ng Pagtitipon bilang isang monumentong espiritwal sa hanay ng ating mga kababayan sa buong kapuluan at sa ibayong dagat; at idinaraos tuwing ikapitong araw ng bawat buwan, na nagsisimula ng ikapito ng gabi. Ang paggalang natin sa seremonyang ito ay maging tanda nawa ng paggalang natin sa ating mga bayaning ninuno. Tumayo tayo nang tuwid ay awitin ang martsang Alerta Katipunan.

1. Pambungad na Awitin: ALERTA, KATIPUNAN!

I. Alerta, Katipunan!
Sa bundok ang tahanan,
Doon mararanasan
Ang hirap ng katawan!
Walang unan, walang kumot,
Walang banig sa pagtulog.
Inuunan pa ay gulok
Abansing katakut-takot!

II. Alerta, Katipunan!
Bathin ang kahirapan,
Pag-ibayuhin ang tapang,
Kahit mamatay sa laban!
Layunin natin ay itaguyod
Baya'y tubusin at itampok,
Hayo na tayo, makipaghamok,
Abansing katakut-takot!

[Uupo ang lahat sa iisang sirkulo.]

2. Pagtanggap sa mga Dumalo at Paglilinaw sa mga Layunin

NKK: Mabuhay kayo, mahal na mga kapatid! Simulan natin ang ating pagdaraos ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan sa pamamagitan ng pagkilala sa isa't isa at sa ating mga layunin. Sagutin ngayon ng bawat isa sa atin ang unang pambungad na katanungan sa mga dumudulog upang umanib sa Katipunan: "Ikaw ay sino?"

[Babanggitin ng bawat isa ang kanyang buong pangalan at palayaw, mga lalawigang pinagmulan ng kanyang mga magulang, at ang lalawigang kanyang kinasilangan at kinalakhan. Babanggitin ang sariling okupasyon ngunit hindi ipakikilala o babanggitin man lamang ang kinapapaloobang samahan o pinapasukang tanggapan. Unang magpapakilala ang Namumunong Kawal ng Kartilya.]

PN: Palakpakan po natin ang lahat ng dito'y nagtipon. Sabay-sabay naman nating sagutin ngayon ang ikalawang pambungad na katanungan sa mga dumudulog sa Katipunan: "Ano ang dito ay iyong hinahanap?"

LAHAT: Sa naritong Pagtitipon / ay kusangloob kaming dumadalo, / upang magpugay at mag-aral / sa kasaysayan at kabayanihan / ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan / at sa kasakilaan / ng sambayanang Pilipino.

PN: Kung gayon, sa diwa ng dakilang simulaing taglay ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan ay batiin at tanggapin natin ang bawat isa.

[Lahat ay titingin at magbibigay ng pagngiti at pagbati sa isa't isa, tanda ng pagtanggap nila sa isa't isa sa Pagtitipong ito.]

NKK: Ang mga dumadalo ngayon sa Pagtitipon sa unang pagkakataon ay mangyaring tumayo, isuot at ibuhol ang pulang sagisag, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang mga kinikilala nang mga ganap na Katipon dahil sa pag-uulit ng pagdalo, ay tumayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may isang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang naritong mga Kawal ng Kartilya, na nakapagdaos ng maikling bersyon ng seremonyang ito, nakapanghikayat ng bagong dumalo, at nakapamuno na sa isa man lamang pagdaraos ng buong seremonya sa isang regular na Pamilya ng Kartilya, ay tumayo ngayon, isuot at ibuhol ang pulang sagisag na may dalawang titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Ang mga Kapatid sa Kabayanihan ng Katipunan, na nakapag-aral na sa mga orihinal na sulatin nina Gat Andres Bonifacio at Gat Emilio Jacinto, nakapag-aral na sa unang baytang ng Palatuntunang Pingkian, at nakaganap na sa iba pang mga pamantayang inihanay ng Sanggunian ng mga Kawal ng Kartilya para sa katayuang ito, ay tumayo ngayon, isuot ang pulang sagisag na may tatlong titik K, at ating palakpakan. [pagtayo at palakpakan] Atin ngayong ipagbunyi ang lahat ng bumubuo ng Kilusang Kartilya sa buong kapuluan at sa ibayong dagat! [Palakpakan]

PN: Ang pangatlong pambungad na katanungang ihinanarap sa mga dumudulog sa Katipunan ay: "Di mo baga nababatid na kapagkarakang ikaw ay masanib sa Katipunang ito, ikaw ay mabibingit sa katakut-takot na kapahamakan?" Hindi tayo sasagot sa ganitong katanungan sa Pagtitipon dahil hindi naman tayo umaanib ngayon sa Katipunan na isang samahang mapanghimagsik at tinutugis ng makapangyarihang Kastila noong kanilang panahon.

Gayunman ang kakaharapin natin ngayon ay isang mabigat na hamon, at ito ay ang pagsasabuhay at pagpapalaganap sa dakilang diwa ng Katipunan. Hindi ito madaling maisakatuparan at ang kailangan ay katatagan ng loob at kahandaang magpakasakit, isang pagpapanibagong-hubog sa sarili, ayon sa mga aral ng Kartilya ng Katipunan.

NKK: Ang pag-anib natin sa pagsisikap na ito ng Kilusang Kartilya ay malaman at madama sana ng ating pami-pamilya, mga kamag-anak at mga kaibigan, ayon sa matingkad nating pagsasabuhay sa mga simulaing nakaukit sa Kartilya ng Katipunan, at hindi lamang dahil ipinagsasabi natin ito. Nawa'y maging mabunga ang pagdaraos natin ngayon ng Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, para sa bawat isa sa atin at para sa ikaiinam ng kalagayan ng mahal nating Inang Bayan.

LAHAT: Pagsumikapan nating lahat / na ito ay gawing mabunga . ngayon at lagpas pa nang malaon / sa ating paghihiwa-hiwalay.

3. Ikalawang Awit: PAG-IBIG SA TINUBUANG LUHA
[Isinaayos ni Luis Jarque, halaw sa 28 saknong na tula ni Gat Andres Bonifacio]

I.
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

II.
Walang mahalagang hindi inihandog
Ng may pusong mahal sa Bayang nagkupkop:
Dugo, yaman, dunong, katiisa't pagod,
Buhay ma'y abuting magkalagut-lagot.

Koro:
Ang nakaraang panahon ng aliw
Ang inaasahang araw na darating
Ng pagkatimawa ng mga alipin,
Liban pa sa Bayan, saan tatanghalin?
Sa aba ng abang mawalay sa Bayan!
Gunita ma'y laging sakbibi ng lumbay,
Walang alaala't inaasam-asam
Kundi ang makita'y lupang tinubuan.

III.
Kayong nalagasan ng bunga't bulaklak,
Kahoy n'yaring buhay na nilanta't sukat
Ng bala-balakid, makapal na hirap
Muling manariwa't sa Baya'y lumiyag.

IV.
Ipakahandog-handog ang buong pag-ibig,
Hanggang sa may dugo'y ubusing itigis,
Kung sa pagtatanggol, buhay ay kapalit
Ito'y kapalaran at tunay na langit.

Koro:
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
Sa pagkadalisay at pagkadakila
Gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Aling pag-ibig pa? Wala na nga, wala.

4. Pagbabasa: ANG DAPAT MABATID NG MGA TAGALOG

[Pagbasa sa isang bahagi ng "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" na isinulat ni Gat Andres Bonifacio. Maaaring magdagdag ng pagbasa ng isa pang pahayag / liham o kaya'y presentasyon ng likhang sining na di lalagpas ng 10 minuto.]

NKK: Narito ang huling bahagi ng "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog," isang makapangyarihang pahayag na inilathala sa pahayagang Kalayaan noong Enero 1896 nang may lagdang "Agapito Bagumbayan," isang pangalan sa panulat ni Gat Andres Bonifacio. Ang mga Kapatid nating sina [dalawa sa mga dumadalo sa unang pagkakataon] ang siyang babasa ng tigisang talata.

TAGABASA 1:

"Ano ang nararapat nating gawin? Ang araw ng atwiran na sumisikat sa Silanganan ay malinaw na itinuturo sa ating mga matang malaong nabulagan ang landas na dapat nating tunguhin. Ang liwanag niya'y tanaw sa ating mga mata ang kukong nag-akma ng kamatayang alay sa atin ng mga ganid na asal. Itinuturo ng katwiran na wala tayong iba pang maaantay kundi lalo't lalong kahirapan, lalo't lalong kataksilan, lalo't lalong kaalipustaan, at lalo't lalong kaalipinan. Itinuturo ng katwiran na huwag nating sayangin ang panahon sa pag-asa sa ipinangakong kaginhawahan na hindi darating at hindi mangyayari. Itinuturo ng katwiran na tayo'y umasa sa ating sarili at huwag antayin sa iba ang ating kabuhayan. Itinuturo ng katwiran na tayo'y magkaisang-loob, magkaisang-isip at akala nang tayo'y magkalakas na maihanap ng lunas ang naghaharing kasamaan sa ating bayan."

TAGABASA 2:
"Panahon na ngayong dapat na lumitaw ang liwanag ng katotohanan. Panahon nang dapat nating ipakilala na tayo'y may sariling pagdaramdam, may puri, may hiya, at pagdadamayan. Ngayo'y panahon nang dapat simulan ang pagsisiwalat ng mga mahal at dakilang aral na magwawasak sa masinsing tabing na bumubulag sa ating kaisipan. Panahon na ngayong dapat makilala ng mga Tagalog ang pinagbuhatan ng kanilang kahirapan... Kaya, O, mga kababayan! Ating idilat ang bulag na kaisipan at kusang igugol sa kagalingan ang ating lakas, sa tunay at lubos na pag-asa na magtatagumpay sa nilalayong kaginhawahan ng bayang tinubuan."

5. Pagsagot sa Tatlong Tanong
Ukol sa Kasaysayan ng Ating Bayan

NKK: Ngayon ay handa na ba tayong sumagot sa Tatlong Tanong sa Kasaysayan, na kahawig ng ipinasasagot noon sa bawat umaanib sa Katipunan?

LAHAT: Handa na kami, Kapatid! / buod ng kasaysayan / ng ating bayan / ay amin nang nababatid.

NKK: Ano ang kalagayan ng ating bayan / bago dumating ang mga / mananakop na dayuhan?

LAHAT: Maraming libong taon na / ang ating mga ninuno / ay namuhay ng malaya, / mapayapa at masagana, / may unti-unting pag-unlad, / may namumuong pagkakaisang likas / na tumutungo sa pagkabansa, / at may malusog na pakikipag-ugnayan / sa nakapaligid na mga bansa.// Ang ating mga ninuno / ay may mayamang kultura / at maayos na sistema ng pamahalaan / na pawang sinira ng nanakop na dayuhan.

NKK: Ano ang naging kalagayan ng ating bayan / magmula nang ang buhay nito'y / pagharian ng mga dayuhan?

LAHAT: Sapilitang binuo ang isang kolonyang bayan / ngunit pinanatiling hati-hati ang mga mamamayan. // Mula noon, tayo'y inalipin at pinagsamantalahan / sampu ng ating mga likas na yaman. // Hinawakan ang ating mga kaisipan, / inudlot at sinira ang pag-unlad ng ating wika, / at ang ating karangalan at kakanyahan / bilang sambayanan ay niyurakan at ipinalimot, / lalo na sa mga kabataan. // Ang ating kabuhayan ay pinakinabangan ng mga dayuhan / at ng ilan nating mga kababayan. // Habang nagkakandakuba sa paggawa, / tayo'y naging mga pulubi at alipin / sa sariling bayan at maging sa ibayong dagat. // At sa halip na umunlad, / buhay nati'y lumubha ng lumubha / sa paglipas ng bawat / maghapon at magdamag.

NKK: At ano naman ang magiging kalagayan ng ating bayan, sa sandaling makalaya tayo sa paghaharing dayuhan at sa ibinunga nito sa ating mga pag-uugnayan, ugali at isipan?

LAHAT: Ang likas na kayamanan / at lakas-paggawa ng Inang Bayan / ay maiuukol na sa kapakanan at pag-unlad / ng kanyang mamamayan. // Maibabangon at maisusulong na natin / ang ating kabuhayan, / matitigil na ang pagpapaalipin / ng ating mga kababayan / sa kinang ng salaping dayuhan, / at magiging maaliwalas ang hinaharap / para sa ating mga anak.

PN: Kung mayroong mga tanong ang sinuman ukol sa mga Pagbasa at sa ating pagsagot sa Tatlong Tanong, mangyari po lamang na maisulat nang kalakip ang inyong pangalan, at maibigay sa amin upang mabigyang-daang matugunan. Kung isasagawa na ngayon, ang mga pagtatanong at pagtugon ay hindi dapat lumagpas ng 15 minuto.

6. Mga Aral mula sa Kartilya ng Katipunan

PN: Pasa-pasa nating basahin ngayon ang mga punto ng Mga Aral ng Katipunan ng mga A.N.B. na itinatampok ng Kartilyang isinulat ni Gat Emilio Jacinto. Walang mga numero sa orihinal at ang mga katagang nakahilig at nasa panaklong ay idinagdag ng Kamalaysayan upang higit na maunawaan sa kasalukuyan. Matapos ang pagbasa ng lahat ay idedeklara ng bawat isa sa maliit na grupo kung alin sa mga aral ang agad tumimo sa kanya at ipaliliwanag niya kung bakit yaon ay may buhay na kaugnayan sa kanyang kalagayan at karanasan at sa sarili niyang mga katangian, ugali at/o asal. Hindi tayo gagawa ng konsensus o sama-samang pasya batay sa mga pagbabahaginang ito.

1. Ang buhay na hindi ginugugol sa isang malaki at banal na kadahilanan ay kahoy (puno) na walang lilim, kundi (man) damong makamandag.

2. Ang gawang magaling na nagbubuhat sa paghahambog o papipita sa sarili (paghahangad na makasarili), at hindi talagang nasang gumawa ng kagalingan, ay di kabaitan.

3. Ang tunay na kabanalan ay ang pagkakawang-gawa, ang pag-ibig sa kapwa at ang isukat ang bawat kilos, gawa't pangungusap sa talagang Katuwiran.

4. Maitim man o maputi ang kulay ng balat, lahat ng tao'y magkakapantay; mangyayaring ang isa'y hihigitan sa dunong, sa yaman, sa ganda; ngunit di mahihigitan sa pagkatao.

5. Ang may mataas na kalooban, inuuna ang (dangal o) puri kaysa pagpipita sa sarili; ang may hamak na kalooban, inuuna ang pagpipita sa sarili sa puri.

6. Sa taong may hiya, salita'y panunumpa.

7. Huwag mong sayangin ang panahon; ang yamang nawala'y mangyayaring magbalik; ngunit panahong nagdaan nay di na muli pang magdadaan.

8. Ipagtanggol mo ang inaapi;kabakahin (labanan) ang umaapi.

9. Ang taong matalino'y ang may pag-iingat sa bawat sasabihin;matutong ipaglihim ang dapat ipaglihim.

10. Sa daang matinik ng buhay, lalaki ang siyang patnugot ng asawa at mga anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din. (Ang simula nito ay obserbasyon sa ugnayan ng babae at lalaki sa panahon ng Katipunan; para sa kasalukuyan, iminumungkahing ipalit ang sumusunod: "Sa daang matinik ng buhay, ang mga magulang ang patnugot ng mag-anak; kung ang umaakay ay tungo sa sama, and patutunguhan ng inaakay ay kasamaan din.)

11. Ang babae ay huwag mong tingnang isang bagay na libangan lamang, kundi isnag katuwang at karamay (ng lalaki) sa mga kahirapan nitong buhay; gamitin mo nang buong pagpipitagan ang kanyang (pisikal na ) kahinaan, alalahanin ang inang pinagbuhatan at nag-iwi sa iyong kasanggulan.

12. Ang di mo ibig gawin sa asawa mo, anak at kapatid, ay huwag mong gagawin sa asawa, anak at kapatid ng iba.

13. Ang kamahalan ng tao'y wala sa pagkahari, wala sa tangos ng ilong at puti ng mukha, wala sa pagkaparing kahalili ng Diyos, wala sa mataas na kalagayan sa balat ng lupa: wagas at tunay na mahal na tao, kahit laking gubat at walang nababatid kundi sariling wika, yaong may magandang asal, may isang pangungusap, may dangal at puri, yaong di nagpaaapi't di nakikiapi; yaong marunong magdam-dam at marunong lumingap sa bayang tinubuan.

14. Paglaganap ng mga aral na ito, at maningning na sisikat ang araw ng mahal na kalayaan dito sa kaaba-abang Sangkapuluan at sabungan ng matamis niyang liwanag ang nangagkaisang magkakalahi't magkakapatid, ng liwanag ng walang katapusan, ang mga ginugol na buhay, pagod, at mga tiniis na kahirapa'y labis nang matutumbasan.

[Bubuo ng mga apat-kataong grupo at may limang minuto ang bawat tao upang makapagbahagi. Hindi pag-uusapan ang organisasyon, tanggapan o kumpanyang pinapasukan ninuman at ang tuon lamang ay sa personal na unawa at pagsapamuhay ng bawat isa sa napiling punto.]

7. Pag-awit ng LIWANAG, HUWAG DILIM
[Katha ni Ed Aurelio "Ding" C. Reyes ng Kamalaysayan
batay sa "Liwanag at Dilim" ni Emilio Jacinto]

I. 
Liwanag, ating hanapin,
Liwanag, yakapin at gamitin,
Liwanag ay makapangyarihan
Sa paglalandas ng ating buhay

II.
Liwanag ng Katotohanan,
Liwanag ng Katuwiran,
Liwanag ng Kalayaan,
Ng Katarungan at Kapatiran...

Koro 1: 
Di tulad ng Dilim
Di tulad ng Ningning
Na sarili lamang ang 'pinapakita
Sa ating paningin

III.
Liwanag, sa sandaling mahanap,
Pagsumikapang maipalaganap,
At paramihin ang maninindigan
Na mabubuhay sa kanyang sinag.

Koro 2:
Ang Dilim ay Piring,
Huwad na ilaw naman ang Ningning
Na kaakit-akit, kaya nagagawa
Tayong linlangin!

Ulitin ang II at III

Liwanag!

8. Pagbigkas at Paglagda sa Panata

NKK: Magsitayo tayong lahat nang tuwid, idikit ang ating kamao sa pagtibok ng ating puso at sabay-sabay nating bigkasin ang panata sa pagsasabuhay at pagpapalaganap sa Kartilya ng Katipunan. Sa ating pagpapahayag ay iniisip natin ang ating mga ninuno na unang nagtaguyod sa kadakilaan ng ating lahi.

LAHAT:

Kaming narito ngayon, mga kusang-loob na dumalo sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan / ay sumusumpa ngayong pag-aaralan, / isasabuhay at ipalalaganap ang dakilang diwa / ng Kataas-taasang Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan. // Niyayakap namin / bilang sariling panuntunan sa buhay / ang Kartilya ng Katipunan / at nangangako kaming ipakikilala ito / sa higit na marami pang mga kababayan / sa Pilipinas man o sa ibayong dagat. // Gagawin namin / sa iba't ibang kaparaanan / sa abot ng aming makakayanan / na pagkaisahin ang lahat sa isang bukluran / sa patnubay ng mga aral ng Katipunan / at kamtin ang kaisahan, kalayaan, karangalan at kaginhawaang / malaon nang ipinagkakait / sa minamahal na Inang Bayan. // Mag-aambag at magpapatampok kami / sa sama-samang galing ng mga Pilipino / at magtatalastasan at magtatangkilikan / sa pagsasaniblakas at bagong bayanihan, / upang mabuo ang isang malakas na bansa. // 

Kami'y magpupunyagi / upang ang mga ikinikilos namin sa araw-araw / ay sukat naming maikarangal / sa mga nagtatag at nagtaguyod ng Katipunan / at sa lahat ng mga ninunong / mayaman sa kabayanihan. // Hindi kailanman mamamatay / ang kaytagal nang mga pangarap! / Ito ang mataimtim naming Panata / sa ngalan ng aming karangalan. // Kasihan nawa kami / ng Bathalang Maykapal!

PN: Hahanay tayo ngayon, at bawat isa'y lalagda sa ilalim ng binigkas nating Panata, sindihan ang tangan niyang kandila, lalagyan ng isang patak ng kandila ang kanyang lagda habang nagsasabi ng "Tulad ng aking karangalan, di mabubura ang aking lagda." [Ipauulit ito sa lahat.] Pagkatapos ay papatakan din ng kandila ang sariling palad habang nagsasabi ng "Talab sa aking palad, talab sa aking isip, salita at gawa." Atin nang simulan ang banal na gawaing ito. Pinaaalalahanang maging tahimik ang lahat bilang pagbigay-galang sa seremonya at paggalang din sa tahimik na pagmumuni-muni na isasagawa ng bawat isa.

9. Pagpapalitan ng kandila

NKK: Bilang tanda ng init at liwanag na taglay ng mahigpit nating pagkakaisa sa ating Panata sa Diwa ng Katipunan, lapitan natin ang bawat isa, makipagpalitan ng kandila sa kanya, batiin siya ng "Mabuhay Ka at ang Ating Panata!" at makipagkamay nang palad-sa-palad sa kanya. [Ipaulit sa lahat ang pagbati. Ipakita ang palad-sa-palad na pakikipagkamay.]

LAHAT (sa isa't isa): Mabuhay Ka at ang Ating Panata!

PN: Yayamang tapos na, magbalik na tayo sa ating mga upuan, patayin ang sindi ng ating mga kandila, ilapag ang lahat ng hawak, maging tahimik at manatiling nakatayo bilang angkop na paghahanda sa Pagtatalaga ng ating Panata.

10. Paghahandog (Konsekrasyon) ng Panata

NKK[Ipakikita sa nagsidalo ang nilagdaang Panata] Masdan n'yo mga Kapatid, ang ating Panata, at ang ating mga lagda ng karangalan, na ngayon ay nasa papel. Atin ngayon itong aalisin sa anyong pisikal... [sisindihan ang papel at ilalapit sa harap ng bandila ng Katipunan at mga sagisag na bungo at punyal]... at sundan n'yo ako at pagkatapos ay tahimik tayong magmuni-muni...

Ang Panata at mga lagda / na inaangkin ngayon ng apoy / ay gumabay sana at manatiling nakaukit / sa puso at isipan / ng bawat isa sa atin / at sa higpit / ng ating pagkakaisa. [tahimik na manonood ang lahat sa pagkaubos ng apoy]

PN: Mabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan!

LAHAT: Mabuhay!

PN: Mabuhay sa atin ang Dakilang Diwa ng Katipunan!

LAHAT: Mabuhay!

11. Pagwawakas

PN: Magsiupo tayo. Bawat isa ay magpapahayag ng maikli sa mga naiisip niya't naramdaman ukol sa pagdalong ito sa Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan. Hindi muna maglalabas ng anumang pagmumungkahi ang sinuman sa nakikita niyang pagpapahusay pa ng katitikan o ng mga pagdaraos ng seremonya. Ang mahalaga ay pagtugon sa seremonya, ayon sa pagkakadaos nito ngayon, lalina ang mga bahaging may pinakamalaking epekto sa kanya. Unahin nating pakinggan ang mga dumadalo ngayon sa kauna-unahang pagkakataon.

[Isagawa ang mga pagpapahayag; magbabahagi rin ang NKK at PN ng ilang karagdagang impormasyon at hihikayatin silang magbasa ng hiwalay na mga sulatin ukol sa Katipunan, ukol sa Kartilya, at sa Kilusang Kartilya, at/o manatili matapos ang seremonya para sa karagdagang mga pag-uusap-usap.]

NKK: Mga Kapatid, dumating na ang oras ng ating pagpapaalam sa isa't isa. Ngunit ito'y pansamantala lamang at hindi tunay na paghihiwa-hiwalay. Pansamantala sapagkat bawat isa sa atin na nagsasabing mahusay at mainam ang ating seremonya ay tinatawagan ngayon na kahit minsan pa'y dumalong muli bilang ganap nang Katipon sa susunod pang mga Pagtitipon ng mga Anak ng Bayan, magpadalo ng dalawa man lamang na magiging mga ganap ding mga Katipon, at hangga't maaari ay maging Pangalawang Namumuno, tulad ni ______________, at paglaon ay Namumunong Kawal ng Kartilya, o tagabasa ng mga pamagat ng bahagi at mga paliwanag sa panaklong, tulad ni ______________, sa paglawak pa nitong ating Kilusang Kartilya dito o sa iba pang lugar. Ang sinumang babalik ay dadalo sanang muli hindi lamang upang may bagong matutunan, kundi upang makapagbahagi rin sa iba. Ganap nating sikaping makarating sa tamang oras, upang mapanindigan ang ikaanim at ikapitong aral ng Katilya at maiwaksi ang ugaling hindi nababagay sa mga anak ng Dakilang Lahi. Palakpakan po natin ngayon ang mga dumating kanina sa tamang oras. (palakpakan).

Hindi ganap ang paghihiwa-hiwalay sapagkat mahigpit tayong binubuklod ngayon ng ating Panata na isabuhay at ipalaganap ang Dakilang Diwa ng Katipunan, sa nagkakaisa nating pagmamahal sa ating Inang Bayan.

Humayo tayo, kung gayon, at magsilbing mga kandilang nagbibigay ng init at liwanag sa pagbubuklod ng higit pang maraming mamamayan tungo sa karangalan, kaisahan, kalayaan, katarungan, at kaginhawahan.

LAHAT [Tatayo]: Mabuhay ang Pilipinas! Isabuhay ang Dakilang Diwa ng Katipunan! Ikarangal ang kadakilaan ng ating lahi!

12. Pag-awit ng MARANGAL NA DALIT

PN: Tayo'y maghawak-kamay... at taimtim nating awitin ang unang pambansang awit ng nagkaisang mga anak ng bayan, ang Marangal na Dalit na kinatha ng Katipunerong kompositor na si Julio Nakpil:

LAHAT:

I.
Mabuhay, Ma---buhay yaong
Kalayaan, Kalayaan!
At pasulungin
Ang puri't kabanalan
Ang puri't kabanalan!

II
Kastila'y mairing
Ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi
Ang kahusayan!

(Ulitin ang I)

Maaaring sundan ito ng simpleng salu-salo, at/o pag-uusap na ukol sa mga plano ng mga grupo hinggil sa Kartilya.

Sunday, September 25, 2016

Boyet Mijares, 16

BOYET MIJARES, 16

ang nawawalang ama'y hinahanap ng pamilya
at kay Boyet, ama niya'y laging naaalala
ah, nasaan na kaya ang butihin niyang ama
bakit wala? nangibang-bayan ba? saan nagpunta?

amang si Primitivo, manunulat, palaisip
ang nagsulat ng aklat na "Conjugal Dictatorship"
hinggil sa mag-asawang Marcos, istoryang nahagip
ngunit pagkawala ng ama'y di niya malirip

labing-anim na taon lang siya noon, bagito
nang nakatanggap ng isang tawag sa telepono
kanyang ama'y buhay pa raw, sa kanya'y sabi nito
kung nais makita'y makipagkita siya rito

subalit di na nakauwi si Boyet sa bahay
ilang araw pa'y natagpuan siyang walang buhay
tinortyur, itinapon,malamig na siyang bangkay
talagang katawan niya't pagkatao'y niluray

bansa'y nasa batas-militar nang panahong iyon
nang si Boyet Mijares ay kinuha, hinandulong
nakapanginginig ng laman ang nagyaring yaon
hustisya'y nahan? hustisya para sa batang iyon!

- gregbituinjr.

datos mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear

Archimedes Trajano, 21

ARCHIMEDES TRAJANO, 21

noong batas-militar, masamâ palang magtanong
lalo na't sa anak ng diktador sa open forum
sinong nagkamali: ang nagtanong o ang tinanong?
upang matinding karahasan ang agad itugon

nagtanong ang kabataang Archimedes Trajano
bakit daw si Imee ang pambansang tagapangulo
ng Kabataang Barangay, pinamunuan ito
nairita si Imee, tanong man niya'y balido

mga tao ni Imee'y dinaluhong siyang bigla
binitbit palabas, binugbog siya't natulala
anong rahas na itinapon siya sa bintana
nagtanong lamang ay kamatayan ang itinudla

ang gayong panahon ay di na dapat maibalik
kung saan kawalanghiyaan ang inihahasik
karapatang pantao sa puso'y dapat ititik
at sa kawalang hustisya'y di dapat tumahimik

- gregbituinjr.

mula sa http://www.rappler.com/views/imho/106827-martial-law-stories-hear
https://tl.wikipedia.org/wiki/Archimedes_Trajano

Wednesday, September 2, 2015

Lisa Balando, Unyonista

SI LISA BALANDO, UNYONISTA
ni Gregorio V. Bituin Jr.
15 pantig bawat taludtod

magsasaka mula Samar, lumuwas ng Maynila
nagtrabaho sa Caloocan, naging manggagawa

sa Rossini's Knitwear and Winter Garments ay namuno
sa unyon nila ngunit siya'y tinigmak ng dugo

nang sa isang mapayapang rali, siya'y binaril
ng pulis ng diktadura, buhay niya'y kinitil

gayong hiling nila'y para sa makataong sahod
at mga karapatan ng manggagawa sa lungsod

doon sa harap ng lumang Senado tinimbuwang
Araw ng Paggawa nang binira ng mga halang

sa mga obrero, si Lisa Balando'y bayani
hanggang sa huling sandali sa bayan ay nagsilbi

pagpupugay sa iyo, di ka dapat malimutan
pagkat dakila ka sa puso't diwa nitong bayan

* Si Lisa Balando ay pinaslang ng mga pulis ng diktadurang Marcos sa isang mapayapang pagkilos ng mga manggagawa sa harap ng Senado, Mayo Uno, 1971

Liliosa Hilao, 23

SI LILIOSA HILAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mula Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
estudyanteng may katapatan sa adhika
nang dahil sa kanyang maagang pagkawala
ang pamilya niya'y lumuha’t naulila

punong-patnugot ng Hasik, na publikasyon
ng kamag-aaral ng paaralang iyon
binatikos sa pahayagan nilang yaon
ang diktaduryang Marcos na animo’y leyon

siya'y iskolar, magaling na estudyante
kandidato siyang maging summa cum laude
ngunit naglaho ang ningning ng binibini
nang siya'y dinukot ng apat na ahente

ng konstabularyang galamay ng tirano
na makapangyarihan sa buong gobyerno
hawak sa leeg ang maraming pulitiko
at kamay na bakal ang pinairal nito

ayon pa sa ilang ulat, si Liliosa
ay pinahirapan, ginamitan ng pwersa
ginahasa, pinaslang ng Konstabularya
unang biktima ng madugong diktadura

ang kwento ni Liliosa'y dapat masambit
sa salinlahi ngayon nang di na maulit
kay Liliosa at sa iba pang ginipit
mailap na katarungan nawa'y makamit

Pinaghalawan: https://tl.wikipedia.org/wiki/Liliosa_Hilao

Wednesday, April 2, 2014

Si Teodoro Asedillo bilang Bayani ng Sariling Wika

SI TEODORO ASEDILLO BILANG BAYANI NG SARILING WIKA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Bago pa maging tagapagtanggol at maging Ama ng Wikang Pambansa si Manuel L. Quezon, may isa nang kilalang guro sa kasaysayan ang unang nagtanggol sa sariling wika, at siya si Teodoro Asedillo.

Dapat ituring na bayani ng wikang pambansa ang rebolusyonaryong guro na si Teodoro Asedillo. Ayon sa kasaysayan, labing-isang taon naglingkod bilang guro si Maestro Asedillo sa mababang paaralan ng Longos sa lalawigan ng Laguna, mula taong 1910 hanggang 1921. Bilang guro, itinuro niya ang lahat ng aralin sa maghapong pagpasok sa klase ng mga mag-aaral sa elementarya. Siya’y naangat bilang head teacher ngunit nagpatuloy siyang nagturo sa mga batang nasa ikatlo at ikaapat na baytang. Kilala siya sa kahusayan sa pagtuturo. Isang disiplinaryan, ayaw niya sa mga estudyanteng nagbubulakbol, di nagsisikap matuto, at nagsasayang lang ng oras.

Nang panahong iyong sakop ng Amerika ang bansa, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika sa pagtuturo, at yaong gumagamit nito'y pinarurusahan. Noong elementarya ako'y naranasan ko rin ang ganito sa aming paaralan, ipinagbawal ang paggamit ng sariling wika, at may parusa ang magsasalita ng sariling wika, gayong mahigit na kalahating siglo na yaong nakararaan sa panahon ni Asedillo. Matutunghayan natin ang eksenang ito sa unang bahagi ng pelikulang Asedillo na pinagbidahan ni Fernando Poe Jr. na ibinase sa kanyang buhay.

Isa sa pinagtuunan ng pansin ng mga Amerikanong kolonisador ay ang Department of Public Instruction (DPI) sa kanilang kampanya ng pasipikasyon (pwersahang pagpayapa) at asimilasyon (sapilitang pagpapalunok sa atin ng sarili nilang kultura). Sa pamamagitan ng Philippine Commission Act No. 74 (Enero 1901), iniatas ni Gobernador-Heneral Elwell Otis ang mga sumusunod na polisiya: (1) sentralisadong sistema ng batayang edukasyon; (2) paggamit sa Ingles bilang wikang panturo at komunikasyon; at (3) pagtatatag ng isang kolehiyong normal para sa maramihang pagsasanay ng magiging mga guro. 

Ang mga pangyayari at kalagayang ito ang nagtulak sa unang paghihimagsik ni Asedillo. Pinili niyang gamitin ang wikang Pilipino sa halip na wikang Ingles. Iminulat niya ang mga mag-aaral sa kagitingan at aral ng mga bayaning Pilipino, habang tinuruan din niya ang mga mag-aaral ng awiting makabayan. Hindi rin niya ginamit ang mga aklat na sinulat ng mga dayuhang awtor. Dahil dito, siya’y kinasuhan ng insubordinasyon o pagsuway sa kautusan ng kagawaran noong 1923. Ipinagtanggol niya ang sarili at ikinatwirang hindi dapat ipilit sa mga batang Pilipino ang kulturang banyaga sa kanilang karanasan at pang-unawa. Ngunit siya’y natalo at natanggal sa pagtuturo. Ang pamilyang Asedillo ay naghirap ng husto. 

Anong saklap na pangyayari! Nang dahil sa pagtatanggol sa sariling wika na dapat gamitin sa pagtuturo, siya pa ang natanggal.

Naging masalimuot ang buhay ni Asedillo mula noon. Hinirang siya ng alkalde sa bayang San Antonio bilang hepe ng pulisya roon, ngunit nabiktima ng pang-iintirga at natanggal bilang hepe.

Nang maitatag ang Katipunan ng mga Anakpawis sa Pilipinas (KAP) noong 1929, sumapi rito si Asedillo nang nagkatrabaho na siya bilang magsasaka sa taniman ng kape. Hanggang siya'y atasaan ng pamunuan ng KAP na lumuwas sa Maynila upang mag-organisa ng mga manggagawa partikular sa unyon ng La Minerva Cigar and Cigarette Factory sa Tondo, hanggang sa ang mga manggagawa rito ay nagwelga. Sa welgang iyon ay pinagtangkaan siyang arestuhin ng Konstabularya ngunit nakatakas siya patungong Laguna, ang kanyang probinsya. 

Bumalik siya sa Laguna kung saan may base ng magsasaka ang KAP. Muli siyang nag-organisa. Napagtanto niyang hindi na maaari ang parlamentaryong paraan lamang ng protesta. Hindi na libro, plakard at araro ang hawak-hawak, kundi baril, bilang isang mandirigma ng masa. Ipinakita niya ang kahusayan sa pamumuno, at nagsagawa sila ng repormang agraryo, pinababa ang buwis o upa sa lupa.

Sumanib si Asedillo sa mga pwersa ni Nicolas Encallado, na kilala sa tawag na Kapitan Kulas.

Naging alamat si Asedillo sa mga lugar na pinaglalabas-masukan niya noon sa Laguna at Tayabas. Siya’y katulad ni Robin Hood na ang kinukuha sa mayayaman ay ibinibigay sa mahihirap. Sinasabing araw na araw ay ligtas siyang nakakapaglakad sa mga kalye ng pinagmulan niyang bayan, at pinakakain siya ng taumbayan at pinatutuloy sa kanilang bahay.

Noong Disyembre 31, 1935, pagkaraan ng mahigpit na paghahanap ng mga tropa at ahente ng gubyerno kina Asedillo at Encallado, natagpuan nila ang pinagtataguan ni Asedillo sa Cavinti, Laguna. Sa labanang nangyari, napatay si Asedillo at ang dalawa niyang badigard. Pagkaraa’y inilibot ng Konstabularya sa bayan-bayan ang bangkay ni Asedillo na tadtad ng bala. Ang buong ngitngit ng kaaway ay ipinadama kahit sa kanyang luray na bangkay. Kinaladkad sa mga poblasyon, sa harap ng mga presidencia ng mga bayang kanyang kinilusan, upang ipagyabang na patay na si Asedillo. Si Asedillo ay itinulad kay Kristong ipinako sa krus hanggang sa mamatay.

Marahas na wakas ang nangyari kay Teodoro Asedillo, guro at tagapagtanggol ng sariling wika. Ngunit ang halimbawa niya bilang tagapagtanggol ng sariling wika, una pa kay Manuel Quezon, ay hindi dapat mabaon sa limot. Dapat siyang itaguyod sa panahong ito na dinedelubyo ng globalisasyon ang edukasyon at K-12 upang huwag nang pag-aralan ng sambayanang Pilipino ang sariling wika, at matuto na lang ng wikang dayuhan upang maging alipin sa ibang bansa.

Noong kanyang panahon ay wala pang idinedeklarang wikang pambansa, ngunit ang pagtataguyod niya ng sariling wikang nakagisnan niya ay malaking bagay na upang kilalanin siyang tagapagtanggol ng sariling wika at hindi ng wika ng dayo.

Dapat itaguyod ang simulan ni Teodoro Asedillo, hindi lamang ang kanyang paninindigan noong siya'y kasapi ng KAP, kundi higit sa lahat, bilang tagapagtanggol ng sariling wika.

Dapat siyang kilalanin at gawan ng bantayog bilang ganap na pagkilala sa kanya at ituring siyang bayaning nakibaka laban sa mga dayuhan at bayaning nanindigan para sa sariling wika. Halina't tayo'y magkaisa upang bigyang parangal si Asedillo bilang una pa kay Quezon sa pagtataguyod ng sariling wika.

Mabuhay si Teodoro Asedillo, rebolusyonaryo, tagapagtanggol ng api, at bayani ng sariling wika!

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN ‎ ‎ang mga bayani ng bayan ‎ay atin pong alalahanin ‎ngayong Araw ng Kagitingan ‎upang kalayaan ay kamtin ‎ ‎s...