Sabado, Agosto 15, 2026

Paunang Salita sa aklat na Mga Nilay at Akda sa Pagsilang ng Bansa

PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Taon 1995 iyon nang mula sa isang imbitasyon ay nakadaupang palad ko ang grupong Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan) na noon ay Kampanya Para sa Kamalayan sa Kasaysayan. 

Enero 5, 1995, kaarawan ng isang kasama sa youth sector, si Juday, nang dumating si Roy Cabonegro sa tanggapan ng National Federation of Student Councils (NFSC) sa Dapitan. Sa mga inimbitahan niya roon ay ako lang ang nagkainteres. Imbitasyon iyon sa pulong ng Environmental Advocacy Students Collective (EASC) kung saan nahalal ako sa pamunuan sa kalaunan. Mula roon, naimbitahan na ako sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa Kamayan Restaurant sa Edsa at buwan-buwan nang dumadalo roon. 

Doon ko nakilala si Ed Aurelio "Ding" C. Reyes na siyang pasimuno ng Kamalaysayan. Doon na rin nagsimula ang interes ko sa gawain at isyung pangkasaysayan. Isang magaling na guro at historyador si Sir Ding. Sa katunayan ay nakapaglathala na siya ng iba't ibang aklat pangkasaysayan, tulad ng nobelang Hulagpos!, nobelang Tasyo!, mahabang tulang Daloy: Talambuhay ng Taga-Ilog, ang Kamalaysayan: The Sense of History Imperative for Filipinos, Press freedom the people's right, at Demands of Dignity. 

Panahon iyon ng aking paghahanap marahil kung saan ako pupwesto sa buhay na ito. Nasa kolehiyo pa ako noon at kumukuha ng kursong BS Math, subalit nahilig sa kasaysayan at pagsusulat. Naging features and literary editor din ako ng dalawang taon sa campus paper ng aming pamantasan.

Sa tulong ng Kamalaysayan ay nalathala ang una kong aklat, ang Macario Sakay, Bayani, na inilunsad sa UP Manila noong Setyembre 13, 2007, kasabay ng ika-100 anibersaryo ng pagbitay kina Macario Sakay at Lucio De Vega. Hanggang tuluy-tuloy na akong makagawa ng mga aklat pangkasaysayan. 

Ikalawa kong aklat ang Ka Popoy: Working Class Hero, na inilunsad sa UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2009, kung saan napaslang si Filemon "Popoy" Lagman. Ikatlo'y ang talambuhay at salin ko ng mga akda ni Comandante Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ng dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ikaapat ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto, ang magiting na bayaning Katipunerong kilala rin sa taguring Pingkian at Dimas Ilaw. Ikalima ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio. Ikaanim ang Lean Alejandro, na nilathala kasabay ng ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean, noong Hulyo 2017. Ikapito ang 12-pahinang pamphlet ukol kay Gregoria “Oriang” de Jesus, Marso 2018. Ang Tinig ng Dukha ni Ka Pedring Fadrigon ang pangwalo, na nalathala noong Oktubre 2020. Pangsiyam itong munting libretong Mga Nilay at Akda sa Pagsilang ng Bansa (Birth of the Nation) ngayong Agosto 2026.

Nakabinbin pa ang planong pagsasalibro ng Talambuhay at mga sulatin ni Crisanto Evangelista; ang Talambuhay ni Teodoro Asedillo na ang anak niyang si Nanay Rosa ay minsan ko nang nakadaupang palad sa Laguna; ang Talambuhay ni Heneral Luciano San Miguel; at ang Talambuhay ni Heneral Licerio Geronimo, na ang apo ay minsan ko nang nakadaupang palad sa San Mateo, Rizal.

Malimit banggitin noon ni Sir Ed Aurelio Reyes ang hinggil sa 'Birth of the Nation' subalit nang sinasaliksik ko na ang kanyang mga blog ay hindi ko makita, o marahil ay nalalampasan ko iyon nang di ko alam. Namatay siya noong 2015.

Kaya mula roon ay nagsaliksik na ako sa iba pang historyador kung ano ba at kailan ba ang masasabing "opisyal" na petsa ng pagkakatatag ng bansa. Mula sa mga saliksik, samutsaring akda, tulad ng mga sanaysay, maikling kwento at tula, ang aking isinulat at tinipon. Kaya nga masasabi kong ang mga naritong akda ay mula sa mahabang panahon ng pananaliksik at paghahanap, paglalakbay at pagbabasa ng mga aklat, pagtunganga sa alapaap at kisame, pagninilay at pagkatha. 

Kaya inilathala ko rito ang mga yugto-yugto o natapos kong maikling kwento at sanaysay hinggil sa aking mga nasaliksik. Marami akong aklat na sinangguni. Subalit ang saliksik nina Dra. Milagros Guerrero, Emmanuel Encarnacion at Ramon Villegas ang nagpatimo sa akin kung kailan ba ang Birth of the Nation, bagamat hindi nila direktang sinabi na iyon ang Birth of the Nation.

Ang isa sa nagbanggit ng "birth of the nation" ay nabasa ko sa Kahimyang fb page, sa paksang Abril 12, 1895 na Unang Sigaw sa Pamitinan. Ayon sa Kahimyang, "The event on April 12, 1895, at Pamitinan Cave in Montalban is often cited by historians as the "First Cry"  or the  true  first declaration of  Philippine independence, predating the more famous Cry of Pugad Lawin by over a year. While the 1898 declaration in Kawit is the official national holiday, the Pamitinan incident represents the raw, revolutionary birth of the Filipino nation as conceived by the Katipunan."

Para sa akin, eksakto iyon, subalit walo lamang silang Katipunerong kumakatawan sa buong bansa sa deklarasyong iyon. Gayunman, mas pinapaboran ko ang isinulat nina Guerrero, Encarnacion at Villegas, na sa sama-samang pagpunit ng sedula ng mga Katipunero, kasama ang taumbayan, bilang hudyat ng himagsikan, ang Katipunan ay naging ganap nang rebolusyonaryong pamahalaan. Ibig sabihin, nabuo na ang bansa. Aking sinipi rito ang kanilang isinulat: "On 24 August 1896, Andres Bonifacio convened tha Kataastaasang Kapulungan or National Assembly of the Katipunan in Melchora Aquino’s barn in barrio Banlat, then part of Kalookan. Assembled were the members of the Kataastaasang Kapulungan (Supreme Council), as well as the pangulo (heads) of the sangunian (supra-municipal) and balangay (chapter) units. There they made three major decisions. First, they declared a nationwide armed revolution to win freedom from Spain. Second, they established a national government. And third, they elected officials who would lead the nation and the army."

Sa dokumentong iyon ay nasusulat din ang mga sumusunod:

A nation is born 

The Spanish historian Manuel Sastron describes the revolution as a “rebellion of the Tagalogs against Spanish domination;” he also refers to the Tagalog rebels.” But it is clear that the 1896 revolution was a national endeavor. 

Written and published in 1896, the Katipunan’s Cartilla defined its major objectives:

Ang kabagayan pinaguusig ng katipunang ito ay lubos at dakila at mahalaga; papagisahin ang loob at kapisan ang lahat ng tagalog. *Sa pamamagitan ng isang mahigpit na panunumpa, upang sa pagkakaisang ito’y magkalakas na iwasak ang masinsing tabing na nakakabulag sa kaisipan at matuklasan ang tunay na landas ng Katuiran at Kaliwanagan. 

*Sa salitang tagalog katutura’y ang lahat nang tumubo sa Sangkapuluang ito; sa makatuid, bisaya man, iloko man, kapangpangan man, etc., ay tagalog din.

Gayunpaman, pauna pa lang ito. Hindi pa tapos ang mga saliksik hangga't hindi nagkakasundo ang mga historyador at naisabatas ito. Baka hindi pa ito ang Birth of the Nation kung pagdedebatehan pa ito ng mga historyador. Ang mahalaga, hindi maiwan o makalimutan ang isyung ito sa kasaysayan ng pagbubuo ng bansa. Dapat masagot talaga ito at maisabatas kung kinakailangan. Panimula pa lamang ang libretong ito upang buksan ang usapin ng Pagkakabuo ng Bansa. Ika nga, kung may deklarasyon ng paglaya ng bansa noong ika-12 ng Hunyo 1898, ito’y dahil may nabuong bansa. Kung kailan talaga ito’y mahalagang ating mapag-usapan, gunitain at ipagdiwang. Maraming salamat.

PAHABOL: 

Lahat halos ng nariritong maikling kwento, sanaysay, tula at saliksik ay unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang samahang Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ang inyong abang lingkod ang nahalal na sekretaryo heneral sa ikalimang pambansang kongreso nito noong Setyembre 16, 2018. Wala na kasi ang mga dati kong sinusulatang pahayagang Obrero ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), ang publikasyong Maypagasa ng Sanlakas, at ang magasing Ang Masa ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Kaya maraming salamat sa KPML at sa Taliba ng Maralita!

Sa pagkatha ng mga maikling kwento, mas naging prinsipyo ko nang ang taumbayan dapat ang bida, at walang Superman, Batman, Spiderman, Catwoman, Wonder Woman, o Darna. At wala ring Captain America, Captain Philippines, o Captain Barbell na may kapangyarihan dahil pawang gawa-gawa lang o pantasya ang mga iyon. 

Taumbayan ang bida. Sambayanan ang bida. Uring manggagawa ang bida. Siyang tunay, ang pagiging bida ng taumbayan ay nakita ko sa Unang Pag-aalsang Edsa kung saan kasama ko ang aking ama. Walang bida kundi ang sambayanang sa sama-samang pagkilos ay napatalsik nila ang diktador. Kaya ipinapakita ko sa mga kathang mababasa ninyo rito, taumbayan lagi ang bida, mga taong di kilala subalit malaki ang inambag sa lipunan: manggagawa, maralita, kababaihan, magsasaka, OFW, at iba pang aping saray ng lipunan, lalo na ang tinatawag na sagigilid o nasa laylayan. Tanging sa sama-sama o kolektibong pagkilos lang makakamit ang tagumpay. Ika nga sa isang awit, "wala tayong maaasahang Bathala o Manunubos, pagkat ang ating kaligtasan ay nasa ating pagkilos".

Tulad din ng pagkakabuo ng bansa noong punitin ng mga Katipunero ang kanilang mga sedula at ang Katipunan ay matransporma na bilang rebolusyonaryong pamahalaan, walang iisang bida kundi ang taumbayan. Nagkataon lang na kinikilala natin si Gat Andres Bonifacio dahil sa kanyang pamumuno. Subalit kung wala ang taumbayan at ang mga kasapi ng Katipunan, marahil wala rin siya.

Sinulat sa Sampaloc, Maynila.
Agosto 15, 2026

Martes, Agosto 4, 2026

Tatlong bayaning namatayan ng unang sanggol

TATLONG BAYANING NAMATAYAN NG UNANG SANGGOL
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Binabasa ko ang talambuhay ni Nelson Mandela nang mapatitig ako sa isang talata. Namatay pala ang kanyang unang anak na babaeng si Makaziwe noong siya'y siyam na buwang sanggol pa lamang. Kay Mandela kasi ipinangalan ang Nelson Mandela Rules na isinalin ko sa wikang Filipino. Ito ang United Nations standard minimum guidelines for the treatment of prisoners na pinagtibay noong Disyembre 2015 at ipinangalan bilang parangal sa yumaong pangulo ng South Africa. Ang 122 patakaran ay dokumentong nagtitiyak ng makataong pagtrato sa mga bilanggo, kanilang kaligtasan, at paggalang sa dignidad ng tao.

Bigla, naalala ko. Di ba't ang dalawa nating bayaning sina Gat Jose Rizal at Gat Andres Bonifacio ay namatayan din ng unang anak? Kapwa kasi namatay ang kani-kanilang anak na lalaki noong maagang bahagi ng taon 1896.

Namatay ang sanggol na anak ni José Rizal na si Francisco tatlong oras pagkatapos isilang noong unang bahagi ng 1896 dahil ipinanganak siyang wala sa panahon. Ang kabiyak ni Rizal na si Josephine Bracken ay maagang nanganak sa Dapitan, at ang sanggol ay masyadong mahina. 

Sa kabila ng kakayahan ni Dr. Rizal bilang manggagamot, hindi niya nailigtas ang sanggol.

Namatay naman sa bulutong ang sanggol na anak na lalaki ni Andres Bonifacio kay Lakambini Gregoria "Oriang" De Jesus, na pinangalanang Andrés Bonifacio y de Jesús, noong maagang bahagi ng 1896.

Napakasakit mamatayan ng anak.

08.04.2026

Huwebes, Hunyo 4, 2026

Paunang Salita sa aklat na TINIG NG DUKHA, Katipunan ng mga Akda ni Ka Pedring Fadrigon

PAUNANG SALITA
ni Gregorio V. Bituin Jr., sekretaryo heneral ng KPML

Maraming naiwang akda si Pedrito “Ka Pedring” Fadrigon, pambansang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Kaya nang mamatay siya noong Oktubre 6, 2019, isa sa naging pasiya ng patnugutan ng pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng KPML, ay ang ilathala ang kanyang mga akda, lalo ang kolum niyang Tinig ng Dukha sa Taliba ng Maralita mula Setyembre 2018. Noong Setyembre 16, 2018 ang ikalimang Pambansang Kongreso ng KPML na muling nagluklok kay Ka Pedring sa pagkapangulo.

Bukod pa sa kolum sa Taliba, mayroon pa siyang sulatin na nahalukay ko sa internet, na isinama ko rito.

Hindi ko lang naipon ay ang kanyang mga sulatin sa dyaryo ng SAMANAFA (Samahan ng Maninindang Nagkakaisa sa Fabella) na dalawang pahinang buwanang pahayagang back-to-back sa short bond paper na ipinapa-riso ng isang ream. Salitan kami ng namayapang Larry Perez Jr. sa paggawa ng dyaryong ito.

Ang pagtitipon at paglalathala ng kanyang aklat ay ginawa para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan sa Oktubre 2020. Nagawa iyon. Inipon lahat ng kanyang sulatin, ni-retype ang teksto, naghanap ng litrato, ni-layout ang aklat, naghanap ng pondo, ako na ang nag-bookbinding, pina-cut sa labas. Bale apatnapung aklat iyon. Ibebenta ko sana bawat aklat sa kanyang mga kasamahan sa Mandaluyong, pati na sa mga kasama sa KPML, sa Zone One Tondo Organization (ZOTO), sa Piglas Kabataan (PK), at maging sa mga taga-NAPC (National Anti-Poverty Commission).

Apatnapung librong manu-mano kong ginawa. Apatnapung aklat lamang dahil iyon ang kasya sa pondong hawak ko. Subalit nangyari ang hindi inaasahan. Nawala ang apatnapung librong iyon. Nalimutan ko sa sasakyan. Marahil dahil sa pagod at antok ay hindi ko na naalala o dahil sa dami ng problema sa bahay at sa buhay ay kung anu-ano ang nasa isip. Naalala ko lang pagbaba ko ng dyip. Kung hindi sa bus papuntang Monumento ay sa dyip papuntang Letre ko naiwan iyon. Natulala ako. Naalala kong umiiyak ako noon. Hindi dahil sayang ang mga librong mabebenta, kundi nakapanghihinayang na nawala iyon ng gayon na lamang.

Tanda ko’y nakalupagi ako sa harap ng National Book Store ng Malabon City Square nang may kumalabit sa akin. Bakit daw ako umiiyak at sinabi kong naiwan ko sa sinakyan ko ang pinaghirapan kong aklat ni Ka Pedring. Hindi ko na matandaan kung sino siya. Baka gwardya sa National o isang lider-maralitang kakilala ko. Hindi ko na batid kung ilang minuto o may isang oras ba ako sa gayong katayuan. Hanggang naisipan kong sumakay na ng tricycle papuntang Tomana dahil may pulong kami ng mga lider ng KPML.

Naalala ko’y tahimik lamang ako noon. Di halos makausap. Paano ko ba sasabihing nawala ang isang sorpresa sana sa kanila?

Nabatid ni misis ang nangyari at sinabi niyang huwag akong mag-alala at babalik din iyon, na siya kong pakonsuwelo. Di ko iyon muling nilathala. Tila pilit ko na lang kinalimutan ang mga nangyari.

Ilang taon ang lumipas hanggang magbantay ako kay misis sa ospital, hanggang sa siya’y mawala sa aking piling. Sadyang kayhirap mawalan ng minamahal. Nasa bingit ako ng matinding depresyon. 

Sa aking pag-iisa, natagpuan ko ang aking sarili na nagbabasa ng mga dati kong nabiling aklat, katha ng katha ng tula, sinubukang maggitara at gumawa ng ilan kong komposisyong kanta na tinawag kong tulawit (tula at awit), pagkatha ng mga tanaga-baybayin o mga tulang isinulat ko sa panulat ng ating mga ninuno - ang baybayin, nagsulat ng tula, maikling kwento, sanaysay, dagli, at bukrebyu, na pinasa ko sa magasing Liwayway subalit di ko na nasubaybayan kung may nalathala, pagdalo at pagsasalita sa rali, at  minsan ay pagbigkas ng tula sa rali at iba pang pagtitipon. Hanggang naging tambayan ang Metropolitan Theater upang manood ng libreng palabas, pati na sa panonood sa PETA, Mowelfund, Videotheque, Cine Adarna, at UP Film Center ng mga libreng palabas. Sa UP, kung may bayad man, P200 sa regular, at P150 sa senior, estudyante at PWD, binabayad ko’y P150 lang, hindi regular, sa pagsasabing pultaym na aktibista ako, at pinapayagan naman akong manood. Maraming salamat. 

Ilang beses din ako sa National Museum at halos nalibot ko na ang tatlong building niyon: ang National Museum of Fine Arts, ang National Museum of Anthropology, at ang National Museum of Natural History na magkakatabi lang sa Luneta sa Maynila. Kumuha ng litrato, kumatha ng tula’t sanaysay hinggil sa ilan kong nakita roon.

Nitong Pebrero o Marso 2026, sa isang palabas sa UP Film Center, pagkatapos ng palabas ay may tanungan portion doon. Nasa entablado  ang mga  direktor at  artistang gumanap. Nagtanong ako at nagpakilala. Ako si Greg, isang pultaym na aktibista at sekretaryo heneral ng KPML. Nasagot naman ang aking tanong. Matapos iyon ay may lumapit at kumausap sa akin. Di ko na matandaan ang kanyang pangalan kung Marita, Marissa o Melissa ba na taga-Cavite. Sabi’y nabasa niya ang libro ni Ka Pedring ng KPML at ito ang nagsilbing inspirasyon nila upang ipaglaban ang kanilang karapatan sa paninirahan. Tinanong ko kung saan niya nabili ang libro. Di raw niya iyon binili. May nagbigay lang daw niyon sa kanya. Pakiramdam ko’y tulala ng panahong iyon kaya wala na akong naitanong pa hanggang siya’y magpaalam at ako’y nakinig pa rin sa mga tanungan. Tila ba ipinaalala niyon na dapat muli akong maglathala ng mga aklat, lalo na ang nawala kong 40 kopya ng aklat ni Ka Pedring.

Ilang linggo pa ang lumipas at nagunita ko muli ang usapang iyon. At isang araw, kalagitnaan ng Mayo, ay bumangon akong puno ng sigla at may panibagong lakas. Muli akong nagsaliksik, tinipon at tinipa ang mga akda ni Ka Pedring, bagamat di ko na tanda ang ilan pang detalye ng unang aklat maliban sa petsang Oktubre 2020 iyon nalathala dahil iyon ang unang anibersaryo ng kanyang kamatayan.

Gayunpaman, batid kong iba ang itsura ng unang aklat, na sa palagay ko’y mas maraming pahina kaysa sa inilathala ngayon. Mas marami siyang sulatin doon, na wala sa aklat na ito dahil di ko na makita ang iba pa niyang sulatin. Ang ginamit ko pa sa pagdisenyo ng unang aklat ay ang pagemaker. Wala na akong pagemaker ngayon, at kahit sa mga computer shop ay wala na ring pagemaker bagamat may ibang app na pandisenyo subalit aaralin ko pa dahil hindi ko kabisado. Ang ginamit ko sa pagdisenyo ng buong aklat na ito, pati pabalat nito, ay Microsoft Word document. Kaya ako’y humihingi ng paumanhin kung anuman ang naging kulang o mga kakulangan sa edisyong ito.

Ang Tinig ng Dukha ni Ka Pedring Fadrigon ang pangwalong aklat sa serye ng mga kilalang rebolusyonaryo sa kasaysayan na aking isinaaklat. Una'y ang Macario Sakay, Bayani, na ang unang edisyon ay nilunsad sa UP Manila sa sentenaryo ng pagbitay kina Sakay, Setyembre 13, 2007. Ikalawa'y ang Ka Popoy: Working Class Hero, na nilunsad sa UP Bahay ng Alumni, Pebrero 6, 2009, kung saan napaslang si Filemon "Ka Popoy" Lagman. Ikatlo'y ang talambuhay at salin ko ng mga akda ni Comandante Ernesto “Che” Guevara, isang rebolusyonaryong taga-Argentina na tumulong sa tagumpay ng rebolusyong Cubano, kasama ang dakilang Fidel Castro, noong 1959. Ikaapat ang Liwanag at Dilim  ni Gat Emilio Jacinto, na isinulat ng magiting na bayaning Katipunerong kilala sa taguring Pingkian at Dimas Ilaw. Ikalima’y ang Bonifacio 150 na inilunsad noong Nobyembre 30, 2013, kasabay ng ika-150 kaarawan ng bayani at Supremong si Gat Andres Bonifacio. Ikaanim ang Lean Alejandro, na nilathala kasabay ng ika-30 anibersaryo ng pagpaslang kay Lean noong 2017. Ikapito ang 12-pahinang pamphlet ukol kay Gregoria “Oriang” de Jesus, Marso 2018.

Nakabinbin pa ang planong pagsasalibro ng Talambuhay at mga sulatin ni Crisanto Evangelista; ang Talambuhay ni Teodoro Asedillo na ang anak niyang si Nanay Rosa ay minsan ko nang nakadaupang palad sa Laguna; ang Talambuhay ni Heneral Luciano San Miguel; at ang Talambuhay ni Heneral Licerio Geronimo, na ang apo ay minsan ko nang nakadaupang palad sa San Mateo, Rizal.

Ilan pang nais kong isalibro’t proyektuhin, bukod sa pagsasalibro ng mga kolum sa Taliba ng Maralita ni Ruen “Ka Kokoy” Gan, pangulo ngayon ng KPML, ay ang mga interbyu sa mga lider-maralita, pati kasaysayan ng mga matitinding laban at pakikibaka ng mga maralita laban sa demolisyon at isyu ng paninirahan, tulad ng Mariana, North Triangle, Sitio Mendez, Welfareville sa Mandaluyong, Pasig, Antipolo, Lupang Arenda, Tulos sa Caloocan, ang Mahabang Parang at ang Botong Francisco (kapangalan ng isa nating National Artist) sa Angono, Brgy. Jose Corazon de Jesus (kapangalan ng idolo kong makata), Gulayan sa Malabon, mga nasunugan sa Navotas na nalipat sa Bulacan, mga galing sa Tondo Foreshore na nalipat sa Dagat-Dagatan, mga lider-maralita sa Bacolod, Cebu, Mindanao, atbp. Subalit marahil ay matagal pa ito.

Sa ngayon, narito ang ikalawang edisyon ng aklat ni Ka Pedring. Mga nalathalang bagong libro, na sana’y di na maiwanan sa sasakyan at mawala. Inihanda ito upang mabasa ng kasalukuyang mga lider-maralita at ng mga susunod pang henerasyon ng mga aktibista ang mga sulating ito ni Ka Pedring, pati kasaysayan ng mga laban ng maralita. Ang aklat na ito’y iingatan ko na ngayon. Ibebenta ko muna ay sampu, at iiwan ang iba sa bahay. Pag naubos iyon, ibebenta ko muli ay sampu. Hanggang makagawa ako ng paulit-ulit nito.

Ang munting aklat na ito ay taaskamao at taospusong iniaalay sa lahat ng lider-maralitang patuloy na nakikibaka mula noon hanggang ngayon upang baguhin ang bulok na sistemang nagdala sa kanila sa dusa.

Nawa’y makatulong at magsilbing inspirasyon ang librong ito sa mga nakikibakang maralita para sa kanilang karapatan sa paninirahan at hustisyang panlipunan. Lalo na sa panahon ngayong naisabatas na ang RA 12216 (NHA Act of 2025), at ang 4PH (Pambansang Pabahay para sa Pamilyang Pilipino o EO34) na di naman para sa mga maralita.

Sinulat ng petsang Mayo 17, 2026,  inedit Hunyo 4, 2026

Huwebes, Abril 9, 2026

Tulawit sa Araw ng Kagitingan

TULAWIT SA ARAW NG KAGITINGAN
‎ang mga bayani ng bayan
‎ay atin pong alalahanin
‎ngayong Araw ng Kagitingan
‎upang kalayaan ay kamtin
‎sa mga bayaning Pilipino 
‎kami'y taospusong nagpupugay
‎pagkat bansa'y pinalaya ninyo
‎mula sa mga imbi't kaaway
‎- gregoriovbituinjr.
‎04.09.2026

* mapapanood ang munting bidyo sa kawing na: 

Lunes, Marso 30, 2026

Panonood ng 'Kababaihan ng Malolos' at 'History of the Underground'

PANONOOD NG 'KABABAIHAN NG MALOLOS' AT 'HISTORY OF THE UNDERGROUND'
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dalawa ang plano ko ng buong araw. Dumalo sa aktibidad na Kalbaryo ng Maralita ng Partido Lakas ng Masa (PLM). Ikalawa, manood ng mahahalagang dokumentaryong pangkasaysayan, ang 'Kababaihan ng Malolos' sa UP Film Center ng ika-11 ng umaga.

Ikawalo pa lang ng umaga uy umalis na ako ng Bahay upang daluhan ang unang aktibidad ng PLM sa tapat ng PCUP. Ma-trapik at nakarating ako sa PCUP bandang mag-iika-9 ng umaga. Wala sila. Baka nakaalis na. Sakay agad ako ng dyip puntang Quezon City Hall. Dumating ako ng Kalayaan ng ika-9:30. Nag-abang doon, wala pa sila sa tapat ng DHSUD, nag-almusal ng kanin at sitaw sa gilid na karinderya. Bumalik. Dinaanan ang DHSUD at NHA. Wala pa rin. Bandang ika-10:30 ay umalis na ako at naglakad patungong sakayan ng UP. Nakarating sa UP Film Center Videotheque ng 10:45. Tamang-tama.

Pinanood ko ang 'Kababaihan sa Malolos' na siyang alam kong nag-iisang palabas doon. Pinanood ko dahil nais kong mabatid pa ang hinggil sa kanila, bukod sa nilalaman ng liham ni Dr. Jose Rizal na pinamagatang "Sa Mga Kababaihan ng Malolos". Nasa isa't kalahating oras din ito.

Inisip kong abangan sa CHED ang Kalbaryo, subalit nakita kong may isa pang interesting na palabas ng alas-dos. Ang pamagat ay 'History of the Underground' ng ikalawa ng hapon. Kaya nagpasya akong panoorin iyon kaysa abangan ang Kalbaryo sa pagdaan nito sa CHED na di ko batid kung anong oras. Nag-aalangan akong pumunta. Dahil nga yaong naunang nakaiskedyul ay walang dumating.

Ikalawa kong pinanood ang "History of the Underground" kung saan ilan sa mga nakapanayam ay sina Joma Sison, Dodong Nemenzo, Princess Nemenzo, Ed Dela Torre, at marami pang iba, hinggil sa pagkakatayo ng isang rebolusyonaryong partido noong 1968. Dalawa't kalahating oras din ito. Pumasok ako ng alas-dos at nanood, at lumabas ng alas-singko, dahil matapos ang palabas ay nakipagtalakayan pa sa audience ang direktor na si Sari Dalena.

Napanood ko ang pagsisimula ng Sari Dalena Retrospective sa buong Marso, ang "Memoirs of a Forgotten War" at ang "Cinemartyrs". At itong huli kong dalawang napanood ay ito ngang "Kababaihan sa Malolos" at ang "History of the Underground".

kaysarap manood ng paksang kasaysayan
na marami'y di mo nabasa sa aklatan
o kung nabasa man, detalye'y kaliitan
kaya di mo manamnam at di nasarapan

ngunit sa dalawang nasabing pelikula
ay magkakainteres ka pagkat maganda
kaya mga ito'y sinadya ko talaga
upang masaksihan at ako'y matuto pa

03.30.2026

Huwebes, Marso 19, 2026

Si Bulakna

‎SI BULAKNA

‎black belter umano sa arnis si Bulakna,
‎isang babaylan, mandirigmâ, makatâ pa,
‎at kay Lapulapu ay butihing asawa,
babae, pinunô, ating bigyang halaga

‎nakita sa eksibit ni Kidlat Tahimik
‎nang mata ko'y imulat, di na maipikit
‎si Bulakna pala sa arnis ay kaylupit
‎pangalan niya sa kasaysayan igiit

‎dapat pa tayong magsaliksik ng ganito
‎dapat pa nating saliksikin ang ganito
‎tagong kasaysaya'y halungkating totoo
‎ngala'y idagdag sa bayaning Pilipino

‎O, Bulakna, pangalan mo'y isinadiwà
‎sa Mactan ay isa kang bayaning dakilà
‎kaylaki ng papel ng babae sa bansâ
‎"Bayani ng Arnis", itatawag kong sadyâ

‎- gregoriovbituinjr.
‎03.19.2026

‎* mga litrato kuha ng makatâ noong Marso 15, 2026 sa MET

Sabado, Marso 7, 2026

Dalawang sine hinggil sa Philippine-American War

DALAWANG SINE HINGGIL SA PHILIPPINE-AMERICAN WAR
Maikling sanaysay at tulâ ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kahapon, Marso 6, 2026, ay napanood ko ang dalawang dokumentaryo / pelikula hinggil sa Digmaang Pilipino-Amerikano, lalo na ang Bud Dajo massacre. Talagang inabangan ko ito. Ang dalawang ito'y ang Memoirs of a Forgotten War, at ang Cinemartyrs. Ang direktor ay si Sari Dalena. Nabanggit na ika-120 anibersaryo ng Bud Dajo massacre ng araw na iyon.

Mula sa isang presscon na pinamagatang "Defending the Defenders" na hinggil sa karapatang pantao, ay agad kong hinabol ang nasabing historical dokyu. Alas-kwatro ang simulâ kayâ alas-tres pa lang ay umalis na ako sa 1-4pm na presscon. Marahil, naisip ng ilang kasama, bakit kaya ako nagmamadaling umalis? Tantiya ko kasi, kahit malapit lang, ay baka maleyt ako dahil sa trapik.

Dumating ako sa Cine Adarna ng ika-4:10 ng hapon. Naabutan ko pa ang pamagat na War. Di na ako dyuminggel at naghanap na ng mauupuan sa madilim na sinehan. Nagsimula ang Memoirs of a Forgotten War sa pagtalakay ng isang banyagang ang tinig ay babae. Sinalaysay ang ilang pangyayaring naganap noong Philippine-American War sa Ilocos at sa Patikul.

Naging matingkad sa akin ang paglusob ng pulutong ng kababaihan sa mga sundalong Amerikano sa isang labanan. Patay silang lahat, pati ang lider nilang animo'y Kristo ang kaanyuan.

Libre o Free Admission ang Memoirs of a Forgotten War, na isang oras din, habang may bayad naman ang Cinemartyrs, na higit dalawang oras naman. P200 ang regular habang P150 ang senior / PWD / student. Naglabas ako ng P150 at ibinayad na sabi ko, hindi regular, kundi pultaym na aktibista. Itatanong daw muna, subalit pumayag na rin at binigyan ako ng tiket.

Bihira akong makapanood ng sine o dokumentaryo hinggil sa Philippine-American War, habang kayrami ng pelikula hinggil kina Gat Jose Rizal, Gat Andres Bonifacio, at iba pang nakibaka laban sa mananakop sa Luzon. Kaya ang panonood ng dalawang pelikulang ito ay di ko na pinakawalan.

6:30 pm, pinapasok na kami para sa Cinemartyrs. Tahimik akong umupo at nanood. Binuksan iyon sa eksena sa isang lugar marahil ay sa Intramuros na kapis pa ang mga bintana. Pinakita ang pagkuha sa isang eksenang pinalabas na sa Memoirs of a Forgotten War na una kong napanood ng hapong iyon. Si Angel Aquino na ang gumanap sa babaeng may hawak na sanggol habang sumugod muna ang maraming kababaihan sa pulutong ng mga sundalong Amerikano, pinagbabaril, hanggang sila'y nangaubos. Lumaban noon ang mga kababaihan para sa dignidad at kalayaan ng bayan laban sa mga mapaniil na mananakop. Napanood habang dalawang araw na lang ay Araw na ng mga Kababaihan.

Pinakita rin ang sitwasyong kausap ng direktor na babae ang tatlong tagasuri para sa NCCA grant. Dapat daw hindi Luzon-centric ang kanyang pelikula kundi pinapunta siya roon sa Mindanao. Kaya nagpasiya siyang pumunta, kasama ang kanyang pangkat, sa Mindanao, partikular sa Patikul, Sulu, kung saan naroon ang Bud Dajo, isang matarik na kabundukan.

Nakausap pa niya ang lider ng mga sundalo, na pinakiusapan niyang sumama na rin sa pelikula. Nakarating ang pangkat sa Bud Dajo at nakausap ang mga elder at residente roon. Sa isang eksena, sinabihan silang bawal daw mag-utos ang babae sa lalaki. Kaya ang ginawa ng direktor ay kinausap ang panganay na anak ng isang elder upang siyang mag-utos sa mga gaganap.

Ayon kay Direk, pag tinapik niya sa balikat ang lalaki, ibig sabihin, magpatuloy na sa pag-arte, o kaya'y tapos na, "cut".

Araw pala ng kasalan ng dalawang Tausug nang maganap ang paglusob at pambobomba ng mga Amerikano sa Bud Dajo. Marami ang namatay sa kanila. Subalit sa pagsasaliksik ko, walang binanggit ang mga reporter na Kano sa nasabing kasalan, at binabanggit lang ay maraming moro ang kanilang kalaban. Buti't ipinakita iyon sa nasabing pelikula, kung ano talaga ang naganap.

Matapos ang eksena, ang babaeng umaktong ikakasal sana ay tila nasapian, at marami ang tumulong sa kanya, pati mga elder. Tatlo pang lalaki ang gayon din ang dinanas, pati na si direk. Hanggang makabalik na ang babae sa kanyang sarili. Sabi niya, "hindi n'yo ba nakikita, nariyan sila."

Nagpapasalamat ang mga katutubomg Tausug dahil naranasan umano nila ang dinanas ng kanilang mga ninuno, bagamat sa pelikula lamang. Matapos ang palabas ay nagkaroon ng panayam sa mga nagsiganap, pati kay Direk. Pagpupugay sa lahat ng gumawa ng mga dokumentaryo at pelikulang iyon!

Pumasok ako ng 4pm, lumabas bandang alas-nuwebe pasado na. Higit limang oras man, nagutom man, subalit talagang sulit pagkat napanood ko ang dalawang makasaysayang palabas na ito. Sadya akong nappapasalamat at nagpupugay.

DALAWANG SINE HINGGIL SA FIL-AM WAR

dalawang makasaysayang sine
ang aking pinanood kagabi
sadyang yumanig sa aking diwà
ang anibersaryo ng gunitâ

nang nanood sa U.P. Film Center
patungkol sa Bud Dajo massacre
kasabay ng petsang Marso Anim
ang isang kabanatang malagim

sineng Memoirs of a Forgotten War
pati ang Cinemartyrs, nilahad
sa dalawang pelikulang iyon
gunita't historya ng kahapon

kayraming babae ang namatay
Katipunerang lumabang tunay
sa mga sumakop at sumiil
sa bayang nais nilang makitil

dalawang sineng sadyang kaiba
na Fil-Am War ang tinalakay na
pagpupugay sa kanilang lahat
sa sine't temang sadyang kaybigat

03.07.2026

Gunitâ

GUNITA Gaano man kasamâ ang diktadurang maton, pag nagalit ang madlâ, tiyak babagsak iyon! Isang aral sa atin laban sa paniniil. Sa kasaysay...