Wednesday, September 2, 2015

Liliosa Hilao, 23

SI LILIOSA HILAO
ni Gregorio V. Bituin Jr.
13 pantig bawat taludtod

mula Pamantasan ng Lungsod ng Maynila
estudyanteng may katapatan sa adhika
nang dahil sa kanyang maagang pagkawala
ang pamilya niya'y lumuha’t naulila

punong-patnugot ng Hasik, na publikasyon
ng kamag-aaral ng paaralang iyon
binatikos sa pahayagan nilang yaon
ang diktaduryang Marcos na animo’y leyon

siya'y iskolar, magaling na estudyante
kandidato siyang maging summa cum laude
ngunit naglaho ang ningning ng binibini
nang siya'y dinukot ng apat na ahente

ng konstabularyang galamay ng tirano
na makapangyarihan sa buong gobyerno
hawak sa leeg ang maraming pulitiko
at kamay na bakal ang pinairal nito

ayon pa sa ilang ulat, si Liliosa
ay pinahirapan, ginamitan ng pwersa
ginahasa, pinaslang ng Konstabularya
unang biktima ng madugong diktadura

ang kwento ni Liliosa'y dapat masambit
sa salinlahi ngayon nang di na maulit
kay Liliosa at sa iba pang ginipit
mailap na katarungan nawa'y makamit

Pinaghalawan: https://tl.wikipedia.org/wiki/Liliosa_Hilao

No comments:

Post a Comment

Lovely Inan, naka-2 ginto sa World Weightlifting

LOVELY INAN, NAKA-2 GINTO SA WORLD WEIGHTLIFTING tulad ni  Caloy Yulo , nakadalawang ginto rin si  Lovely Inan  sa sinalihan niyang weightli...